CHAPTER TWO

6.9K 135 1
                                    

"SA TINGIN ko maganda 'yong silver and gold para sa motif," suhestiyon ni Freya na tinatapik-tapik ang bolpen sa mesa.

"Para namang pang-oldies ang color," puna ni Aika na nakalukot ang ilong. "Red and pink na lang kaya?" Pinagalaw-galaw nito ang mga kilay.

"Pink? Okay ka lang, Ai? Lalaking-lalaki kaya ang kapatid ko!" Nanlaki ang mga mata ni Jaeda sa suhestiyon ni Aika. "Baka katayin pa ako n'on kapag nakitang pink ang motif!"

"Cute kasi ang pink, eh..." nakangusong protesta nito.

Naitirik niya ang kanyang mga mata sa pagpipilit nito. Seryoso ang mga anyo nina Colette at Jaeda na tila nag-iisip habang si Elise ay nakangisi lang na napapailing sa suhestiyon nito.

"Ano ba kasi ang favorite color ng kuya mo?" tanong ni Colette kay Jaeda.

Sandali itong nag-isip bago sumagot. "Uhm... blue and silver."

"O di, iyon na lang! Blue and silver. Tapos!" ani Colette na pumitik pa sa ere. Sumang-ayon naman sila sa sinabi nito.

"Now that we're done with the motif," sinulyapan ni Jaeda ang checklist na hawak. "Paghatian na lang natin ang mga dapat gawin. Aika, kayo na lang ni Elise ang bahala sa interior. Freya, puwede ikaw na lang ang kumontak kay Ziggy pa—"

"Bakit kailangang ako pa ang kumontak sa kurimaw na iyon?!" protesta niya sa pinapagawa nito sa kanya.

"Huwag ka ngang exag Frey, wala namang mawawala sa 'yo kapag kayong dalawa ni Ziggy ang in-charge sa music and program. Sa pagkakaalam ko ay may banda si Ziggy, sila na lang ang kunin natin for the music. Magaling din naman sila..." pagpapatuloy ni Jaeda sa kabila ng matinding protesta niya.

"Eh, bakit ako pa talaga ang kailangang kumausap sa bakulaw na iyon? Puwede namang si Colette..." hinarap niya si Colette at binigyan ito ng tinging nagsasabing: "Ikaw na lang, please!"

Ayaw niyang magkaroon ng opportunity na makita, makausap, o makadaupang-palad si Ziggy. Kung puwede nga lang ay ipinatapon na niya ito sa Mars para mabawasan ang nagdudulot ng konsumisyon sa buhay niya. Napabuntong-hininga siya. Wala nga naman kasing alam ang mga kaibigan niya tungkol sa ginawa ng lalaki sa kanya noon. Ang alam lang ng mga ito ay asar siya rito at ang magaling na lalaki ay trip lang na asarin siya—which is true on his part.

"Sa food and drinks na ako," sabi ni Colette na halatang nagpipigil na ngumiti. "Huwag ka na kasing magreklamo, Frey, gawin mo na lang. Hindi naman ni-request na pakasalan mo si Ziggy, 'no, kaya huwag kang masyadong OA."

"Right, Frey! All you have to do is talk to Ziggy and then you could go on happily with your life. Para lang naman 'to sa birthday ni Jorick, once a year lang kaya iyon at hindi naman every year sa restaurant natin gaganapin," dagdag pa ni Aika na nakatikwas pa ang isang kamay na nakapatong sa lamesa. Talagang obvious na pinagtutulungan siya ng mga ito.

Mariin niyang ipinikit ang kanyang mga mata bago nagpakawala ng malalim na hininga. "Fine," nakakunot-noong humalukipkip siya at hindi na nagsalita pa.

Hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang mga malokong ngiti sa mga labi ng mga kaibigan habang nagkukunwaring nagsusulat sa kanya-kanyang notepad ng mga ito.

Nang matapos ang meeting nila ay agad siyang pumunta sa likod ng kaha. At inabala ang sarili doon. May isang buwan pa bago ang kaarawan ni Jorick. May less than one month pa siya para makapag-isip kung paano makikipag-coordinate kay Ziggy na hindi ito nakakausap at nakikita. Okay, medyo mahirap ngang makipag-coordinate dito na hindi ito nakikita o nakakausap pero kailangan niyang siguruhin na limited lang ang oras na makakasama niya ito.

The Prude Damsel (published/unedited)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon