NILINGA ni Moymoy ang paligid. Tiningnan niya ang mga punongkahoy. Malayang gumagalaw-galaw ang mga ito, sumusunod sa ihip ng hangin sa paligid. Walang misteryo akong nararamdaman sa lugar na 'to. Walang kakaiba na kagaya ng nakita namin kanina.
Nilakad nina Moymoy, Alangkaw, Hasmin, Wayan, at Ibalong Mulino ang mahabang daan na iyon na sinabi ni Udli.
"Isang kastilyo!" sabi ni Wayan nang marating nila ang gusali sa dulo na dapat nilang puntahan. "Diyan tayo papasok."
Nang nasa harap na sila ng malaking kastilyo, pinagmasdan nila ang kabuuan nito. Kulay itim ito dahil natatakpan ng halamang gumagapang na may maitim na mga dahon. Hindi pamilyar sa kanila ang hitsura ng kastilyo dahil wala pa silang nakikitang ganitong klase ng disenyo sa Gabun. Para itong nabuo ng napakaraming posteng matutulis na nakatayo paitaas. Kaya kung titingnang mabuti, ang kastilyo ay parang isang ulo na nabuo ng matutulis na poste na nagsilbing mahahabang buhok na nakatayo.
"Diyan tayo pinapapasok," sabi ni Wayan. Tiningnan niya ang mga kasama.
"Hindi ko na 'yata kaya? Pagod na pagod na ako," sabi ni Ibalong Mulino na patuloy ang paghingal.
"Kayanin mo pa," sabi ni Moymoy kay Ibalong Mulino. "Hinawakan niya si Ibalong Mulino para akayin. "Lakasan mo pa ang loob mo. Madalas nasa isipan lang 'yan."
Tumango-tango si Ibalong Mulino at pinilit na maglakad papunta sa loob ng kastilyo.
NARATING nila ang napakalaking bulwagan ng kastilyo. Hindi nila kaagad namalayan na sa mahabang mesang nasa gitna ng bulwagan ay may mga pigurang kulay-puti na nakaupo roon.
Natigilan ang lahat nang makita nila ang mga nakaupo sa mahabang mesa. Puno ang mesa ng mga nakaupong kaluluwa na nakaharap sa kanila. Dahil kulay-puti ang kabuuan ng mga ito, hindi halos maaninag ang mga mukha nila.
"Kailangan namin kayong tanungin," sabi ng isang kaluluwa. Umalingawngaw ang kanyang boses.
"Nakahanda na ba kayo?" tanong ng isa sa mga kaluluwa.
"Kailangan niyong sagutin ang tanong namin sa inyo," sabi naman ng isa pa.
Marahan, nag-iba ang kanilang paligid. Bawat isa sa kanila—sina Moymoy, Alangkaw, Hasmin, Wayan, at Ibalong Mulino ay nakaharap sa isang mataas na bundok.
Natigilan si Moymoy. Nakita niya na ang bundok na nasa harap nila ay yari sa salamin. Ang buong bundok ay nabuo nga mga basak-basak na salamin!
"Hindi ninyo kailangang tumingin sa amin," sabi ng isang kaluluwa. "Makinig lang kayo sa tanong. Isang tanong na napakahalaga sa inyo.
Pero bago ang lahat," sabing muli ng kaluluwa. "Kailangan ninyo itong malaman."
Patuloy na nakikinig ang lahat sa mga kaluluwa, habang nakatalikod sila sa kanila.
"Bago pa ninyo malalaman ang tanong, kailangan naming pumasok sa inyong mga katawan. Ibubulong namin sa inyo ang tanong. Hindi niyo lang maririnig sa amin ang tanong sa inyong mga tainga, kundi, kailangan itong pumasok sa inyong kaluluwa para masagot ninyo—dahil kailangan na ang inyong sagot ay hindi lang galing sa inyong isip, kundi sa inyong puso at sa inyong kaluluwa."
Naghari ang katahimikan. Nanatiling nakatingin ang lahat sa harap ng bundok na salamin.
"Iyang bundok na iyan na nasa inyong harap," sabi ng isa pang kaluluwa, "ay ang Bundok ng Basag-basag na Salamin. Sa pamamagitan niyan, masusubukan kayo kapag nahaharap sa mga katanungan."
Marahan, ang ibang mga kaluluwa na nakaupo sa mesa ay dahan-dahang nagliparan. Pumunta at pumasok sila sa katawan ng mga kandidato—kina Moymoy, Alangkaw, Hasmin, Wayan, at Ibalong Mulino. Natigilan sila dahil naramdaman nila ang pagpasok ng mga ito.
"Pero bago niyo pa maririnig ang tanong sa inyong puso't kaluluwa," unti-unting matutunaw ang mga buto ng inyong mga katawan. Kung ang sagot ninyo sa aming katanungan ay matapat, dalisay, taos-puso, sinsero, at may katotohanan, unti-unting babalik ang inyong mga buto para makaakyat sa bundok na basag-basag na salamin.
