Kabanata IX

50 2 0
                                    


Sa lungsod ng Maynila ay lubhang masingaw ang panulaan at talaga namang binibigyang pagkilala ang bawat manunulang nagtatanghal. Para sa mga taga-Maynila, ang pagtula ay isang uri ng pagbabahagi ng realidad sa mas makulay na pamamaraan. Patungkol man sa pag-ibig, pamilya, katatawanan at katatakutan. Sinasabing ang manunula ay isang instrumento ng emosyon. Pinagagaan ng mga ito ang kalooban ng mga tao. Nakatutulong ang mga manunula sa pagpapalakas o pagpapatatag ng paniniwala ng bawat indibidwal. Ang mga manunula ay binabayaran ng mga mayayaman para magtanghal sa harap ng maraming negosyante o kilalang personalidad. Taga-aliw, ito ay isa pang bansag sa mga manunula ng Maynila. Ang ilang manunula ay tumutula upang magkaroon ng salapi, anila, ang pagtula ay isang trabaho na kung saan ay singkwento sentimos umano ang halaga ng bawat salita. Samantalang ang iba naman ay tumutula upang maglabas ng saloobin at ipahayag nang mas malaya ang nadarama.

Sa istrito ng Ermita kung saan talamak ang bahay-aliwan, may grupo ng mga manunulang tanyag. Ang mga ito'y isa sa mga kinikilalang epektibong manunula ng lungsod. Kadalasa'y naiimbitahan ang mga ito sa mga magagarang okasyon tulad ng kasal, pagpupulong ng mga pangulo ng iba't ibang bansa at kaarawan ng mayayamang tao.

Sila ang Tinig Ng Mga Salita na kinabibilangan ng limang kasapi.

Si San Miguel na mula pa sa bayan ng Bulacan. Isang manunulang pumapaksa sa pag-ibig at sa kahulugan ng pamilya't pagkakaibigan. Siya ang madalas na maimbitahan sa kasal o kaya naman ay sa panliligaw ng mga lalaking mararangya. Isang simpleng mamamayan, maginhawa ang pamumuhay ngunit hindi ito mababakas sa kanyang kasuotan na maihahalintulad lamang sa mga binatilyo.

Ang pangalawa'y si Del Monte. Kababayan ito ni San Miguel at kasabayang natutong tumula sa tanghalan. May taglay itong pagkamahiyain sa harap ng maraming tao kaya't madalang lamang ang kanyang mga pagtatanghal. Bilang lamang sa kanyang daliri ang mga entabladong kanyang natungtungan. Noon pa nga'y nagkaroon siya ng kahihiyan nang minsang mawaglit sa kanyang isipan ang kasunod na linya sa pagtatapos ng kanyang piyesa. Ang pangyayaring iyon ay ang lumusaw sa kumpyansa nito, kaya't magmula noon, unti-unting humina ang pagkalampag ng kanyang pangalan. Sa ngayon, tumatanggap na lamang siya ng mga imbitisyon kung ang bilang ng mga dadalo ay hindi lalagpas ng sampu.

Ang pangatlo ay si Senyor Malyana. Ang pinakamatanda sa grupo at naniniwalang siya ang pinakamahusay sapagkat siya umano ang may malawak na pag-iisip. Ang kanyang dahilan, siya'y mas maraming karanasan higit sa apat na kasapi. May lihim na inggit sa mga kasamahan ngunit kanya lamang inililihim. Matapang sa pagpapahayag ng kanyang opinyon ngunit takot namang umalis sa samahan sapagkat, batid niyang sa tanda niyang ito'y suntok na lamang sa buwan na may mag-imbita sa kanya. Sa madaling wika, kumakapit na lamang siya sa kanilang pagsasapi.

Ang sumunod naman ay si Lizerno. Ang pinakabatang manunula na nagsasabing siya'y mula sa pamilya ng mga manunula ngunit ang katibayan ay wala. Laging ibinibida ang kanyang pinagmulan at kung minsa'y umaabot na sa pagyayabang. Mahusay sa paksang pag-ibig at katatakutan. Ang kanyang pananaw ay ang pagtutula ay isang uri ng sining pampayaman.

Ang panghuli ay si Moreño. Ang kinikilalang pinuno ng Tinig Ng Mga Salita. Katulad ni San Miguel ay isa lamang itong simpleng mamamayan ng Maynila. Hindi nakapagtapos ng pag-aaral ngunit nakitaan ng angking husay sa pagtutula kaya't naging tanyag. Ulilang lubos na inampon ng isang binatang matanda na si Kulas na limang taon nang patay. Ang matanda ay nagmamay-ari ng isang tanghalan na siya namang ipinamana kay Moreño. Si Moreño ay tahimik lamang ngunit ang mga tainga at mata'y hindi isinasara para sa lipunan. Nang magsimulang kuminang ang kanyang pangalan sa larangan ng panulaan, naghanap siya ng nga makakatuwang. Tinatag niya ang Tinig Ng Mga Salita at noo'y nakilala ang apat. Kahit pa nakitaan niya ng kakaibang pag-uugali si Senyor Malyana at Lizerno ay hindi pa rin siya nag-atubiling isali ito sa grupo. Ang kanyang dahilan, hindi ugali ang basehan sa panulaan.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Apr 17, 2018 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

SA LUPANG SINILANGANWhere stories live. Discover now