PAGSAPIT ng lunes hanggang sa mga sumunod na araw ay palagi nakikipagkita sila Janine at Krey kina Draco at Nathan. Kamukat-mukat na lamang ni Janine ay naging barkada na silang apat. Mas kumportable na rin siya at nagagawa nang makipag-usap at makipagbiruan sa dalawang lalaki. Hanggang isang araw ay bigla na lang nagkapalit ang seating arrangement nilang apat. Bigla ay himbis na si Krey ang katabi ni Janine na katulad noon ay si Draco ang umupo sa tabi niya. Pinilit umakto ni Janine na walang anuman iyon sa kaniya subalit sa totoo lang ay hindi niya magawang kumalma kapag katabi niya ang binatilyo. Nang sumunod na araw ay ganoon na naman ang seating arrangement nila. Hindi tuloy siya nakatiis na hindi tawagan si Krey kinagabihan para sabihin ang napansin niya sa nakaraang dalawang araw.
"I think he likes you," walang pagdadalawang isip na sagot ni Krey.
Humigpit ang pagkakahawak ni Janine sa telepono at kumabog ang dibdib niya. "I don't think so," garalgal na sagot niya.
Tumawa si Krey. "And I think you like him too."
Nakagat ni Janine ang ibabang labi bago nagsalita. "Hindi ba ikaw ang may gusto sa kaniya?"
"Iyan ba ang inaalala mo kaya tinatanggi mo na may gusto ka kay Draco?" manghang bulalas ni Krey.
Uminit ang mukha ni Janine. "Wala akong gusto sa kaniya."
Pero parang hindi siya narinig ng kaniyang kaibigan na nagpatuloy ito sa pagsasalita. "Matagal nang nawala ang crush ko kay Draco. Mula pa noong hinatid nila tayo papunta sa parking lot. Noong muntik na tayong mahuli nila Ma'am Elfa. Nauuna ka kasing maglakad kaya hindi mo nakita na hanggang makarating tayo sa mga sundo natin sa iyo lang nakatingin si Draco. Ganoon din noong unang beses nila tayong inabangan sa school gate. At sa araw-araw na magkakasama tayo. Paano ko patuloy na magiging crush ang isang lalaki na ang interes ay nasa bestfriend ko lang? Hindi ako masokista 'no."
Hindi alam ni Janine kung ano ang isasagot sa mga rebelasyon ni Krey. Ang alam lang niya ay halos hindi siya makahinga sa bilis ng pagtibok ng puso niya at parang may humahalukay sa kaniyang sikmura.
"Hello? Nandiyan ka pa ba Janine? Hindi ka na ba makapagsalita sa kilig?" tudyo ni Krey sa kabilang linya.
Uminit ang mukha niya. "Of course not," sikmat niya. Tinawanan lang siya ng kaibigan niya. May narinig siyang dumating na sasakyan mula sa labas ng bahay nila at napaderetso ng upo sa gilid ng kama si Janine. "Nandiyan na yata si Daddy. Ba-bye na."
"Okay. See you on Monday," paalam na rin ni Krey.
Ibinaba ni Janine ang telepono at lumabas ng kaniyan silid upang salubungin ang daddy niya. Gusto kasi niyang tanungin kung saan ito nanggaling dahil mag-a-alas onse na ng gabi. Dati kapag ganoong oras ang uwi ng kaniyang ama ay nagsasabi ito sa kaniya sa umaga. Nang makarating siya sa itaas ng hagdan ay paakyat na ito. "Daddy, saan ka galing?" tanong niya.
Tumingala ang kaniyang ama at nang makita siya ay lumiwanag ang mukha at malapad na ngumiti. Pagkatapos ay tinakbo nito ang natitirang baitang hanggang nasa harap na niya ito. Napasinghap si Janine sa pagkagulat nang bigla siyang yakapin ng daddy niya. Umangat ang mga paa niya sa sahig at humahalakhak na pinaikot siya nito. "Janine, my princess. Tonight is the one of the best night of your daddy's life," bulalas nito.
"Daddy, ibaba mo muna ako at kumalma ka. Saan ka ba galing at bakit ang saya-saya mo?" natatawa na ring bulalas niya.
Ibinaba naman siya nito at ngumisi. "I went to dinner with Diana. Nag-propose ako sa kaniya at pumayag siyang pakasalan ako," balita ng kaniyang ama.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 6: Forbidden Lover (Draco Faustino)
RomanceMay slight case ng mysophobia si Janine. Clean-freak siya at ayaw na napapadikit sa ibang tao. Ang tingin ng mga tao sa paligid niya ay maarte lang siya at matapobre kaya ganoon siya umakto. Hanggang sa may makadiskubre na mas matindi ang kondisyon...