"Sa ilang sandali lamang ay malalaman na ninyo ang katanungan. Sagutin niyo iyon sa inyong isip at aming maririnig dahil papasok kami sa inyong mga katawan at kaluluwa."
Nararamdaman ni Moymoy na nawawalan siya ng lakas dahil hinihigop ng mga kaluluwa ang kanyang mga buto. Hanggang sa naramdaman niyang bumabagsak ang katawan niya sa lupa. Nilanga niya ang paligid: alam niya na wala na sila sa loob ng kastilyo, bagkus nasa isang lugar sila na puro bundok ng salamin! At ang nasa harap nila ay bundok na nabuo sa basag-basag na salamin!
Hindi siya makagalaw. Sa sulok ng mga mata niya, nakita niya ang dalawa niyang kasamang kandidato na nasa tabi niya. Tulad niya, nakadapa ang mga ito na parang mga basahan na walang laman ang katawan maliban sa kanilang balat at suot na damit dahil nawalan na sila ng mga buto.
At naramdaman niya ang tanong—sa kaniyang kaloob-looban, narinig niya ang tanong na parang pumasok sa kanyang isip at kaluluwa.
"Kung ikaw ay magiging Apo ng Gabun, papaano mo gagamitin ang iyong kapangyarihan?"
Pumikit si Moymoy. Kahit naramdaman niyang wala siyang kalakas-lakas, pinilit niyang sagutin iyon sa kanyang isip:
"Ipagtataggol ko ang mga tibaro."
Unti-unti, nararamdaman ni Moymoy na nagkakaroon siya ng buto. Sa paanan ng salaming bundok, kumapit siya roon. Naramdaman niyang tumusok ang basag na salamin sa kamay pero pinilit pa rin niyang akyatin ito.
Itinuloy ni Moymoy ang pagsagot.
"Kailangang magdesisyon ng tama—hindi lang gamit ang puso, kundi dapat ang sa isip para sa kapakanan ng mga tibaro."
Muli, naramdaman niya na nagkakaroon ng lakas ang kanyang katawan dahil, muling bumabalik ang kanyang buto sa katawan.
"Dapat na balanse ang kalikasan para may kaayusan."
Ipinagpatuloy ni Moymoy ang pag-akyat sa bundok. Patuloy niyang ipinkit ang kanyag mga mata dahil nakakaramam siya ng sakit sa kanyang kamay habang umaakyat ng bundok.
Ipinagpatuloy niya ang pagsagot. "Dapat na magkakasundo muna ang mga Apo para sa kaayusanan ng buong Gabun at ng sa kalikasan."
Nararamdaman ni Moymoy na unti-unti nang lumalakas ang kanyang katawan dahil unti-unting bumabalik ang mga buto niya sa katawan.
"Kailangang nagmamahalan ang mga Apo para magmahalan din ang sinasakupang mga tibaro."
Unti-unti, nabubuo na ang mga buto ni Moymoy.
"Pero kailangang balanse ang lahat—palaging nasa tama, palaging may pagmamahal at kabaitan sa lahat ng tibaro. Kailangang makatarungan. Kailangang totoo ang lahat ng sinasabi. Kailangang makiramay sa ano mang suliranin ng lahat ng sinasakupan sa Gabun."
Bumalik ang lahat ng buto ni Moymoy. Ang basag-basag na salamin ay nawalan ng talim. Ang mga sugat niya sa mga kamay at sa buong katawan ay naglaho na rin. Hanggang sa nakarating siya sa pinakatuktok ng bundok. Tumayo si Moymoy sa bundok ng salamin.
Nilinga ni Moymoy ang kanyang tingin. Nakita niya ang buong paligid—napapaligiran siya ng mga bundok na yari sa salamin. At ang kanyang inakyat at kasalukuyang inaapakan niya ay ang pinakamataas na bundok.
Nilinga niyang muli ang paligid.
Natigilan siyang bigla—nakita niya ang malalaking ibon na nagliliparan sa paligid. Ang buong katawan ng mga ito—ang kanilang pakpak, tuka, mga mata ay yari sa salamin.
Nasaan ang mga kasama ko? Nasaan sina Alangkaw, Hasmin, Wayan, Ibalong Mulino, hiyaw ng isip ni Moymoy.
Mayamaya, nakita niya ang liwanag na si Udli na nasa kanyang harap. Muli itong nagsalita.
BINABASA MO ANG
MOYMOY LULUMBOY: BOOK 5: ANG LIHIM NG LIBRO; ANG LIHIM NG KUWENTO (COMPLETED)
AdventureNARITO ang kilalang kuwentong bayan sa Gabuna may pamagat na, Si Salir, Ang Panglimang Apo. Gaya ng ibang mga kuwentong bayan, ito ay nagpasalin-salin sa bibig ng mga ninuno pa ng mga tibaro. Tanyag na tanyag ang kuwentong ito sa mga tibaro. Sa unan...