Kabanata V Si Senyor Wiliam

27 4 0
                                    


Ang dayuhang senyor ay hindi na muling bumalik pa sa mga kaibigan. Huminto man ang tren na kanilang kinalalagyan ngunit patuloy pa rin ang pag-andar ng kanyang pagkairita sa balak ng tatlo, sa sinabi ng isang senyor na may tabako at sa mukha ng mga Pilipinong nang-iinsultong nakatingin sa kanya.

Habang naghihintay na muling mabuhay ang tren na naghihingalo ay lumabas siya. Kasabay ng ilang pasahero ay nagpahangin siya sa tabi ng isang maliit na tindahan. Base sa karatulang nakasabit sa pinto ay pagmamay-ari ito ng isang Pilipino.

Inusisa niya ang mga paninda. Tila nandiri siya nang makita ang mga pansapin sa paang mga nakalatag sa katamtamang laki ng lamesa.

Umurong siya nang kaunti at maingat na umiilag sa mga nasa paligid niya. Nagsisisi siya sa kanyang isipan. Ngunit hindi rin naman niya nais na manatili sa tren hangga't hindi pa ito handang tumakbong muli. Masyadong maingay roon. Sigawan, murahan at pulos pagdadabog.

Hindi pa rin mawaksi sa kanyang isipan ang ginawang panloloko ni Senyor Leon. Nalinlang siya nang gayon lamang kadali. Sa buong buhay niya'y wala pa ni isang tao ang nagawa siyang lokohin. Aniya, isa siyang matalinong personalidad na nakapag-aral nang limang taong kurso sa mayamang paaralan sa Amersyan. Hindi maaaring maisahan, hindi maaaring pagmukhaing mangmang at higit sa lahat, hindi maaaring higitan ng kahit sino, lalo na kung isang Pilipino. Ngunit ang mataas na pagtingin sa sarili ay nagkaroon ng lamat. Labis ang kanyang inis sa ginawa ni Senyor Leon. Hindi niya iyon matatanggap. May kung anong pagsisisi ang kumakatok sa kanyang puso kung bakit niya pa ito kinaibigan noon.

Limang taon na ang nakalilipas mula nang magkakilala si Senyor Wiliam at Senyor Leon sa Amersyan sa tulong ng taga-payong Kinoy na si Senyor Lim. Noon pa ma'y nililigawan na siya ng taga-payong senyor na magtayo ng negosyo rito sa Pilipinas. Ngunit sadyang matindi ang paniniwala niya at hindi gayon kabilis na nakumbinsi.

Subalit nagsikap si Senyor Leon na ipakilala ang bansang Pilipinas sa Amersyang pihikan. Hindi man niya ito napapayag na makisapi ay napapayag naman niya itong sumama sa bansa upang silayan ang mga magagandang lugar na mapagtatayuan ng pamilihan.

Sa pagdating ni Senyor Wiliam sa bansa ay dumiretso sila sa bahay-aliwan sa Ermita sa Maynila. Pagkatapos ay saka naglibot sa iba't ibang bahagi. Nakahanap sila ng magandang lupain kung saan maaari silang yumaman pa nang higit. Buo na sana ang loob ni Senyor Wiliam ngunit isang bagay ang kanyang napansin. Sa kanyang pananaw, totoong dukha ang mga Pilipino. Napuna niya ang kakitiran ng pag-iisip ng mga Pilipino nang sabihin ni Senyor Leon na ang kanilang ipamimili ay tinapay. Sinang-ayunan iyon ni Senyor Lim sa kadahilanang maraming gutom na Pilipino. Ngunit tumaliwas ang Amersya, hindi niya naibigan iyon.

"At ang mga bibili ng ating produkto ay mga mahihirap? Katangahan ang inyong naiisip! Paano tayo yayaman kung pulos barya lamang ang ating matatanggap? Sa inyo bang palagay ay may marangyang magtitiis sa tinapay samantalang mayroon namang hamon? Kung iyan ang inyong nais, ako ay kakalas na!"

Iyan ang sinabi noon ng Amersyang Senyor sa dalawa. Nagkaroon ng pagdududa ang senyor sa taga-payong Kinoy kung paano nito pinakikinabangan ang sariling utak.

Nagpasya nang bumalik si Senyor Wiliam sa Amersyan para ituon ang atensyon sa sariling bansa. Subalit nang siya'y mapadaan sa bayan ng Pasig, ang pagnanais na iwan ang inaaping bansa ay tila nagbago. Ito ay dahil sa dalagang si Marańa na anak ni Heneral Hervacio.

Natanaw niya ang dalagang nakasakay sa magarang karwahe habang tinatahak ang kalye ng Bagong Pag-asa. Namula ang kanyang mga pisngi at sumilay ang malapad na ngiti.

Sa kanyang labis na pagkamangha ay hindi na niya namalayang humahakbang na pala ang kanyang mga paa. Tila isa siyang asong sumunod sa karwahe at buong sikap na pinantayan ito. Nawala sa isipan niya na isa siyang edukado umano, na isa siyang mayamang dayuhang negosyante, na isa siyang matalino at disente. Ang tanging tumatakbo lamang sa kanyang isipan ay ang kagandahan ni Maraña.

SA LUPANG SINILANGANWhere stories live. Discover now