Part 37

35K 680 20
                                    


"GUSTO kong makita ang art studio ko. Gagamitin ko iyon kapag sinimulan ko na ang mga painting para sa hotel, hindi ba? Puwede bang pumunta muna ako doon?" tanong ni Draco kay mommy Diana nang tapos na silang kumain at nag-aya ang may-edad na babae na uminom ng tsaa sa garden. Mahilig kasi mag-tsaa ang mga magulang nila pagkatapos kumain.

"Sige," sagot ni mommy Diana.

Napaderetso ng tayo si Janine nang biglang bumaling sa kaniya si Draco. "Samahan mo ako."

Nanuyo ang lalamunan niya at napasulyap sa kanilang mga magulang. Ngumiti ang mga ito. "Sige na hija, samahan mo na si Draco. Hihintayin na lang namin kayo ng mommy niyo sa garden," sabi ng kaniyang ama.

Pilit na ngumiti si Janine at tumango. Pagkatapos ay sumulyap siya kay Draco na walang ekspresyon ang mukha. Katunayan ay nauna pang lumabas ng kusina ang binata at pasimple na lang siyang huminga ng malalim bago sumunod.

Hindi naka-lock ang pinto ng studio dahil kahit wala na sa bahay nila si Draco ay araw-araw pa rin iyong pinapalinis ni mommy Diana. Ni hindi siya nilingon ng binata at deretsong pumasok doon. Kinakabahan na tuloy siya nang makapasok sa studio. Pagkapinid niya sa pinto ay saka lang marahas na humarap sa kaniya si Draco.

"Bakit mo ginawa iyon? Bakit mo ako pinigilan sabihin sa kanila ang totoo? Are you ashamed of me? Of us?" sunod-sunod na tanong ng binata. Bakas ang frustration at hinanakit sa mukha nito.

Namasa ang mga mata ni Janine pero pinigilan niya iyon. Hindi siya dapat umiyak. Sa halip ay huminga siya ng malalim at lakas loob na humakbang palapit kay Draco. "Of course not. Kahit kailan ay hindi kita ikakahiya. Pero hindi ngayon ang tamang oras para sabihin sa kanila ang totoo," sagot niya.

Naningkit ang mga mata ni Draco. "The sooner we tell them, the better."

Nakagat ni Janine ang ibabang labi bago muling nagsalita, "Nakita mo ba ang ekspresyon sa mukha nila nang tumanggi ka sa plano nila? They look devastated and rejected. Damang dama ko ang sakit na naramdaman nila. Ano pa sa tingin mo ang mararamdaman nila kung sinabi natin ang tungkol sa atin? Isipin ko pa lang ay para nang may sumasaksak sa akin."

Tumiim ang mga bagang ni Draco at kumuyom ang mga kamao. "Ayokong ipakilala nila ako sa madla na anak nila. Dahil mas lalo tayong mahihirapan kapag nangyari iyon. Kapag lahat ng tao ay itinuring tayong magkapatid, paano natin masasabi sa kanila na kahit kailan ay hindi sa isang kapatid ang nararamdaman natin para sa isa't isa?"

Uminit ang mga mata ni Janine. "Alam ko. Naiintindihan ko ang sinasabi mo. But we still have six months. Puwede bang paghandaan muna natin kung paano sasabihin sa kanila. I-I love our parents and I hurt when I see them hurt."

May kumislap na pait sa mga mata ni Draco. "Kahit anong gawin natin ay masasaktan natin sila, Janine. I was prepared for it the moment I decided to be with you. Pero sinabi ko na sa iyo hindi ba? I will take full responsibility. Kahit anong mangyari, hindi ko hahayaan na masaktan ka ng husto dahil pinili mong makasama ako. Alam ko imposibleng hindi ka maapektuhan pero I will do my best to shield you as much as I can.

"At mahal ko rin sila. Mga magulang ko rin sila. Nirerespeto ko si daddy kahit na hindi ko siya kadugo. Iyon mismo ang dahilan kung bakit gusto ko na ako mismo ang magsabi sa kanila kaysa dumating ang sandaling hindi natin inaasahan na malaman pa nila sa pinakapangit na paraan ang tungkol sa atin," mahina at puno ng emosyon na usal nito.

Tuluyang namasa ang mga mata ni Janine at parang may lumamutak sa puso niya sa ekspresyon ni Draco. Alam niya na tama ito. Siya ang mali. Siya ang duwag. Huminga siya ng malalim at tumango. "Okay. Sasabihin natin sa kanila. Pero huwag muna ngayon. Soon," sabi niya. Nang hindi kumibo si Draco at patuloy lamang na tumitig sa kaniya ay may bumikig sa lalamunan ni Janine. Ayaw niyang nakikita na ganoon ang binata. Mas gusto niya na maaliwalas ang mukha nito at nakangiti.

Humakbang palapit si Janine kusang pinaikot ang mga braso sa katawan ni Draco. Natigilan ang binata nang yakapin niya ito ng mahigpit at isubsob niya ang mukha sa dibdib nito. "I'm sorry," nausal na lamang niya dahil hindi niya alam kung ano pa ang puwede niyang sabihin.

Ilang segundo ang lumipas bago niya naramdaman ang pagtaas baba ng dibdib ni Draco nang humugot ito ng malalim na paghinga. Pagkatapos ay pumaikot sa kaniya ang mga braso nito at mahigpit din siyang niyakap. Isinubsob nito ang ulo sa buhok niya at naramdaman niya ang mainit nitong hininga. "I get it. Kakausapin natin sila sa susunod. Calm down," bulong ni Draco sa pagitan ng paghalik nito sa ulo niya.

Himbis na kumalma siya ay lalo pang uminit ang mga mata ni Janine. Mariin siyang pumikit at humigpit ang yakap sa binata. "I just like you. I just want to be with you. Bakit ba hindi na lang simple ang naging sitwasyon natin? Bakit kailangan ganito?" himutok niya.

Muling huminga ng malalim si Draco at hinaplos ang buhok niya. "Hindi ko rin alam. But we'll get through this. I promise."

Tumango si Janine at hindi na nagsalita. Ganoon din ang ginawa ni Draco. Nanatili lamang sila doon, nakatayo sa gitna ng art studio at mahigpit na magkayap. Maya-maya ay huminga ng malalim si Draco at bantulot na lumuwag ang pagkakayap nito sa kaniya. "Kailangan na natin magpunta sa garden. Hinihintay nila tayo."

Tumango si Janine at bantulot ding kumalas dito. Tiningala niya si Draco at alanganing ngumiti. "Lumabas na tayo."

"Yeah," sagot ni Draco pero hindi naman kumilos mula sa pagkakatayo sa harapan niya at mataman pa ring nakatitig sa kaniya.

"Okay," usal uli ni Janine at kumilos na upang magpatiuna sa pinto pero napasinghap siya nang biglang hawakan ng binata ang kaniyang braso at pinihit siya paharap. Ang malaya nitong kamay ay humawak sa batok niya. Pagkatapos ay mariin siya nitong siniil ng halik sa mga labi. Sandali lamang nabigla si Janine bago napapikit at gumanti ng halik. Bago pa niya napigilan ay may umalpas ng luha sa kaniyang mga mata dahil sa tindi ng emosyong naramdaman niya mula sa halik na iyon ni Draco.

Tila ba nalasahan ng binata ang kaniyang luha na natigilan ito at pinakawalan ang kaniyang mga labi. Naging malambot ang ekspresyon sa mukha nito at pinalis ng hinlalaki ang kaniyang luha. "Huwag kang umiyak. It breaks my heart to see you cry," bulong nito. Pagkatapos ay masuyo nitong hinalikan ang kaniyang mga mata. Napapikit siya at unti-unting kumalma.

Huminga ng malalim si Janine. "I'm okay." Siya na ang kusang lumayo kay Draco. Hinamig niya ang sarili at bahagyang ngumiti nang muling tingalain ang binata. "Lumabas na tayo."

Sa pagkakataong iyon ay nagawa na nilang lumabas ng Art studio. Nagpunta sila sa garden kung nasaan ang kanilang mga magulang at umakto na para bang hindi lamang sila naghahalikan kanina. Mahirap magkunwari na para bang walang namamagitan sa kanila. Lalo na at magkatabi silang nakaupo dahil okupado na ng kanilang mga magulang ang dalawa pang silya. Subalit pinilit pa rin ni Janine na umaktong normal at nakikinig sa usapan. Kahit pa ng mga sandaling iyon ang iniisip lang niya ay kung paano masasabi sa kanilang mga magulang ang totoo na hindi masyadong masasaktan at magagalit ang mga ito. Subalit hanggang magpaalam nang aalis si Draco ay napagtanto ni Janine na kahit anong paraan pa ang gawin nila ay pareho lang ang magiging reaksiyon ng kanilang mga magulang kapag sinabi nila ang totoo. Forbidden love. Daig pa nila ang isang teleserye. Samantalang wala namang ibang gusto si Janine kung hindi magkaroon ng simple at walang komplikasyon na relasyon sa taong gusto niya.

Bachelor's Pad series book 6: Forbidden Lover (Draco Faustino)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon