ISANG gabi habang mahimbing na natutulog ang apat na mga Apo na sina Liliw, Amihan, Ilawi, at Marino ay isa-isang pinasok ni Salir ang kanilang mga silid.
Sa mga palad ng bawat Apo, itinapat niya ang kanyang dalawang kamay roon. Sa kanyang palad, dahan-dahang hinigop ni Salir ang diwani o ang kapangyarihan ng bawat isa sa kanila. Habang nahihigop ni Salir ang bawat diwani ng apat Apo, may panibagong lakas siyang nararamdaman, hanggang sa nakuha at naangkin na niya ang lahat ng mga diwani ng mga ito.
Lumabas si Salir sa palasyo na ubod ng lakas at makapangyarihan. Naangkin niya ang kapangyarihan ng mga kapatid na Apo! Ang kapanyarihan nina Marino, Ilawi, Amihan, at ni Liliw.
Sa liwasan, sa harap ng palasyo ng Sibol Encantada, nag-anunsiyo si Salir sa harap ng mga tibaro ng Gabun. "Ako ang Apo ng lahat ng mga Apo! Nasa akin na ang lahat ng kapangyarihan ng buong Gabun!"
Sa lakas ng boses na nilikha ni Salir, dinig na dinig siya ng lahat ng mga tibaro ng Gabun.
Samantala, laking gulat ng kapatid niyang mga Apo na sina Liliw, Amihan, Ilawi, at Marino—nagising silang wala nang mga diwani! Nabatid nilang ninakaw ang kanilang diwani ng kanilang kapatid na si Salir!
SA BANWA, sa pinakamalaking ulap sa kalangitan na kinaroronan ng tirahan ni Bathala, nalalaman Nito ang lahat ng nagaganap sa Gabun. Dahil sa ginawa ni Salir, inutusan Niya ang mensaherong kalapiti na si Puti na dalhin ang sulat sa itim na dragon sa kuweba.
"Ipabasa mo sa dragon na alaga ni Salir. Sumosobra na siya. Kailangang matapos ang kanyang kabuktutan at kasakiman. Isa ko lang siyang likha at wala sa kanyang katangian para maging isang karapatdapat na Apo na tagapangasiwa ng mga tibaro ng Gabun," galit na sabi ni Bathala.
Mula sa gintong palasyo na kinaroronan ni Bathala lumabas sa bintana si Puti, kagat-kagat sa tuka ang sulat para dalhin ito sa dragon na alaga ni Salir.
Nagising ang dragon sa pagdating ni Puti. Ipinabasa rito ang sulat na galing kay Bathala. Nagulat ang dragon nang mabasa ang mensahe.
SAMANTALA, bihag na ni Salir sina Liliw, Amihan. Ilawi, at Marino. Sa pamamagitan ng apat na matatas na posteng nakatirik at nakakalat sa buong liwasan, bawat isa sa mga Apo ay nakatali sa pamamagitan ng matitibay na kadena.
"Makinig kayong lahat!" sigaw ni Salir sa lahat ng mga tibaro ng Gabun. "Ako na lamang ang dapat na kikilalaning diyos sa buong Gabun! Nasa akin na ang diwani ng lahat ng aking mga kapatid! Ako lang dapat ang tingalain ninyo! Sa akin lang kayo dapat susunod! Ako lang ang dapat ninyong sambahin!"
Nagimbal ang lahat ng mga tibaro ng Gabun sa kanilang narinig kay Salir. Lahat sila ay nagsigawan ng hindi pagsang-ayon.
Sa di kalayuan, sa harap ng palasyo, nakita ng lahat ang itim na dragon na papalapit sa entablado.
"Kaibigang dragon!" sigaw ni Salir. "Kanina pa kita hinihintay!"
Biglang umatungal nang pagkalakas-lakas ang dragon, kasabay niyon ang malalakas na paglipad sa pamamagitan ng malalapad na pakpak.
Nagsigawan at natakot ang mga tibaro pagkakitang-pagkakita sa dragon habang patuloy ang pag-atungal nito.
Nang makarating ang itim na dragon sa entablado ng liwasan, patuloy ito sa paglipad. Inilapit ang mukha kay Salir.
"Gaya ng nagpagkasunduan natin, kaibigan kong dragon, tayong dalawa ang dapat na mamuno sa Gabun. Kapag ginawa mo iyan, gagawin kong maningning ang iyong kulay."
Umatungal ang dragon.
"Patayin mo sila!" Ang itinutukoy ni Salir ay ang apat na mga Apo na kanyang mga kapatid. "Kaibigang dragon! Lamunin mo silang lahat!"
Umatungal na muli ang dragon. Gimabal na gimbal sina Liliw, Amihan, Ilawi, at Marino habang nakikita nila ang dambuhalang dragon.
Pagkaraan ng ilang saglit, tumalikod ang dragon kay Salir, ipinagpatuloy ang paglipad. Umatungal nang malakas at isa-isang pinuntahan ang mga Apo. Bawat isa sa kanila ay gimbal na gimbal paagkalapit na pagkalapit ng itim na dragon. Umatungal nang pagkalakas-lakas. Pagkatapos niyon, ay lumipad paitaas ang dragon at huminto sa kalawakan. Isang napakalakas na atungal ang kanyang pinakawalan. Bumaling ng tingin ang dragon at tumingin sa ibaba. Nanlilisk ang mga mata nitong nakatingin sa lahat. May katahimikang naghari.
"Kainin mo na sila!" sigaw ni Salir.
Biglang pumaimbulog ang itim na dragon. Humarap siya sa entabladong kinaroronan ni Salir. Huminga siya ng malalim.
"Lamunin mo na silang lahat!" utos ni Salir sa dragon.
Bigla, ibinuka ng dragon ang kanyang bibig. Biglang lumabas mula doon ang apoy. Umiwas si Salir. Nagimbal siya sa inasal ng dragon.
Hindi nakapagsalita si Salir. Muling umatungal ang dragon at pagkatapos ay nilusob si Salir at nilamon.
Naulat ang lahat—ang mga Apo at ang mga tibaro ng Gabun!
Lumipad ang itim na dragon sa kalangitan. Nagpa-ikot-ikot sa kalawakan habang lamon-lamon si Salir. Marahan, nakita nilang unti-unting nagningning ang kulay ng dragon.
Mula noon, hindi na nila muling nakita ang itim na dragon. Ilang saglit lamang, bumalik ang mga diwano o ang kapangyarihan ng mga Apo. Nagawa nilang patunawin ang kadenang nakagapos sa kanila.
Mula noon, apat na lamang ang mga Apo na namumuno sa Gabun. Piniling kalimutan ng lahat ang panglimang Apo na nagngangalang Salir dahil sa kanyang kasakiman.
BINABASA MO ANG
MOYMOY LULUMBOY: BOOK 5: ANG LIHIM NG LIBRO; ANG LIHIM NG KUWENTO (COMPLETED)
AdventureNARITO ang kilalang kuwentong bayan sa Gabuna may pamagat na, Si Salir, Ang Panglimang Apo. Gaya ng ibang mga kuwentong bayan, ito ay nagpasalin-salin sa bibig ng mga ninuno pa ng mga tibaro. Tanyag na tanyag ang kuwentong ito sa mga tibaro. Sa unan...