CHAPTER TEN

9.5K 262 14
                                    

NATIGILAN si Freya nang mapagtanto ang kanyang ginawa. She just made a scene on someone's wedding! Nang makita niya kasi si Ziggy na kaagapay ng bride hindi na siya nakapag-isip pa. Awtomatikong bumuka ang bibig niya para magsalita.

Ramdam niya ang titig ng mga tao sa loob ng simbahan na tila nagtataka kung sino siya. Dinig niya ang mga bulung-bulungan ng mga ito. Napangiwi siya sa kahihiyan, wala na siyang magagawa para mabawi ang nasabi niya na.

Ibinaba niya ang kanyang mga kamay na itinakip sa kanyang bibig. "Sorry," mahinang paumanhin niya. Dumako ang tingin niya sa may altar. Parang may bumara sa kanyang lalamunan nang makita niyang papalapit si Ziggy.

Pakiramdam niya ay nanikip din ang dibdib niya nang makitang nakakunot-noo ito na parang naiinis na nakita siya nito doon. Nalaglag ang mga balikat niya nang makitang mukhang wala ng pag-asa na gusto pa siya nitong makita. Unti-unting uminit ang sulok ng mga mata niya. Kaunting-kaunti na lang at pipiyok na siya.

May naramdaman siyang kamay sa kanyang balikat. Paglingon niya, ang seryosong mukha ng kanyang kapatid ang kanyang nabungaran. Nang dumating kasi sila sa simbahan agad siyang sumugod doon na hindi na hinintay pa ang mga ito. Pero siguro nga dapat hindi na lang siya nagpatangay sa bugso ng damdamin, ngayon tuloy lagpak ang puso niya sa kailaliman.

Muli niyang sinulyapan si Ziggy ngunit laking pagsisisi niya nang ginawa niya iyon dahil nakatalikod na ito at naglalakad pabalik sa altar. Hindi na niya napigilang mapaluha. Ayaw na niyang dumagdag sa eskandalong nilikha niya kanina.

Mabilis siyang tumakbo palabas ng simbahan at nang may mamataang taxi sa kalsada, pinara niya iyon at sumakay. Pag-usad ng sasakyan, doon na humulagpos ang lahat ng nararamdaman niyang hinanakit, pagsisisi, at pagkaawa. Hindi niya napigilan ang paghagulhol. Inabutan siya ng driver ng isang box ng tisyu bago muling itinuon ang pansin sa daan. Nakapikit ang mga matang sumandal siya sa upuan. Gusto niya na lang iiyak ang lahat hanggang sa matuyo na ang lahat ng luha niya at isang labasan na lang lahat.

Nang marating ang bahay nila sa Quezon, agad siyang nagkulong siya sa kuwarto. Pabagsak siyang humiga sa kama. Pakiramdam niya ay pinagbagsakan siya ng langit at lupa. More or less patay na siya. Patay na ang puso niya. Kung dati ay bumalik siya ng Pilipinas na punung-puno ng pag-asa ngayon ay pumutok na parang bula ang pag-asang iyon. Wala siyang ibang gustong gawin kundi ang magmukmok, magluksa, at mapag-isa.

Kahit na bumukas ang pinto ay hindi siya lumingon. Nanatiling siyang nakasubsob sa higaan. Naramdaman niyang may umupo sa higaan ngunit hindi pa rin siya kumibo.

"Balak mo bang magmukmok for the rest of your life?" narinig niyang tanong ng kapatid.

Napaungol siya. Bakit ba hindi nagkaroon ng telepathy ang kapatid niya at hindi nito malaman na gusto niyang mapag-isa?

Ilang sandaling natahimik ito nang muli itong magsalita. "I'm sorry kung s-in-uggest ko kay Dad na pabalikin ka dito. I guess I was a bit at fault kung bakit ka nagkaganyan..."

Bumuntong-hininga siya. Bumangon siya sa kama at hinarap ito. "It's not your fault... Siguro nga kasalanan ko kasi hindi ko siya kinausap nang mas maaga. I had my chance three years ago but all I did was run away... Siguro ito na ang parusa sa pagtalikod ko sa kanya noon..."

Nagpakawala ito ng hangin. "I'm sorry..." Mahigpit siya nitong yinakap. Hindi niya napigilang muling mapaiyak. Hinagod na lamang nito ang likod niya at hinayaan siya sa pag-iyak.

HINDI alam ni Freya kung sasagutin ang tawag ni Aika o hindi. Kanina pa tumutunog ang cell phone niya ngunit nagdadalawang-isip siya kung sasagutin niya iyon o hindi. Alam niyang tatanungin lang naman nito kung ano na ang kalagayan niya. Wala pa rin siya sa mood na kausapin o magpaliwanag sa kahit na sino kaya hindi niya sinasagot ang tawag nito.

The Prude Damsel (published/unedited)Where stories live. Discover now