Kabanata VIII

18 2 0
                                    


Sa labis na init ng ulo'y nagpahangin si Kapitan Protacio sa labas ng tren. Nagtungo siya sa nag-iisang punong nakatirik na katabi lang din ng isang maliit na pamilihan. Nakasandal lamang ang kanyang pagod na likod sa malapad na katawan ng puno. Dinadama ang katamtamang lamig na simoy ng hangin habang pinagmamasdan ang uugod-ugod na tren.

Inilapag niya ang kanyang baril sa gilid at saka sinundan ng paghinga nang malalim. Sa isip-isip niya'y marahil tama lamang ang kanyang ginawa. Tama lamang na ipabatid sa lahat ang dignidad ng isang sundalo. Ngunit gayon pa man, may kaunting pagkabahala sa kanyang kalooban. Hindi mawaglit sa kanyang isipan ang mga maaaring mangyari matapos ang gabing ito.

Napapikit ang kapitan sa labis na pagod sa katawan at sa isip. Kung maaari lamang niyang sukuan ang tren na matagal na niyang inuunawa ay hindi na sana siya nalalagay sa alanganin.

Sa halos sampung minutong pagpikit ay nadama niyang may tumabi sa kanyang gilid. Dahilan para ang mga mata'y muling imulat.

"Magulo pa rin ba ang iyong isipan?"

Isang kunwaring ngiti lamang ang iginanti ng kapitan sa kasamahang si Atong.

"Humanga ako sa iyong ginawa, Kapitan," anito.

"Mas kahanga-hanga kung noon pa ako naging matigas sa kanilang harapan, ngunti hindi," matawa-tawang wika ni Kapitan Protacio.

"Gayon pa man ay kahanga-hanga pa rin."

Ngumiti si Atong.

"Hindi ako kailan man natakot sa kanila o kahit sa kanilang yaman. Isang bagay lamang ang nagtulak sa akin upang ipagamit sa kanila ang aking tungkulin." Ang tinig na iyon ng kapitan ay tila 'sing lamig ng hangin.

"Anong ibig mong sabihin, Kapitan?" nagtatakang tanong ni Atong.

Yumuko ang kapitan at nagpakawala nang malalim na paghinga.

"Pangangailangan," sagot nito. "nilunok ko ang aking karapatan sa ngalan ng salapi. Dinungisan ko ang aking tungkulin sa kadahilanang nais kong iligtas ang aking nakababatang kapatid sa malubhang sakit. Ngunit, sa labis na pagiging makasarili ay hindi ko naisip na maaaring ang pangalan ko'y pangalan n'yo rin. Ang dinungisan ko'y pagkadungis n'yo rin."

Wala ni isang salita ang lumabas sa bibig ng nalilitong si Atong. Hindi niya alam ang sinasabi ng kapitan. Labis siyang naguguluhan.

"Ngunit, ano ang iyong sinabi noon na ang dahilan mo ng pagtanggap ng kanilang salapi ay para lamang makapagsugal?"

Mahinang napahagikgik ang kapitan.

"At talagang ika'y naniwala? Sa iyo bang palagay, ang isang kapitang nagtapos ng pag-aaral upang maging sundalo ay nais lamang magkaroon ng salapi upang sayangin ito sa bagay na walang katuturan? Ang kapitang binansagang matalino ngunit isusubsob lamang ang mukha sa salapi para sa walang kabuluhan?" Lumakas ang pagtawa ng kapitan na animo'y nababaliw.

Ang naguguluhang si Atong ay napakamot na lamang sa kanyang ulo.

"Ang ibig mo bang sabihin ay hindi iyon totoo?"

"Hindi. Sinabi ko lamang iyon upang pagtakpan ang tunay na dahilan." Bumalik sa katinuan ang kapitan.

"Ngunit bakit mo naman inilihim ang tunay na dahilan kung maaari mo naman itong sabihin sa akin, sa aming lahat."

"Sapagkat kapag sinabi ko'y malalaman ninyong ako'y may pinagdaaranan. Mangyaring kayo'y makaramdam ng awa sa akin na kailan man ay hindi ko ninais. Dahil ibig ko na sa bawat oras na ako'y inyong kaharap, ako'y isang matatag at malakas."

SA LUPANG SINILANGANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon