Chapter 9

19.4K 448 54
                                    

Bumuhos ang malakas na ulan habang nasa sasakyan sina Cher at Cholo. Naipit sila sa traffic nang magsimulang tumaas ang tubig mula sa estero. Mababa lang ang kotse niya at nagpa-panic na siya.

"Paano 'yan?" tanong niya.

"Hindi naman siguro aabutin ang tambutso. Hindi rin naman tayo makakaatras. Tutok na tutok itong RAV4," tukoy nito sa sasakyan sa likuran.

Pero patuloy ang pag-ulan. Nasa parte silang kaunting ulan lang ay bumabaha na. Tumirik na nga ang kotse sa unahan nila. Mura na nang mura ang sakay niyon na nasa labas na. Mayamaya ay lumapit ito sa kanila at kumatok sa bintana.

"Bossing, bumaba na kayo. Pakiusapan na lang ninyo 'yong ibang umatras nang kaunti. Titirik na kayo mayamaya pa."

"Sige, boss, salamat." Binalingan siya ni Cholo. "Stay here."

Sumugod na nga ito sa malakas na ulan. Nakatanaw lang si Cher. May kinausap itong ilang motorista. Ang tagal nito sa labas. Nang makabalik ay basang-basa na.

"Malabo tayong makaalis. May aksidente pa pala do'n sa dulo. May jacket ako diyan sa likuran. Gamitin mo na lang. Ako na ang magpapakuha nitong kotse mo. Tara na at gumagabi na."

"Paano ka?"

Ngumiti ito. "Wala na, basa na rin ako. Wait there." Bumaba na uli si Cholo ng kotse at ipinagbukas siya ng pinto. Bahang-baha na. Ito pa ang nagsuot sa kanya ng jacket, saka siya pinangko.

"Cholo! Ibaba mo nga ako."

"Doon na sa island," bale-walang sabi nito. Dinala nga siya nito roon at saka pa lang ibinaba. Hawak nito ang kanyang kamay at tumakbo na sila sa ulanan. Tumawid sila at sumilong sandali. Basa na rin siya pero si Cholo ay parang kaaahon lang sa swimming pool.

"Damn, I'm soaked," sabi nito mayamaya. Natawa tuloy siya. Nakangiting bumaling ito sa kanya. "Funny, huh?"

"Tara na. Mukhang mamaya pa titila ang ulan."

"Let's go."

Patuloy nga silang naglakad. Nakakita naman sila ng vendor ng mumurahing payong. Bumili si Cholo ng dalawa. Punong-puno ng sasakyan ang kahabaan ng kalye. Nakapakarami ring naghihintay na pasahero sa sidewalk. Mahaba-haba rin ang nilakad nila bago sila nakakita ng taxi. Ayaw sana silang isakay niyon pero inabutan ito ng isang libo ni Cholo. May daan namang hindi baha at doon na sila idinaan ng driver.

Nang makarating sa bahay ay naligo kaagad si Cher at nagpalit ng damit. Nang hanapin niya si Cholo ay nasa sala ito, nakapagpalit na rin ng damit pero nagdurugo naman ang kamay. Nandoon din ang isang kasambahay nila at dinalhan ito ng gamot.

"Ano'ng nangyari sa 'yo?"

"Wala 'to."

"Nahiwa po ng salamin 'yong kamay niya," imporma ng kasambahay.

"Bakit, ano'ng nangyari?"

"It's the stupidest thing. Nasagi ko 'yong vase, 'tapos, natalisod ako. I ended up with the thing on my hand."

Inabot niya ang kamay ni Cholo. Mga tatlong pulgada ang biyak ng balat nito. "Ang laki nitong sugat mo, ah. Baka kailangan itong tahiin."

Ngumiti ito. "Hindi 'yan. Mababaw lang naman. Sanay ako diyan."

Napapalatak si Cher habang nililinis ang sugat. Hindi nga iyon gaanong malalim pero siguradong mahapdi.

"Hindi ka nasasaktan?" tanong niya nang buhusan iyon ng alcohol.

Territorio de los Hombres 2: Pociolo AlmendraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon