KABANATA 7: Hindi Ako Titingin sa Puno!

604 31 3
                                    



KANINA pa nakatingala si Liliw sa puno na kinaroronan ng kulay-itim na buko ng bulaklak. Nakita niyang nananatili pa rin ito sa dating hitsura—hindi bumubuka. Pero ang dahon ng puno ay nalalagas na.

Ilang buwan na rin ang nakalipas mula nang dumating sa buhay nila ang punong tinawag na "tagapag-alala." Nararamdaman niya na kapag naubos na ang mga dahon sa punong iyon, iyon na ang simula. Unti-unting mamukadkad ang buko ng bulaklak at pagkatapos ay kailangan na niyang mag-desisyon—manatili sa Amalao kasama ang mga anak o isauli ang natitirang ginto para mapawi ang sumpa? Ang sumpang nagpapakahirap sa mga tibaro ng Gabun sa napakahabang panahon. Ang sumpang nagdudulot sa kanila ng gabi ng dugon—pinapatay ng mga tibaro ang isa't isa dahil sa gutom. Walang pinakukundanganan. Wala silang pinipili. Kahit na kaibigan o kahit na kapamilya pa ay nilalapa, kinakain nila ang isa't isa dahil sa matinding gutom.

Bigla, inalis ni Liliw ang tingin sa puno. Inilibot ang tingin sa mga halamanan, sa mga punongkahoy, sa buong kapaligiran, at sa bundok. Naramdaman niyang dumaan sa kanyang mukha ang malamig na hangin.

Maligayang-maligaya siya bilang ina. At lalo pa siyang napapaligaya ng pagkakaroon ng dalawang anak na gaya nina Moymoy at Alangkaw. Biruin mo, sa dami ng napagdaanan namin. Ang daming masasakit na pagsubok, pero tama nga ang sabi-sabi na napakahalaga ng isang pamilya—sa hirap at ginhawa kami pa rin ang magsasama-sama at magtutulungan. Ang dalawang anak ko, napakabait nilang bata. Napatawad nila ang isa't isa. Ano pa ang hihilingin ko bilang isang ina? Huwag sanang bawiin ang ligayag natatamasa ko ngayon sa piling ng mga anak ko. Sana hindi na mangyayari ang gabi ng dugon. Sana kahit na di ko isoli ang ginto, darating ang panahon na mapapawi ang sumpa. Kakauspin ko ang kapwa ko mga Apo. Si Bathala, kakausapin ko rin!

May gumuhit na ngiti sa mga labi ni Liliw. Muli, may naisip siya: Hindi ako pababayaan ni Bathala na hindi lumigaya sa piling ng mga anak ko.

Naniniwala ako—dito sa lugar na ito nakatalaga ang kapalaran ko—ang kaligayahan ko. Kahit na wala akong diwani, basta kapiling ko sina Moymoy at Alangkaw, ako na ang pinakamaligayang nilalang.

Napatigil si Liliw nang may narinig na boses.

"Tao po! Tao po!"

Napatingin siya sa labas ng bahay, sa kinaroronan ng boses. Dagling nagpunta si Liliw sa may bintana upang tingnan ang dumating. Sa bakod ng kanilang bahay na yari sa kawayan, nakita niya ang dalawang babaeng nakatayo. Sa unang tingin pa lang niya sa mga dumating, alam niyang kagaya rin niya itong mga ina.

Hindi nakapagsalita si Liliw. Hindi alam ang sasabihin.

"Ako si Belay, at siya naman si Norma!" sabay turo nito sa kasama. "Mga kapitbahay niyo kami, pero malayo kami sa bahay na 'to!"

Hindi pa rin nagawang magsalita ni Liliw. Samantala, nanatili pa rin sa pinto ng bakod ang dalawang kapitbahay.

"Puwede ka ba naming makausap sandali?!" tanong ni Belay.

Napaisip si Liliw. Tiningnan niyang mabuti ang dalawa. Bumuntonghinga. Dinama kung sino talaga sila—kung ano talaga ang pakay ng mga ito. Sa katayuan ni Liliw sa buhay, sa sitwasyon niya, alam niyang hindi dapat magtiwala kahit na kanino. Kahit na sino pang makita niyang hindi niya kakilala, kailangan niyang mag-ingat, dahil kung mapapahamak siya, damay ang mga anak niya at ang kaligayahang natatamasa niya ay maaaring bigla na lang mawala sa kanya.

