Kabanata VI Ang Dignidad

60 2 1
                                    


Nakangiting binalikan ni Senyor Bustamante ang kaibigang Ruska sa kanilang lamesang inukupahan. Dala nito ang dalawang pares ng pansapin sa paa at umupong muli.

"Talagang iyong pinanindigang tayo'y maglalakad na?" matawa-tawang wika ng matandang Ruska.

Sumandal ang Senyor at ipinatong ang mga pansapin sa paa sa ibabaw ng lamesa. Sinuri nito ang bawat pagkakayari dito. Napapailing ngunit bahagyang napapamangha.

"Malakas ang aking paniniwala na hindi na ito tatakbong muli. Mangyari ay maglalakad na tayo patungong Maynila. Kaya't kailangan natin ito sapagkat ang ating Saprotas ay masakit sa paa kung ito'y gagamitin panglakad sa malayo," ani Senyor Bustamante. Ang Saprotas na tinutukoy nito ay ang sapatos na nagmula pa sa Ruskanian.

"Ako'y matanda na. Matanda nang labing-isa kaysa sa iyo. Kayanin kaya ng matandang Ruska ang lakaran?" nagbibirong balik ni Lucio.

"Batid kong kakayanin mo. Sa gulang mong iyan ay bakas pa rin ang kalakasan ng iyong pagkabinata."

Napangisi si Lucio at sumulyap sa ibabaw ng lamesa.

"Kayganda ng pagkakayari sa pansapin na iyan. Mabusisi at pinaglaanan ng oras." Dinampot ni Lucio ang isang pares.

"Noong ako'y musmos, laging sinasabi sa akin ni Ama na ang pansapin sa paa ay ang isa sa aming mga kayamanan. Minulat niya ang aking mga mata kung paanong naghihirap sa paggawa ang mga Pilipino ng isang pansapin. Bago magkaroon ng isang pansapin, kinakailangan na ika'y maglakbay sa kagubatan upang makahanap ng magandang uri ng kahoy. Kapag ika'y pinalad, maaari mo na itong ihugis paa sa pamamagitan ng paghahati. Ang sunod ay pakikinisin ito gamit ang bakal na pinatalim. Lalagyan din ito ng lubid upang hindi maalis sa iyong paa. Ngunit ang nakakalungkot lamang, ang lubid ay kailangan pang bilhin o pagbanatan ng buto sa mga Kinoy. Sapagkat sila lamang ang mayroon. Sila ang umangkin sa paniniwalang sila ang may likha ng mga lubid, manipis man o makapal."

"Hindi ko maunawaan ang mga Kinoy kung bakit tila ayaw na nilang umalis sa inyong bansa. Maging ang hindi kanila'y inaangkin," wika ni Lucio.

"Isa lamang ang aking nakikitang dahilan," ani Senyor Bustamante. Magsasalita pa lamang itong muli ngunit dumating na naman ang sundalong taga-anunsyo.

Ang atensyon ng lahat ay dumako sa sundalong bakas ang pagkailang sa mukha. Ang mga tao naman sa sulok ng mayayaman ay napatayo.

"Hindi kami aalis dito hangga't hindi ito gumagana!"
"Kumpunihin ninyo ito!"
"Bakit walang nangyayari?!"
"Ano?!"
"Inutil! Patakbuhin ito!"
"Kami'y nagbabayad nang malaki!"

Tila nilalamon na naman sa kahihiyan ang kaawa-awang sundalo.

Mabuti na lamang ay...

"Manahimik!"

Isa pang sundalo ang dumating. Nang mapagtanto nila kung sino ito ay unti-unting kumalma ang lahat.

"Kaypapangit ng inyong ugali! Naturingang kayo'y mga edukado at mayayaman ngunit kung kayo'y kumilos at magsalita ay daig pa ang isang walang hiya at walang narating!"

Tila tinahi ang bibig ng lahat nang magsalita na si Kapitan Protacio, habang ang kasama naman nito ay tahimik lamang.

"At ikaw naman? Ano ang silbi ng iyong uniporme at baril kung dudungisan ka lang ng kanilang mga salita?" sabi ng kapitan sa sundalong tila basang sisiw. "ano nga ulit ang iyong ngalan?"

Umangat ng tingin ang tila lampang sundalo.

"Benito po, Kapitan," sagot nito.

"Natatakot ka ba sa kanila dahil sila'y mayayaman, Benito?"

SA LUPANG SINILANGANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon