KABANATA 30: Mula sa Pinto sa Ulap

430 29 0
                                    


"TAPOS na ang pagsubok," sabi ni Aya.

Naghiyawan ang mga tibaro. Ang mga Apo na sina Marino, Ilawi, at Amihan ay sabay-sabay na tumayo mula sa kanilang kinauupuan. Lahat sila'y gustong malaman kung sino ang pumasa sa pagsubok—kung sino ang susunod na magiging Apo.

"Sa pintong iyan," itunuro ni Aya ang pintong nakatayo sa itaas ng makapal na ulap na nabubuo ng iba't ibang uri ng diyamanteng may iba't ibang kulay.

Marahang bumaba ang nagniningning na pinto na lalo pang kumislap-kislap dahil sa liwanag na nagmumula sa araw.

Sa ilang saglit, lalo pang nagningning at nagliwanag ang harap ng pinto na nasa sa ulap. Hudyat na bubukas ang pinto at sa ano mang sandali, magbubukas ito at lalabas mula roon ang susunod na Apo.

Marahan... ang pinto ay nagbukas. Mula sa pinto, iniluwa nito si Wayan.

Biglang naghiyawan ang lahat ng mga tibaro. Nagtinginan ang mga Apo. Walang reaksiyon ng pagsang-ayon at pagtanggi sa kanilang mga mukha. Tiningnan lamang nila ang mga nagihiyawang mga tibaro.

Humihingal na tumingin si Wayan sa lahat. Makikitang bakas sa katawan at isip ang matinding kapaguran. Patuloy lang niyang narinig ang naghihiyawang mga tibaro.

Nang tumayo si Wayan mula sa pinto, bigla siyang nagkaroon ng panibagong lakas. Mula sa kalangitan, nagkaroon ng liwanag. Ito ay tumama sa kanya. Nagpalit-palit ang kulay ng liwanag. Unti-unti, nag-iba ang kanyang kasuotan at nagkaroon ng korona. Yaong buong kasuotan ng isang Apo.

"Si Wayan," sabi ni Aya. "Si Wayan na nakilalang ina ng mga tibaro ay isa na ngayong Apo na mangangasiwa ng kagubatan."

Nagliparan ang mga tibaro. Ang mga manananggal ay ipinakita ang mga makukulay nilang mga pakpak. Ang mga aswang ay nagliparan din, nagpalit ng anyo bilang kaakit-akit na mga ibon. Humuni sila ng buong tamis. Umikot ang mga ito kay Wayan, ang bagong Apo. Mula sa palasyo, nagliparan sa paligid ang mga diwata.

Nagpatuloy ang pagningning ng kabuuan ni Wayan na nagmumula sa kalangitan. Tanda ito ng pagkakaroon niya ng lakas at kapangyarihan bilang isang Apo.

Marahan, humiwalay ang ulap na inaapakan ni Wayan. Dahan-dahan, nagtungo siya sa entabladong kinaroronan ng tatlong Apo na sina Marino, Ilawi, at Amihan. Dinala siya ng ulap sa kanyang trono.

Nagpalakpakan, natuwa ang mga tibaro—lahat ay masaya sa pagtanghal kay Wayan bilang isa nang Apo ng Gabun.

"Mga Apo, mga tibaro ng Gabun" sabi ni Aya na nanatili sa tore ng liwasan, "hindi pa tapos ang pag-anunsiyo. Kung inyong nakikita, nananatiling bukas ang pinto sa ulap. May isa pang Apo na papalit sa panglimang Apo na si Salir."

Napanganga ang lahat. Hindi lubos na maintindihan kung ano ang kanilang iisipin sa sinabing iyon ni Aya.

"Libo-libong taon na ang nakalilipas nang mamatay si Salir. Sinikap ng mga Apo na maging balanse ang kalikasan kahit na wala siya. Pero, dahil nananatiling bukas ang pinto, nangangahulugan na sa utos ni Bathala, panahon pa para magkaroon ng papalit kay Salir," pag-aanunsiyo ni Aya.

Nagtinginan sina Marino, Ilawi, at Amihan. Hindi nila alam ang kanilang magiging reaksiyon. Hindi nila alam ang mararamdaman sa narinig kay Aya.

Mula sa mga naroroong tibaro, naring ni Ingkong Dakal ang mga tanong tungkol kay Salir. Sinagot niya iyon:

"Si Salir na nakilala ninyo sa ating paaralan—sa librong nabasa ay kathang isip lamang. Totoong may Apo na nagngangalang Salir, pero hindi siya ganid at nagtataglay ng masamang pag-uugali. Ito ay mapagmahal na Apo sa mga tibaro."

MOYMOY LULUMBOY: BOOK 5: ANG LIHIM NG LIBRO; ANG LIHIM NG KUWENTO (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon