CHAPTER EIGHT

8.7K 166 5
                                    


Buhos ang konsentrasyon ni Joey sa pagguguhit nang marinig ang sunod-sunod na pag-doorbell.

Wala siyang balak na tumayo para iwan ang ginagawa. Nanghihinayang siya sa matatapong oras dahil nasa mood siyang magtrabaho. Sa katunayan nga'y nasa finishing stage na siya ng ginagawang plano.

Pero talagang makulit ang nasa labas ng gate. Hindi nito tinitigilan ang pagpindot sa doorbell na parang batang nakatuwaang paglaruan lang iyon.

Nayayamot na iniwan niya ang drafting table. Hindi na niya pinagkaabalahang palitan ang kasuotan. Maluwang na T-shirt at cotton shorts ang kanyang suot. Dahil may kahabaan ang pang-itaas kaya nagmukha siyang walang suot na pang-ibaba.

Lumabas siya ng pinto. Sumilip muna siya sa siwang ng gate bago buksan iyon. Pero ganoon na lang ang pagkabigla niya nang makilala ang lalaking nakatayo roon.

Bakas ang pagkainip sa anyo nito.

Bahagyang nanginig ang kalamnan niya pagkakita kay Nico. Hindi niya akalain na ganoon ang mararamdaman pagkakita rito.

Ilang araw ko na nga bang hindi ito nakita? nabiglang tanong niya sa isip. At ano'ng kailangan nito sa kanya?

Siguro, naramdaman ng lalaki na may nakatingin dito kaya tumapat ang mukha nito sa siwang. Nagtama ang mga mata nila.

Napalunok si Joey na parang may bumarang malaking bagay sa kanyang lalamunan.

"Hi! Kanina pa ako rito," sabi ni Nico.

"Ano'ng kailangan mo?" malamig ang tonong tanong niya.

Natawa ito. "Baka gusto mo muna akong patuluyin."

"Sabihin mo muna kung ano'ng pakay mo," giit niya.

"Bibisita sa 'yo."

"Ano?" sabi niya na parang nabingi sa narinig.

"Malinaw naman siguro ang sinabi ko. Bibisita sa 'yo. Now, pagbubuksan mo ba ako ng gate o gusto mo pang mag-over the bakod ako?"

"Aba't—"

"I'm serious. Akala mo siguro, hindi ko tototohanin ang sinabi ko."

"Subukan mo lang at—" Hindi pa man niya natatapos ang sinasabi ay nawala na ito sa paningin niya.

Kinabahan si Joey sa nakatakdang gawin ng lalaki. May kataasan ang kanilang bakod. May puno ng niyog na ang mga dahon ay humahapay sa tabi ng pader.

Nakita niyang gumalaw ang mga sanga, patunay na nakapangunyapit doon si Nico.

Napakurap-kurap siya sa matinding tensiyon. Napapitlag siya nang marinig na parang may bumagsak na isang buwig ng niyog. Tiyak niyang may nangyari kay Nico.

Bagaman nag-alala ay pinatigasan niyang hindi ito pagbuksan ng gate. Naalala niya ang babala sa kanya ni Ryan tungkol sa lalaki. Iyon ang nakatatak sa isip niya.

Tingnan ko lang kung makakaya mo... sa loob-loob niya.

Pero nakita na lang niya ang dalawang kamay nito na nakasampay na sa bakod. Hanggang sa unti-unti'y naisasampa na nito ang katawan. Saglit lang ay maluwang ang ngiti nitong tumayo pa roon, bago tumalon sa lupang nalalatagan ng Bermuda grass.

"Ayy...!" Natutop ni Joey ang bibig sa labis na pagkabigla.

Pero nang makitang bale-wala itong bumagsak na nakatayo ay nakahinga siya nang maluwag.

Hindi makapaniwalang natitigan niya ito na kampanteng naglalakad sa malusog na Bermuda grass, para bang naglalakad sa ulap. Inakala niya noong una na sa taas ng tatalunan ay maaaring madisgrasya ito.

MIDNIGHT BLUE SOCIETY SERIES #5 - NICOLO aka NICOWhere stories live. Discover now