Wattpad Original
Mayroong 1 pang libreng parte

Kabanata 4

405K 9.1K 3.3K
                                    

Pinanliliitan ng mata ni Tori si Claude. Kumukuha rin ito ng requirements na kailangan niya raw para sa kontrata nito. Tatlong araw na silang magkasama sa munisipyo habang kinukumpleto ang mga iyon.

"Claude!" May tumawag ditong kaibigan niya na naroon sa may tent at mahabang lamesa. Hinihintay nilang dalawa na kuhanan sila ng litrato para sa UMID nila. Matangkad ang lalaki, payat, at puno ng taghiyawat sa mukha. Nag-twinkle ang mata nito nang makita sila.

"Ton! Anong ginagawa mo riyan?" Agad silang lumapit ni Claude sa lalaki.

"Ito, pinilit ako ni Tsong Mario na sumaydline! Kasi may kasalang bayan daw sa Sabado. Ito ang rush booth para sa marriage license. Ipakilala mo naman ako riyan sa magandang kasama mo."

"Si Tori nga pala, kaibigan ko," nakangiting sambit ni Claude. "Tori, si Tonton."

"Kaibigan daw!" Malisyosong humalakhak si Tonton. "Baka naman nandito kayo kasi gusto niyo ring magpakasal, ha!"

"Gago. Tinawag mo ako, eh."

"Pero kung gusto niyo, naku, aprub agad 'yan dito! Libre pa. Kita mo, kahit wala pa kayong ipasang affidavit of parental consent, pasok 'yan. Si Mimi at yung boypren niya, pumila rito, parehas dyesisyete, ayun, nakalusot!"

"Hindi tinitingnan?" kyuryosong tanong ni Claude.

"Hindi na. Ewan ko kay Aling Selia. Tinatakan, eh. Tapos lumabas agad yung marriage license. Ay, magsisimula na ang seminar." Hinila sila ni Tonton. "Upo kayo rito, may pameryenda at electric fan. Ang init ngayong araw!"

"Teka, hindi naman kami magpapakasal," tutol ni Claude.

"Puwede na 'yan, kunwari lang naman para makakain kayo. Ano bang papeles niyo riyan?" Kinuha ni Tonton ang brown envelope nila. "Ito pala, may requirements. Teka, ikukuha ko kayo ng marriage license para makaupo kayo at bigyan din kayong meryenda."

Tumatawa si Tonton na nagpapirma sa mga kasamahan. Pinanliitan niya ng mata si Claude.

"Mapilit ang kaibigan mo. Masarap ba ang meryenda rito?" Gutom na rin kasi siya. Kakatipid nilang dalawa ni Claude ay pinanghinayangan pa nilang bumili ng buy 1 take 1 na hamburger. Siya lang pala ang nanghinayang. Ayaw niyang bawasan ang pera ni Claude simula nang makita niya ang kalagayan nito at ni Aling Nida.

"Siguro?" Nagkibit-balikat si Claude. Naghintay sila ng labinlimang minuto nang balikan sila ni Tonton.

"Dyarannn! Ayan, pupuwede na kayong magpakasal." Humahagikgik pa ito sa ginawang kalokohan. Kinuha ni Claude ang marriage license nila at ilang segundong natulala roon. Ipinasok nito sa sariling brown envelope iyon. Naiiling silang umupo sa monobloc chairs at hinintay ang magsasagawa ng seminar.

"Ang kasal, pinag-iisipang mabuti 'yan," panimula ng isang ginang na nakatayo sa harapan. "Hindi iyan bugso ng damdamin. Kaya naman magpapakasal kayo dahil sigurado na kayo sa isa't isa at kahit ano pang pagkakamali ang magawa ng asawa niyo, handa kayong magpatawad nang paulit-ulit."

Naramdaman niya ang paggagap ni Claude sa kanyang kamay habang mataman din na nakikinig. Hindi nila namalayan ang oras dahil nakisiya na rin sila sa mga palaro na ginawa bilang ice breaker ng seminar. Nakalimutan tuloy nilang magpalitrato para sa ID nila.

Naabutan nila si Aling Nida na nagluluto ng hapunan nang makauwi sila sa bahay. Sabay nilang nilapitan iyon ni Claude para magmano.

"Kaawaan kayo ng Diyos, mga anak. Kumusta?"

Temptation Island 4: Rekindled Fire (PUBLISHED under RED ROOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon