Seeing Her Again

12.3K 257 4
                                    

CHAPTER FOUR

Eight years later

NADATNAN ni Iris na nagtatalo ang mga magulang nang hapong iyon, karaniwang eksena sa kanila sa nakalipas na huling mga taon. Kadalasan ay petty quarrels lang ang away ng mama at papa niya. Nagtataka siya kung bakit hindi makapagpasensiya sa isa’t isa ang dalawa gayong supposedly ay nagmamahalan ang mga ito.
Napapagod na siya sa bangayan ng mga magulang. Wala nang katahimikan sa kanila. Kung hindi nagsisinghalan ang dalawa ay bumabalibag ang mga pinto o kumakalabog ang mga yabag. Madalas tuloy, kahit nakakapagod ang tumao sa hardware kapag may salesclerk na absent ay mas gusto pa niyang mamalagi roon sa maghapon. 
Tumuloy agad si Iris sa kanyang silid. Kahit nakasara na ang pinto ay dinig pa rin ang sigawan ng mga magulang. Kung hindi lang sa negosyong ILAW Hardware na ipinatayo para sa kanya ni Lola Irenea sa lugar nila sa Quezon City, mas gugustuhin niyang tumira na lang sa piling nito at ni Tita Olivia sa San Pablo.
Kinuha ni Iris ang headset ng smartphone sa kanyang bag at isinalpak iyon sa tainga. Binuksan niya ang music file ng smartphone at pinili ang album ng gusto niyang mga kanta. Saglit lang at pumailanlang na sa pandinig niya ang kantang “Lover in Me” ng grupong Crazy Hotshots, ang acoustic band na kinabibilangan ni Rich dela Cuesta. Natabunan na ng musika ang away ng kanyang mga magulang.
Nakalma agad siya. Kasabay ng pagbuhos sa kanyang kamalayan ng musika ay ang pagdagsa ng mga alaala. Ang huling bakasyon nila nang sabay ng binata noong unang taon niya sa college…
“Really? Sa talyer talaga?” hindi makapaniwalang sabi ni Rich kay Iris. Sinamahan nila noon si Lola Irenea sa diagnostic clinic sa Poblacion, para sa taunang laboratory exam na kailangan para sa executive checkup ng matanda.
“Oo nga. Friend ni Papa 'yong may-ari ng talyer. Malapit lang sa amin. Nakiusap ako na mag-observe at matutong ma-recognize ang tools at mga bagay-bagay sa shop niya for a week. Pinayagan naman ako ni Papa kaya wala nang nagawa ang pagkontra ni Mama.” Kung dati ay walang kaalam-alam si Iris sa mga teknikal na bagay, pagkaraan ng isang linggong pamamalagi sa talyer ay natuto rin siya ng maraming bagay. Nalaman niya kung ano ang pagkakaiba ng liyabe-tubo mula sa isang ordinaryong wrench, at kung ano ang pagkakaiba ng tire wrench sa adjustable wrench. Nakabisa na rin niya ng iba’t ibang sukat ng wrenches base sa numerong itinatawag doon. Alam na rin niya ngayon na ang washer ay hindi lang tagahugas ang ibig sabihin. Na iyon ay maliit na tool na kadalasang ka-partner ng turnilyo. Pati karamihan sa parts ng kotse ay alam na rin niya ngayon, na dati ay limitado lang sa gas pedal, break pedal, steering wheel at gear ang nalalaman.
“Bakit bigla ka yatang naging interesado sa mechanical tools?”
“Iyon kasi ang isa sa weaknesses ko. Wala akong kaalam-alam dati. Gusto ko lang ma-overcome. Natatandaan mo noong una tayong magkakilala at hindi ko alam kung ano 'yong lubricant na ginagamit sa bike? Na-realize ko na nakakaaliw rin palang matuto. Kahit medyo nakunsumi yata sa akin 'yong chief mechanic nila dahil slow learner ako.”
Natawa si Rich. Nagdagdag ng intensity ng ka-cute-an. Wala pa rin talagang kupas magpakilig kay Iris ang tawa o ngiti nito. “I bet kinulit mo ang mga tao sa talyer.”
“Nope. 'Yon lang chief mechanic ang kinukulit ko. Ako ang kinukulit ng mga mekaniko roon.”
“Bakit ka nila kinukulit?”
Pinanlakihan niya ng mga mata ang binata. “Hello, Mr. dela Cuesta? If you’re not aware of it yet, dalaga na po ako.” Tumuwid siya ng tayo at lumiyad pa para sa effect. Payat pa rin siya ngunit nagkakalaman na ang katawan sa mga tamang lugar, patunay na nalalapit na siya sa phase ng pagiging ganap na dalaga. “At nililigawan na ng guys.”
Lalong natawa si Rich. Pinisil nito ang kanyang pisngi. “Nag-aapurang magdalaga ang bata.”
“Bakit, seventeen na ako, ah? Next year, eighteen na ako kaya hindi na ako bata. Ngayon pa nga lang marami nang nanliligaw sa akin sa school.” Gustong-gusto na niyang dugtungan ang sinabi ng: “Kung liligawan mo lang ako, hinding-hindi ko papansinin ang mga nanliligaw sa akin. Kung sasabihin mo lang na hihintayin mo ang pagdadalaga ko, kahit tingin sa ibang lalaki, hindi ko gagawin. Can I be your future girlfriend? I will not break your heart, I promise.” Pero may lakas ba siya ng loob na sabihin iyon?
Ginusot ni Rich ang buhok ni Iris. “Huwag ka munang mag-apura. Bata ka pa. You still have a long way to go.”
Irap ang iginanti niya sa binata sabay suklay ng mga daliri sa kanyang buhok. Naiinis siya kay Rich. Inulit pa talagang sabihin na bata pa siya. At ang nakakainis pa, hindi man lang ito magselos sa mga manliligaw niya. Hindi man lang sabihin na huwag siyang magpapaligaw sa iba at may isang naghihintay sa kanyang pagdadalaga—ito.
Bakit ba? Sa feelingera talaga siya pagdating kay Rich, ano ang magagawa niya?
Pero mas higit na naiinis si Iris sa sarili. Dahil pagkaraan ng mga taong lumipas, wala pa ring kupas ang pagsinta niya kay Rich. It just took another form. Hindi na lang niya gusto ang binata dahil guwapo, cute, mabait, magaling tumugtog ng piano at gitara at mahusay na kompositor pa. Gusto at mahal din niya si Rich nakikita man ito o hindi. Mahal niya ito sa kabuuan—puso, isip at kaluluwa
Naaalala rin ni Iris ang pagpunta niya sa first major concert ng grupo ni Rich sa Music Museum. Pumila siya at gumasta para lang makapuwesto malapit sa stage. Ngunit hindi siya nakita ni Rich. Sa dami ng mga nanood ay mistulang tuldok lang siya sa gitna ng mga tao. Hindi na rin nagpupunta si Rich sa San Pablo mula nang maging abala na sa grupong kinabibilangan.
Nanghihinayang si Iris na hindi man lang nito nalaman ang kanyang damdamin bago tuluyang lumaki ang agwat ng kanilang mga mundong ginagalawan.
Pagkakataon lang ang idinadasal niya sa tuwina. Nananalangin siya ng isang chance na makita at makasama si Rich para masabi ang nilalaman ng kanyang puso. Call it unconventional, pero nararamdaman niyang iyon lang ang paraan para makalaya sa ilang taon nang pagkagumon ng kanyang puso sa binata. Baka-sakali, magawa na niyang mag-move on kapag nangyari iyon.

InstaGroom Series 1 Rich COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon