KABANATA 10: Mahalaga Sila sa Bayan

407 29 0
                                    


TINUPAD ni Marya Mahig ang kanyang sinabi. Ilang araw lang ang nakalipas, ang ani na lahat ng nakapaligid sa bundok na matatagpuan sa bundok ay naging napakasagana. Marami ang nagtaka. Marami ang nagulat.

Ang mga mais na pilit na itinatanim ng mga magsasaka sa bundok ay nagkaroon ng mga bunga. Ang ipinagtataka pa nila, kung noon ay nahihirapan silang umakyat dahil masukal ang paligid ng bundok, ngayon ay bigla itong luminis at madali na itong akyatin.

Tuwang-tuwa ang buong mamamayan ng bayan ng Ugoy. Sa katunayan ay nagpapalano na sila ng malaking pagdiriwang sa panibagong yugto ng bayang iyon. Isang napakasayang pagbabago ang kanilang nasasaksihan at nararanasan.

"Mga kababayan!" sabi ng mayor ng bayan habang nagtatalumpati sa kanilang plasa. "Hindi ko lubos maisip na sa tinatagal-tagal na panahon ay bumabalik na uli ang dating sigla ng bayan ng Ugoy! Sana'y magtutuloy-tuloy na ang biyayang ibinibigay sa atin ng kalikasan!"

Pumalakpak ang lahat ng mga mamamayan. Si Liliw kasama sina Moymoy at Alangkaw ay nakaupo sa bangko kasama ang ilang mamamayan. Niyakap ni Liliw sina Moymoy at Alangkaw.

"Gusto ko sanang magpasalamat sa isang napakahalagang babae at ina na ngayon ay mamamayan na ng Ugoy—si Liliw!" pagpapakilala ng Mayor. Itinuro niya si Liliw na kasalukuyang nakatayo sa harap. Sinenyasan na tumayo ito.

Tumayo si Liliw sa pagkakaupo. Pinalapkapakan siya ng lahat ng naroroon. Sa kanyang tabi ay naroon sina Moymoy at Alangkaw na pareho ring pumapalapkak, natutuwa para sa kanilang ina.

"Kundi sa kanyang mga turo sa magsasaka ay hindi magiging maganda ang ani ng pananim sa bayan ng Ugoy!" dagdag pa ng mayor.

Muling umupo si Liliw at niyakap siya nina Moymoy at Alangkaw.

Mula nang sabihin kasi niya sa mga magsasaka na kailangang mahalin ang kalikasan ay nagtanong ang mga ito kung ano ang ibig niyang sabihin.

At ito lang ang turo ni Liliw sa mga magsasaka: "Kailangang pangalagaan ang kalikasan—ang kagubatan. Una, kailangang pangalagaan ang kapakanan ng mga halaman—walang magsisira, walang magpuputol ng mga punongkahoy, walang mananakit ng kahit na anong hayop. Magtanim lamang nang magtanim. Magbungkal at isiping magiging malulusog ang itinatanim. Laging isaisip na ang kaligayahan ninyo ay magkaugnay sa kaligayahan ng inyong itinatanim. Lahat ng hayop ay dapat niyong mahalin dahil nakakatulong sila sa mga halamang inyong itinatanim. Kapag ginawa niyo ito—magiging malulusog ang inyong mga pananim at magkakaroon ng masaganang ani dahil magkakaroon ng pagkakasundo at kaayusan sa ating lahat kasama ang kalikasan. "

Nang matapos ang malaking pagpupulong na yon sa plasa, tumayo na sina Liliw, Alangkaw, at Moymoy. Lahat ng mga mamamayan ay nakatuon ang pansin sa kanila. Hangang-hanga silang lahat sa kanila.

Nilinga nilang mag-iina ang paligid. Mula nang lumipat sila sa bayan ng Ugoy, ngayon lang nila nakita ang plasa sa harap ng munisipyo na pinagdausan ng pagtatalumpati ng mayor ng bayan.

Pinagmasdan ng mag-iina ang nagkakasiyahang mga mamamayan ng Ugoy sa kanilang paligid. Mayamaya, nilapitan sila nina Belay at Norma.

"Naku, Liliw!" ani Belay. "Sila pala ang mga anak mo! Ang gugwapo ano!"

"Oo nga!" sabi ni Norma. "Baka puwedeng ireto sa mga anak naming dalaga!"

"Magandang araw po," bati ni Moymoy sa dalawang kapitbahay.

Tiningnan ni Alangkaw si Moymoy at bantulot na binati rin ang dalawang kapitbahay.

"May sasabihin ako sa 'yo, Liliw," masayang sabi ni Belay. "Gusto ka atang kausapin ni mayor."

"Tungkol saan?" marahang tanong ni Liliw.

"Liliw?"

Napabaling silang lahat sa pinanggagalingan ng boses.

"Mayor!" halos sabay na nasambit nina Belay at Norma.

"Gustong-gusto sana kitang makausap," nakangiti pa ring sabi ng mayor kay Liliw, pagkatapos ay tiningnan sina Moymoy at Alangkaw. "Mula nang lumipat kayo rito, naging sagana ang pananim dito sa Ugoy."

Tumango-tango sina Belay at Norma ng pagsang-ayon.

"Bukod sa napakagandang turo mo sa mga mamamayan dito sa pagtatanim, palagay ko, may suwerte kayong dala-dala," sabi ng mayor.

Nagtinginan ang mag-iina.

Bantulot na nagsalitang kinausap ni Moymoy ang mayor. "Magaling lang po ang Nanay namin," nakangiting tiningnan si Alangkaw. "Mahusay po siyang magtanim ng mga halaman."

Natigilan sila sa paglapit ng kapitan. "Mayor," nakangiti ring sabi nito. "Napagkaisahan na po namin sa buong barangay na magdaos ng selebrasyon pag dating ng anihan. Oo nga't malaki ang pasasalamat ng lahat kay Liliw. Napaganda niya at nailagay sa ayos ang dating masukal na lugar na iyon sa paanan ng bundok. Nang itayo ang bahay nila roon, laking pasasalamat namin. Abandonado ang lugar na iyon at walang gustong magmay-ari."

"Oo nga e." Natutuwang sabi ni Mayor. Tinapunan ng tingin ang mag-iina. "alam niyo, gagawa ako ng paraan na mapapasa-inyo na ang lugar na 'yon."

Saglit na hindi nakapagsalita si Liliw. Natuwa siyang tiningnan ang mga anak.
"Talaga?! Naku mga anak!" Napayakap siya kina Moymoy at Alangkaw. "Sa atin na raw ang lupa!"

"Gagawan ko ng paraan," pagpapatuloy ng mayor. "Lalakarin ko ang dokumento ng papeles. Ilalagay ko sa pangalan ninyo ang titulo ng lupa."

"Naku, ang saya-saya naman!" natutuwang sabi nina Belay at Norma.

"Maraming salamat po!" natuwang sabi rin ni Alangkaw at pagkatapos ay tiningnan ang ina. "May bahay na tayo!"

Natutuwang pinagmasdan ni Moymoy sina Liliw at Alangkaw at pagkatapos ay niyakap niyang pareho ang mga ito. "Oo... Inay... Alangkaw, masaya ako, kahit na papaano, napasaya ko kayo sa lugar na ito," pabulong niyang sabi.

MOYMOY LULUMBOY: BOOK 5: ANG LIHIM NG LIBRO; ANG LIHIM NG KUWENTO (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon