The Last Spring: Song of Spring

3.7K 167 41
                                    

The Last Spring: Song of Spring

..~*+*~*+*~*+*~..

Inilibot ko ang mga mata ko sa paligid. Damang-dama ko ang tensyon at kaba sa dibdib ko, pero kahit na nararamdaman ko ang mga iyon, hindi sumagi sa isip ko ang pag-aalangan. Huminga ako nang malalim at saka nagsimulang maglakad.

Habang naglalakad ay niyakap ko ang sarili ko dahil isang pamilyar na hangin ang bumati sa akin—ang isang pamilyar na hanging malamig at maaliwalas. Napangiti ako nang tipid dahil kay tagal kong hindi nadama ang hanging iyon. At kasabay ng pagbati ng hangin ay ang pagsalubong sa akin ng mga talulot ng bulaklak.

Inilahad ko ang palad ko at merong dumapong talulot sa ibabaw nito. Napapikit ako habang isinasara ang palad ko at inilapit iyon sa dibdib ko.

Matagal-tagal na rin pala…

Ngunit walang nagbago. Kung anong hitsura ng lugar na ito mula noong umalis ako ay siyang ganoon pa rin ang hitsura ngayong nagbalik ako. Walang nagbago.

Walang nagbago sa Arco Iris…

Tandang-tanda ko pa noong unang beses kong tumapak sa lupaing ito. Mabigat ang dibdib ko at hindi ko maikakailang labag iyon sa kalooban ko. Noong unang beses na tumapak ako rito, alam kong balang araw ay iiwanan ko na ang nakaraan ko… ang pangalan ko, ang mga pangarap ko… ang dating ako.

Ngunit sa pagkakataong ito—sa pagkakataong pagtapak kong muli sa lupaing ito—hindi na katulad noon.

… dahil sa pagkakataong ito, narito ako bilang ang sarili kong ako mismo ang pumili.

At narito akong inaawit ang awiting humulma sa akin.

Muli akong ngumiti nang tipid habang patuloy na naglalakad. Unang araw ng ikaapat na buwan ng taon. Panibagong simula na naman ang bumabati sa bawat isang nilalang na naririto sa Arco Iris. Kitang-kita ko ang iba’t-ibang ekspresiyon ng mga estudyante at ng mga gurong nasalubong ko.

Muli kong inilibot ang mga mata ko hanggang sa dumapo ito sa pamilyar na pigura. Kumurap ako at bahagyang natigilan. Hindi ako nagulat dahil inaasahan ko ito. Ngunit kahit na inaasahan, hindi ko ito pinaghandaan.

… dahil naniniwala akong mangyayari ang dapat na mangyari—planuhin man o hindi.

Nakita ko siya. At alam kong nakita niya ako. Sa mga sandaling iyon, nakatitig lamang kami sa isa’t-isa. Hindi ako kumibo at ganoon din siya. Hindi ko mabasa ang ekspresiyon ng mukha niya. At hindi ko alam kung gaano kami katagal na nagtitigan hanggang sa may tumapik sa akin at napalingon ako.

Bumungad sa akin ang isang pamilyar na mukha. Medyo nanliit ang mga mata ko dahil sinusubukan kong alalahanin kung saan ko siya nakita.

Tumaas lamang ang mga kilay niya at saka naglahad ng papel.

Papel?

“I believe this is yours,” malamig niyang sabi.

Tinanggap ko ang papel na hawak niya. “Classmate kita doon sa Isla, ‘di ba?” tanong ko. “Sean? Sean Young?”

Nagkibit-balikat lamang siya at saka tumalikod sa akin.

“Teka lang,” habol ko. “Ano ito?”

Muli siyang humarap sa akin. “Your project.”

“Project?”

“‘Yung lirikang ipinasa mo noon,” sabi niya.

“Huh? Eh bakit nasa iyo?”

“Ipinaabot ng propesor. Hindi ka na daw niya mahagilap noong ibinalik niya ‘yung mga lirika.”

“Eh bakit sa’yo pinaabot?”

Song of SpringWhere stories live. Discover now