KABANATA 17: Pagdalaw

450 32 4
                                    


SA SOLAR ng bahay, habang hawak niya ang Libro ni Salir ay luminga-linga si Moymoy. Napangiti siya nang mapansing napakayabong ng mg punong-kahoy na nakapaligid sa kanya. Naisip niya na kahit papaano, kinikilala pa rin ang nanay niya ng kanyang dating pinangangasiwaan—ang mga hayop, halaman, at mga punongkahoy.

Kanina, matapos ang pag-uusap nila ni Alangkaw sa loob ng bahay—inaalam kung ang lahat ng natuklasan ay may katotohanan, hindi mapakali si Moymoy—gustong malaman kung alin ang totoo at hindi: Totoo ba ang nabasa nila sa libro? Totoo rin ba ang kuwento ng kanyang Inay o dala lamang iyon ng masamang kapangyarihan ng ginto?

Bahagyang tiningnan ni Moymoy ang libro. Kailangan kong alamin ang tungkol dito. Saglit, nanatiling nakatingin sa libro pagkatapos ay dahan-dahan niyang nilapitan ang nag-iisang puno ng balete. Napansin niyang ito ang pinakamalaki sa lahat ng mga punong-kahoy na naroroon.

"Maglalakabay ako," sabi ni Moymoy sa balete. "Samahan mo ako. Pupunta ako sa Gabun." Idinikit ni Moymoy ang kanyang kamay sa malaking katawan ng balete at pagkatapos ay bigla siyang hinigop nito.

Sa isang balete na nasa Gabun na kapareho ng balateng pinanggalingan ni Moymoy ito lumabas. Tiningnana ng librong hawak—sinigurong nasa kamay pa rin niya ito. Pagkatapos ay pinagmasdan niya ang paligid. Isang lugar na puno ng mga punongkahoy ang kanyang nakita. Naglakad-lakad siya. Gaya ng kanyang pinanggalingan, napakadilim ng gabi sa kasalukuyan. Wala ni isang bituin sa kalangitan. Ang buwan ay tila nagtatago sa makakapal na ulap.

Kabisado ni Moymoy ang lugar na iyon. Alam niya ang itatagal niya bago makarating sa pupuntahan. Bigla niyang inilabas ang mga puting pakpak sa kanyang likuran. Ikinampay niya ang mga iyon at lumipad paitaas. Kahit na madilim at walang nakikita sa kalawakan ay naaninag niya ang mga malalaki at prominenteng gusali sa Gabun—ang palasyo ng Sibol, ang tore ng kastilyo ni Wayan, at ang Bahay Labwad kung saan itinuon niya ang kanyang tingin. Bigla, pinagaspas niya ang mga pakpak papunta sa Bahay Labwad. Nang malapit na siya roo'y pumaimbulog na papunta sa gusaling iyon.

Dahan-dahan siyang bumaba sa harap ng Bahay Labwad. Kitang-kita niya ang ang maringal na gusaling iyon. Ang mga gargoyl na may iba't ibang mga mukha. Lahat ay nanlilisik ang mga mata. Alam ni Moymoy na mga bantay ang mga ito. Ang sino mang may masamang tangka sa loob ng Bahay Labwad ay nalalaman nila. Magkakaroon ng buhay ang mga gargoyl at walang tigil na aatungal.

Pero hindi masama ang tangka ni Moymoy.

Natagpuan ni Moymoy ang sarili na nasa loob ng bulwagan ng Bahay Labwad. Gaya ng dati, sadyang napakalawak ng bulwagan. Puno ng mga aklat ang paligid. Walang sulok na walang libro ang paligid. Lahat ng dingding ng bulwagan ay may mga libro mula sa pinakaibaba ng dingding hanggang s apinakaitaas. Sa bandang dulo na animo'y altar, naroon ap rin ang Liya na nasa loob ng malaking eskaparate na napapalibutan ng makapal na sa lamin.

At sa gitna ng bulwagan, naroon si Ingkong Dakal, nakaup sa kanyang mesa.

Pinagmasdan ni Moymoy si Ingkong Dakal. Napansin niyang wala itong pagbabago. Gaya ng dati, kulay-puti ang kanyang mga mata. Blangko ang ekpresyon ng kanyang mukha.

"Moymoy," marahang sabi ni Ingkong Dakal pagkalapit nito. Tulad ng dati, malumanay ang kanyang tinig.

"Napunta ako rito dahil sa—"

"Sa libro? May dala kang libro."

"Oo, papaano mo nalalaman? Hindi ka nakakakita, hindi ba?"

"Oo, Moymoy, pero ang mga bagay na may malakas na enerhiya at may kabuluhan sa Gabun ay nararamdaman ko ang preseniya ng mga ito. Ano'ng libro ang hawak mo?"

MOYMOY LULUMBOY: BOOK 5: ANG LIHIM NG LIBRO; ANG LIHIM NG KUWENTO (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon