Chapter 3

6.2K 189 22
                                    

"WHAT'S this?" tanong ni Joey kay Lemon.

Binigyan muna niya ito ng isang matamis na ngiti bago niya sagutin ang tanong nitong halata naman kung ano ang sagot. "Cookies," sagot niya rito. Umupo siya nang pa-Indian sit sa tabi nito.

Isinabuhay niya ang mga nakasulat sa notebook na ibinigay sa kanya ni Ivy. Ayon sa fact number sixty-eight—magugustuhan ng isang lalaki ang isang babae kung marunong itong magluto o mag-bake. Marunong siyang magluto at mag-bake dahil chef ang mommy niya. Sa katunayan ay may sarili silang restaurant—ang City Paradise. Magiging madali na para sa kanya ang bagay na iyon.

Ngunit nang mga nakalipas na linggo ay nahihirapan siyang lapitan si Joey. Alam niyang umiiwas ito sa kanya dahil tuwing nakikita siya nitong pumapasok sa library ay kaagad itong lumalabas doon. Hindi niya ito maaaring habulin dahil baka may makakita sa kanya. Kapag nagkataon ay baka malaman iyon ng mga kuya niya.

Ang pamilya nila ang may-ari ng Maximus Detective Agency na pinamamahalaan ng kanyang ama. Ang tatlo niyang mga kuya ay nag-aaral na rin para maging mga detective. Hilig niya ang magluto, kumain, at makialam sa restaurant ng mama niya kaya Hotel and Restaurant Management ang kinuha niyang kurso.

Hindi niya alam kung kailan umaaligid sa kanilang eskuwelahan ang mga kuya niya kaya kailangan niyang mag-ingat. Noong minsan nga ay nalaman ng Kuya Calyx niya ang tungkol sa pagpunta niya sa mall malapit sa kanilang eskuwelahan nang magkaroon siya ng vacant period. Hindi na siya nagpaalam sa kanyang mga magulang dahil hindi pa oras ng uwi niya. natukso siyang sumama sa mga kaklase niya. Ayaw niyang maakusahang killjoy kaya sumama na siya. Iyon pala ay binabantayan siya noon ng Kuya Calyx niya. Hayun tuloy, napagalitan siya ng mga magulang niya.

Kaya nang tanungin ng mama niya kung para kanino ang cookies na ginawa niya ay sinabi niyang para iyon sa mga kaklase niya. Mahigpit na bilin sa kanya ng mga magulang at mga kapatid niya na hindi pa siya maaaring magkaroon ng nobyo dahil bata pa siya. Makakapaghintay raw ang mga lalaki. Ngalingaling sabihin niya sa mga itong iba si Joey. At siya ang hindi na makapaghintay para dito.

Nagbago ng paboritong puwesto si Joey nang mga nakaraang linggo. Hindi matunton ni Lemon ang kinaroroonan nito. Kung hindi pa siya nagawi sa rooftop ng building na iyon ay hindi niya ito makikita. Narinig kasi niyang nag-uusap ang dalawang guwardiya sa labas ng library at sinabing nasa rooftop daw si Joey. Tinangka niyang umakyat noon doon pero pinigilan siya ng mga ito. Bawal daw roon ang mga estudyante. Pero tinakot niya ang mga itong magsusumbong siya sa administration dahil lumabag ang mga ito sa rules and regulations ng eskuwelahan dahil pinayagan ng mga itong umakyat sa rooftop si Joey gayong estudyante rin ito. Walang nagawa ang mga ito kundi ang payagan din siyang umakyat doon.

Hindi niya kinulit si Joey nang makita niya itong natutulog sa malilim na bahagi ng rooftop. Ibinilin niya sa dalawang guwardiya na huwag sasabihin kay Joey ang tungkol sa pagpunta niya roon. Sumang-ayon naman ang mga ito sa kanya. Naghanda pa siya ng isang regalo para dito bago magpakita rito para ma-impress ito sa kanya.

"Hindi ko kakainin 'yan," masungit na sabi ni Joey sa kanya.

"'Wag kang mag-alala, walang gayuma 'yan kaya safe mong makakain 'yan," sabi niya rito.

"Paano mo nalamang nandito ako?" kapagkuwan ay tanong nito sa kanya.

"Nagmana din yata ako sa tatay ko na isang detective kaya marunong akong maghanap ng mga taong nawawala, nagtatago, at umiiwas. Kaya next time, 'wag mo ng tangkaing umiwas at magtago dahil makikita at makikita pa rin kita," sabi niya.

"Hindi kita iniiwasan. Gusto ko lang talagang matulog. And I won't be able to sleep in the library or any part of this school with people watching my every move," paliwanag nito sa kanya.

Twisted Tales Book 3: Sweet Crazy LoveWhere stories live. Discover now