"Puwede ba?" tanong na muli ni Belay.

Nag-isip saglit si Liliw, Lumabas siya ng bahay at nagtungo sa may pintuan ng bakod na kinaroronan ng dalawang kapitbahay.

"Liliw?" tanong ni Belay. "Iyon ba ang pangalan mo? Iyon kasi ang sabi ng mga kapitbahay. Mga anak mo pala yung dalawang kambal na guwapo."

Napangiti si Liliw sa huling sinabi ng kaharap.

"Hindi kami magtatagal," salo ni Norma. "Baka may ginagawa ka pa. May meeting kasi bukas ng umaga, alas seis. Diyan sa barangay."

"Tungkol saan?" marahang tanong ni Liliw.

"Palagay ko, dapat ka ngang magpunta sa pagpupulong e," sabik na sabi ni Belay. "Ang gaganda ng tubo ng mga gulay mo." Nanlalaki ang mga matang nakatingin sa halamanan na nasa malawak na solar ni Liliw sa pagkamangha. "Pati ang mga punongkahoy mo o. Parang mamumunga na nga. Bakit ang mga alaga naming halaman hindi ganyan kalulusog? Katunayan, iniutos sa amin ni chairman na puntahan ka e. Napaganda niyo raw ang lugar na 'to. Matagal ka na nilang gustong makausap kung papaano mo ito naayos e. Wala kasing nagtatangka na magpunta sa lugar na 'to, kasi nakakatakot." Nanlaking muli ang mga mata nito habang sinasabi ang huling pangungusap, pagkatapos ay bumaling na muli kay Liliw. "Puwede ba, Liliw, punta ka naman. Baka may maitulong ka. Ang husay-husay mo kasing mag-alaga ng mga halaman o. May kapangyarihan ka ba?" Biglang natawa sa sinabi. "Biro lang, Liliw!"

Napangiti lang si Liliw sa mga narinig.

"Ito naman," bahagya pang hinampas ni Norma si Belay. "Ngayon mo lang nakilala si Liliw, nakikipagbiro ka na."

Lalo pang ngumiti si Belay. "Ganyan lang talaga ako, Liliw, pasesniya na."

"Wala 'yon. Sige..," sabi ni Liliw. "Pupunta ako."

"Talaga?" halos sabay na sabi ng dalawa.

"Naku, hihintayin ka namin!" tuwang-tuwang sabi ni Belay.

"O, sige, baka may ginagawa ka pa. Ayaw naming makaistorbo," sabi ni Norma.

Pagkaraan ng ilang saglit ay tumalikod na sina Belay at Norma. Tuwang-tuwa silang umalis. Pinagmasdan sila ni Liliw habang papalayo.

Habang pinagmamasdan ni Liliw ang dalawang kapitbahay bigla siyang napaisip—kung tama ba'ng makihalubilo siya sa mga mamamayan? Bigla rin naman niyang sinagot ang sariling tanong—kung mamamalagi siya sa bayang kinatitirikan ng tahanan nilang mag-iina, dapat lang na makihalubilo at makipagkaibigan sa mga mamamayan ng Ugoy.

Nang tuluyan nang nakalayo ang dalawang kapitbahay, tumalikod si Liliw para pumasok sa kanyang bahay. Pero bago niya narating ang pinto ng bahay, napahinto siyang bigla. Naalala niya na sa kanyang likuran ay naroon ang puno! Bigla niyang naisip—Ang puno! Mabuti'y hindi nila nakita ang isang kakaibang puno na nasa harap lang ng bahay?

Bumaling siya sa kanyang likod. Nakita niya ang katawan ng puno at pagkatapos ay bigla siyang napapikit. Bigla niyang inisip—mula sa araw na iyon, mula sa mga oras na iyon, hindi niya dapat isipin ang nakapintong "panganib" na makapagpuputol sa kaligayahang natatamasa. Mula ngayon, hindi na ako titingin sa punong magpapaalala sa akin na maglalaho ang kaligayahan ko sa lugar na ito kasama sina Moymoy at Alangkaw..

Ang hindi niya alam, patuloy na nahuhulog sa lupa ang mga dahon ng puno. Pag nalagas na ang mga iyon, ang kulay-itim na buko ng bulaklak ay magsisimula nang mamukadkad!

MOYMOY LULUMBOY: BOOK 5: ANG LIHIM NG LIBRO; ANG LIHIM NG KUWENTO (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon