Spring Sixteen: Chasing the Song

2.2K 115 7
                                    

Spring Sixteen: Chasing the Song

..~*+*~*+*~*+*~..

Tumingin ako sa paligid at huminga nang malalim. Sa totoo lang ay hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Ito pala ang… siyudad.

“Jin? Sigurado ka bang nasa iisang bansa lang ang lugar na ito at ang Arco Iris?”

Tumango siya. “Oo. Bakit?”

“Ibang-iba eh,” sagot ko habang tumitingin pa rin sa paligid.

“Malamang. Nasa probinsiya ang Arco Iris. Nasa siyudad tayo ngayon.”

Inirapan ko siya. “May common sense ako,” mataray kong sabi.

“Eh ‘di gamitin mo.”

“Kahit kailan talaga, ano, ang arogante mo.”

Nginisian niya lang ako. Katulad ko ay pinagmamasdan niya rin ang paligid. “Ito na ba talaga ‘yun?” narinig kong bulong niya.

Nagkibit-balikat ako. Pagkatapos ng ilang araw na pamamalagi namin sa iba’t-ibang lugar sa Japan, bumalik kami sa bansa. Ayun nga lang, imbes na sa Arco Iris ay sa siyudad kami bumalik. Sa siyudad kung nasaan ang…

“Isla,” mahinang sabi ko. “Ito pala ang Isla.”

Isla Filipinas University. Akala ko noon ay hanggang sa mga libro ko lang iyon makikita. At akala ko noon eh hanggang alamat lang iyon. Pero ito na nga, nakikita na ng dalawang mga mata ko ang unibersidad na nagbigay buhay sa mga alamat na nababasa ko lamang.

Ayon sa mga libro, ito ay kakambal ng Arco Iris University. Ito ang siyudad na bersyon ng unibersidad kung saan ako nag-aaral. Akala ko noon ay mamamangha ako kapag nakita ko ang unibersidad na ito. Hindi lang pala mamamangha. Daig pa doon. Para akong nasa ibang mundo.

“Jin? Bakit dito tayo pumunta?” tanong ko.

“Dahil pansamantalang dito muna tayo,” sagot niya.

Hinarap ko siya. Gusto kong magtanong, pero hindi ko alam kung oras na ba para magtanong. Paano kung hindi pa siya handang pag-usapan iyon? Baka magalit lang siya at ma-bad trip. Ayoko pa namang naba-bad trip siya dahil magtatalo na naman kami. Hangga’t maaari sana eh ayokong makipagtalo sa kanya ngayon dahil wala akong enerhiya.

Hindi ako nagtanong, pero nagulat ako noong siya ang kusang nagsalita. “The elders of the House of Young are after me,” sabi niya habang bumubuntong-hininga. “It is because of that last scroll. So my mother told me to flee while she repairs my mess.”

Tumango ako. “Pero paano ‘yun? Hindi ka ba matutunton ng mga elders dito?”

Nagkibit-balikat siya. “Malamang alam na nilang narito ako, pero hindi nila ako puwedeng lapitan dito dahil hindi nila ito teritoryo. Ayon sa kasunduan, ito ang lugar kung saan hindi puwedeng mangialam ang mga miyembro ng House of Young ng walang pahintulot ni Sensei Muse.”

“Pero paano ang pag-aaral natin? Ilang buwan na lang, ga-graduate na tayo,” sabi ko.

“Konektado naman ang unibersidad natin sa unibersidad na ito. Bibigyan lang naman nila tayo ng listahan kung ano ang mga klaseng dapat nating pasukan.”

“Ganoon ka-simple iyon?” nagtatakang tanong ko.

Tumango siya. “Oo.”

“Pero—”

“Pero ano?”

Hindi ako nagsalita. Hindi ko magawang sabihin sa kanya na paano ang iniwan kong buhay sa Arco Iris? Paano ang mga naging kaibigan ko doon? Sina Miki? Si Jelly? Pero kapag sinabi ko iyon sa kanya, baka sabihin niyang nag-iinarte lang ako. At bilang isang Bride of Young, alam kong hindi ako dapat mag-inarte. Alam kong kailangan kong mag-adapt sa bawat tawag ng sitwasyon.

Song of SpringTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon