Kabanata VII

24 3 0
                                    


Bumalik sa kanya-kanyang pinagkakaabalahan ang mga nasa sulok ng mahahalagang tao. Kapansin-pansin ang pagiging tahimik ng paligid dulot ng mga salitang binitiwan ng kapitan. Hindi pa tuluyang nakakaahon ang ilan sa nakalulunod na iwinika ng kapitang iyon. Labis silang nanibago. Ang iba nga'y ipinagpalagay na lamang na sinapian ng masamang elemento ang kapitan. Ngunit ang iba'y sinasabing nagsisimula nang magrebelde iyon na noo'y tila taga-sunod lamang nila.

"Kung gayon, hindi na natin magagamit ang mga pansapin sa paang ito," ani Lucio kay Senyor Bustamante.

"Hindi ko akalain na magkakaroon ng isang himala. Pahinga lamang pala ang kailangan ng tren na ito." Umiling-iling ang senyor na animo'y natatawa.

Sandaling namayani ang katahimikan sa kanilang dalawa. Nakatingin lamang si Senyor Bustamante sa kawalan samantalang sa labas naman ng bintana nakadako ang matandang Ruska.

Pinagmamasdan lamang ni Lucio ang mga tao sa labas. Naroon din ang bilang ng mayayaman na pinalabas ng kapitan. Ninais na sanang isara ang bintana ngunit may nakapukaw ng atensyon ng dayuhang Ruska. Napapailing ito habang nakatingin sa dalawang binatilyong naghahati sa isang piraso ng tinapay. Sa hindi maunawaang dahilan, nakaramdam ng pagkahabag ang matanda. Dahil dito'y kinalabit niya ang senyor.

"Pagmasdan mo ang dalawang binatilyong iyon," ani Lucio.

Nagtaka ang senyor.

"Bakit? Ano ang problema?" tugon nito.

"Wala naman. Ngunit sa aking palagay ay magkakaroon na ng silbi ang mga pansapin sa paang ito."

Dahil sa kuryosidad ay idinungaw na rin ni Senyor Bustamante ang kanyang ulo sa bintana. Natanaw niya ang sinasabi ni Lucio. Napansin niya agad ang dalawang binatilyong kumakain ng tinapay na nakapaa.

"Gusto mong ibigay ito sa dalawang iyon?" tanong ni Senyor Bustamante.

"Sa aking unang pagtingin, nadama ko ang kanilang kakapusan. Dalawa sila ngunit iisang tinapay lamang ang kanilang kinakain. Ang kasuotan nila'y tila nilamukos ng taong-bayan. Kaya sa aking palagay, mas kailangan nila ang mga ito kaysa sa atin," wika ni Lucio.

Sumilay ang ngiti sa labi ng senyor dahil sa kanyang narinig. Kung minsan nga'y hinihiling niya na sana'y katulad ni Lucio ang mga dayuhan sa bansa. Na kahit wala itong dugong Pilipino ay mayroon namang malasakit.

"Nagtataka lamang ako kung anong mayroon sa Maynila at bakit mas pinili ng dalawang iyan na magbayad sa paglalakbay kaysa bumili ng pansapin sa paa," wika ng senyor.

"Hindi natin batid ngunit kung ano man iyon, mangyaring ibigay mo na lamang ito sa kanila kaysa ibalik natin sa matandang nagtitinda."

"Hindi ba natin maaaring ibalik ito sa matanda?"

Batid ng senyor ang kasagutan sa kanyang tanong ngunit nais lamang niyang marinig ang opinyon ng kaibigan.

"Kung ibabalik natin iyan ay maaaring mawalan ng saysay ang pagsisikap ng matandang iyon, Senyor. Maaari niyang isipin na ika'y naawa lamang sa kanya kaya ika'y napilitang bumili."

Tumango-tango si Senyor Bustamante na simbolo ng pagsang-ayon.

"Ibibigay ko lamang ito," ani Senyor Bustamante at dinampot ang dalawang pares ng pansapin sa paa.

"Sandali..."

Tatayo na sana ang senyor sa kinauupuan. Tumingin sa kanya nang makahulugan ang matandang Ruska bago nagwika.

"Hindi ka ba nanghihinayang sa salaping ipinambili mo?"

Tumindig ang senyor sa harap nito na may katuwaan sa mga mata.

SA LUPANG SINILANGANDonde viven las historias. Descúbrelo ahora