CHAPTER TWO

10.6K 197 2
                                    


"H-hindi ba mas delikado kung narito tayo?" nag-aalalang sabi ni Joey na panay ang tingin sa rear-view mirror para tingnan ang mga paparating na sasakyan.

"Relax ka lang," walang anumang sabi ni Nico.

Nag-hazard signal ito at saka kampanteng sumandal habang nakaunan ang isang braso. Nanatiling bukas ang makina ng sasakyan dahil kailangang naka-on ang aircon ng kotse.

Masyadong madilim sa kinaroroonan nila kaya ganoon na lang ang kabang naghari sa kanya, pero hindi niya iyon gaanong ipinahalata rito.

Naiinis siya dahil hindi na muling nagsalita pa si Nico. Ang ikinatatakot niya ay baka may sasakyang mawalan ng preno na hindi naman imposibleng mangyari dahil madulas ang kalsada. Malamang na sila ang matumbok niyon.

Napapikit si Joey sa masamang pangitain na basta na lang lumitaw sa kanyang isip. At ang nakikita niya ay ang malagim na pangyayari sa buhay ng kanyang mga magulang.

Magkasabay na namatay ang mga ito sa isang aksidente sa kalsada. Nangyari iyon sa ganoong panahon din. Malakas ang buhos ng ulan noon at nawalan ng preno ang sasakyang minamaneho ng kanyang ama kaya sumalpok iyon sa kasalubong na sasakyan.

Ipinilig ni Joey ang kanyang ulo para putulin ang pagsulpot ng mapait at malagim na alaala sa kanyang isipan.

"Saan ka ba natatakot? Sa ideyang kasama mo ako o dahil naririto tayo sa highway?" Biglang nagsalita si Nico.

Hindi man sumusulyap si Joey dito ay alam niyang nakatingin ito sa kanya. Kahit tuloy malamig sa loob ng kotse ay maalinsangan pa rin ang pakiramdam niya.

Ini-on ni Nico ang car stereo at pumailanlang ang romantic music na kinanta ni David Pomeranz, ang "I Was Born For You."

Hindi nakatiis na sumulyap siya kay Nico at nakasalubong ang mga mata nito.

"Nagsisisi ka ba dahil narito ka ngayon sa kotse ko?"

"Gusto mong malaman ang totoo?" ganting-tanong niya.

"Kaya nga ako nagtatanong." Hindi nabubura ang ngiti ni Nico sa mga labi.

"May nakakatawa ba?"

"Meron," sagot nitong bahagyang tumagilid paharap sa kanya.

Tumaas ang kilay ni Joey.

"Pakinggan mo ang lyrics ng kanta," utos nito sa makapangyarihang tinig.

"Tell me what is this sweet sensation."

"Walang nakakatawa," seryoso niyang sabi kahit pinaninikipan na ng dibdib.

"Wala nga. Sa iyo ako natatawa. Dahil ayaw mong ipahalata na natatakot ka sa akin."

"Why should I be afraid of you?" pagtatapang-tapangang sagot ni Joey. Pero ang totoo, masasal na masasal na ang kabog ng dibdib niya. Hindi niya gusto ang nakikita sa mga mata ni Nico.

Paano na kung sapian ito ng kademonyuhan at kung ano ang gawin sa kanya? Naaamoy pa naman niya ang alak sa hininga nito, plus the heavenly scent in the air na alam niyang pabango nito.

Tinatagan na lang ni Joey ang sarili at naging alerto. Nagdasal siya na sana huminto na ang ulan.

Naalala niya na may dala nga pala siyang cell phone. Puwede naman siyang humingi ng tulong sa kaibigan niya. Pero nang akmang ilalabas na niya iyon mula sa shoulder bag ay may bigla siyang naalala. Na kahit naman pala makausap niya si George ay wala rin itong kotse para ipangsundo sa kanya.

Wala sa loob na napabuntong-hininga siya; alam niyang napuna iyon ni Nico dahil kanina pa ito pasulyap-sulyap sa kanya.

Hindi alam ni Joey kung ikinatutuwa ni Nico ang nakikitang uneasiness niya. Ano mang pilit niyang pagkontrol sa sarili, hindi pa rin niya mapigilan ang panginginig ng mga kamay at kalamnan. Malakas ang kutob niyang pinag-aaralan siya nito—pinakikiramdaman.

MIDNIGHT BLUE SOCIETY SERIES #5 - NICOLO aka NICOOpowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz