Kabanata I Sa Istasyon

184 13 4
                                    


Hindi na mahulugang karayom ang istasyon ng tren dahil sa pagdagsa ng mga halu-halong pasahero. Nangaghimatay na ang ibang matandang hindi na kinaya ang lubhang init at kawalan ng masagap na sariwang hangin. Ang mga paslit naman ay ipinapasan na lamang sa balikat nang sa gayon ay hindi matapak-tapakan ang malalambot at tila babasaging pinggan nitong mga paa.

May iba't ibang uri ng pasahero ang makikita sa istasyon. Iba't ibang lahi at iba't ibang antas sa pamumuhay ang sumasalamin.

Ang mga Pilipino na nahahati sa dalawang grupo. Ang mga Pilipinong kumakahig sa lupa at kung makatuka ay tila wala nang kinabukasan. Sila ang mga Pilipinong ang mga buto'y kailangan pang banatin at lamugin sa initan o ulanan upang magkaroon ng laman ang tiyan. Nakikipaglaban sila sa hamon ng buhay na halos araw-araw na lang ay sinusubok ang katatagan. Wala silang permanenteng tirahan at parang isang susô na palipat-lipat ng bahay. Kung mayroon naman ay sa gilid naman ng mga delikadong lugar matatagpuan katulad na lang ng bundok na kaunting uga na lang ay bubuhos na paibaba. Katulad na lang ng ilog na kapag tumaas ang lebel ng katubigan ay aabutin ang mga kabahayang yari sa pinagtagpi-tagping kawayan. At panghuli ay sa mga lansangang madalas daanan ng mga karwahe, na kapag inabot ng kamalas-malasan at matiyempuhan ang pagdaan ng heneral o ano pa mang mataas na posisyon sa gobyerno ay pinalalayas sila nang sapilitan. Kung manlalaban nga'y malalagay pa sa piligro ang kanilang kaawa-awang buhay. Permanente na sana ang paninirahan nila sa lansangan dahil sa lawak nito, ngunit ang tanging hadlang ay ang mga matataas na hindi man lang gumagawa ng paraan upang sila'y makapamuhay rin nang maayos.

Ang isa pang uri ng Pilipino ay ang sinasabi o binansagan ng ilan na Nasa Tuktok Ng Tatsulok. Sila ang mga Pilipinong tila hindi na kilala ang kaning-sunog. Ang mga kamay ay 'sing kinis ng marmol na hindi man lang makikitaan ng kahit kaunting gasgas. Kung makapagsuot ng damit ay tila nais iparating sa lahat na siya'y anak marangya na hindi karapat-dapat na matalsikan ng putik ang mamahalin nitong kasuotan. Hindi na nila kailangan pang punuin ng pawis ang tasa upang matugunan ang kanilang pagkauhaw. Marami silang pinagkukunan ng tubig at kapag may mga mahahalagang kaganapan ay alak pa nga. Malawak ang kanilang koneksyon, ni hindi katulad ng mga naghihirap na tila kapwa mahirap lang din ang kaagapay. At higit sa lahat, ang lipunan ay pabor sa kanila. Ang mayayamang hayok at silaw sa pagiging mataas ang siyang may hawak ng mga batas. Tila ba sila na rin ang nagpapaikot ng mundo.

Subalit, kung may mga Pilipino ay tiyak sa tiyak, mayroon din namang mga dayuhan na ang iba'y aakalain mong isang Pilipino dahil sa pag-asta nitong hari sa bayang dinayuhan.

Isa na rito ang lahing Kinoy. Ang mga dayuhang ito ang nangunguna pagdating sa pagnenegosyo sa Pilipinas. Dahil sa laki ng salaping ibinabayad nila sa gobyerno ay nakapagpatayo na sila ng mga pamilihan. Pinaniniwalaang sa panahon ngayon ay ang mga Kinoy ang kaututang-dila ng gobyerno. Sa ibang sabi, ito ang tila malapit na kaibigan ng Pilipinas. Ang mga Kinoy ay mararangya. Makikinis ang balat. Karamihan sa kanila'y mga mapuputi rin at matatangos ang ilong. Katamtaman lamang ang taas at ang katawan ay nakadepende sa kung anong negosyo ang pinatatakbo.

Ang pangalawa ay ang mga Amersya. Ang mga dayuhan namang ito ay ang dating kaibigan ng gobyerno. Ngunit nang dumating ang mga Kinoy sa bansa ay nabaling ang tiwala ng Pilipinas dito. Tila nabasura ang mga Amersya sa bansa ngunit patuloy na nakikipag-ugnayan. Sa mga nagdaang panahon, tuluyang lumayo ang loob ng gobyerno sa mga Amersya dahil sa ginawang pagtuligsa ng pangulo nito sa pakikipagkaibigan ng Pilipinas sa mga Kinoy. Maging ang mga Kinoy ay nakaalitan na rin ang Amersya subalit mas pinipiling maging kalmado ng magkabilang panig. Ang mga Amersya ay may malaking naitulong sa nakaraan ng bansang Pilipinas. Marami silang nagawa noon. Ngunit sadyang nagsawa na rin marahil ang pamahalaan na pakisamahan ang mga mistisong matatangkad. Base sa usap-usapan, mas malaki raw ang maitutulong ng mga Kinoy kaysa Amersya, dahilan para mabalewala nang tuluyan ang presensya ng mga mistiso.

SA LUPANG SINILANGANTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang