Part 30

36.7K 689 11
                                    

ART gallery ang sunod na pinuntahan nila Janine at Draco. Tago ang puwesto niyon dahil nasa gitna iyon ng dalawang nagtataasang gusali. Sa malayo ay mas mukha iyong lumang Chinese restaurant kaysa art gallery dahil sa pulang dragon na logo at sa tila templo na disenyo ng establisyemento.

"Hindi ko alam na may art gallery sa bahaging ito ng maynila," manghang bulalas ni Janine na nakatingin sa establisyemento habang nagpa-park ng sasakyan si Draco sa harap niyon.

"Matagal na iyan. Kolehiyo pa lang tayo nakatayo na ang gallery na iyan dito. Hindi nga lang kasing popular ng iba pero magaganda ang mga art piece dito na puro gawang Asian. Kumbaga sa music, indie at underground ang art gallery na ito. Dinadayo ng mga foreign Asian Art enthusiast ang art pieces sa loob at hindi iyon dahil nag-a-advertise sila. Word of mouth lang nalalaman ng mga suki nila ang lugar na ito," paliwanag ni Draco.

"Oh. Wow," nausal ni Janine. Marahil ay dinala siya roon ng binata para ipakita sa kaniya ang mga painting na naka-display sa loob. Hinubad niya ang seatbelt. Nang buksan ni Draco ang pinto sa driver's seat ay mabilis din niyang binuksan ang pinto sa passenger's seat. Bago siya makababa ng sasakyan ay nakalapit na sa kaniya si Draco. Inilahad nito ang isang palad sa kaniyang harapan. Sandali lamang nag-alangan si Janine bago nakangiting ipinatong ang kamay sa kamay ng binata. Mahigpit na ginagap ni Draco ang kamay niya at inalalayan siyang makalabas ng sasakyan.

Hindi binitawan ni Draco ang kamay ni Janine kahit nang naglalakad na sila papasok sa Art Gallery. Sandaling inakala niya na walang tao sa loob dahil masyadong tahimik at wala ring nakapuwesto sa reception area. Hinigit siya ng binata palapit sa reception area at pinindot ang maliit na silver bell na nakapatong doon. Maya-maya pa ay bumukas ang isang pinto sa kanang bahagi at lumabas ang isang may edad na lalaki na mukhang intsik. Nang mapatingin ito sa kanila ay bumakas ang pagkagulat sa mukha nito. Pagkatapos ay naging tuwa.

"Draco! Napaaga ang pagbisita mo ah," masiglang bulalas ng may-edad na lalaki at mabilis na lumapit sa kanila.

Nang sulyapan ni Janine si Draco ay nakita niyang ngumiti ito at humakbang para salubungin ang may edad na lalaki. Nagyakap ang dalawa. "Mao," bati ni Draco.

Matagal na silang magkakilala. Iyon agad ang unang naisip ni Janine habang pinagmamasdan ang dalawa. "Mamaya pa ang appointment mo ah," usal ni Mao. Mayroon pa yata itong sasabihin pero lumampas na ang tingin ng may-edad na lalaki kay Draco at napatingin kay Janine. Namilog na naman ang singkit nitong mga mata. "May kasama ka. At isang babae?" manghang bulalas nito.

Natigilan si Janine at bigla ay hindi alam kung ano ang gagawin. Dahil bakit kung makapagsalita si Mao ay parang himala na may kasama si Draco na nagpunta doon? Napakurap lang siya nang lumapit uli sa kaniya si Draco at ginagap ang kaniyang kamay. Pagkatapos ay iginiya siya nito palapit kay Mao. "This is Janine. Janine, siya si Mao. Siya ang may-ari ng Art Gallery na ito."

Matiim siyang tinitigan ni Mao na para bang nakita na siya nito noon at pilit lamang inaalala kung saan at kailan eksakto. Maya-maya ay may kumislap na pag-unawa sa mga mata ng may-edad na lalaki at ngumiti. "Janine. Ikinagagalak kitang makilala. Lampas isang dekada na kaming magkakilala ni Draco at ngayon lang siya dumating dito na may kasama. At isang magandang dalaga pa na gaya mo." Pagkatapos ay mapanudyong sinulyapan uli ni Mao si Draco. "Mukhang nagbabagong buhay ka na ah. Good. About time."

"Mao. That's too much information," reklamo ni Draco sa magaan na tinig. Tumawa lang si Mao. "May gusto akong ipakita kay Janine kaya ko siya isinama," sabi pa ng binata.

"Ah. Kung ganoon ay sige na pumasok na kayo sa loob. Kapag may dumating ay sasabihin ko sa inyo," sabi ni Mao na kung pagbabasehan ang mapanudyong kislap sa mga mata ay mukhang alam nito kung ano ang gustong ipakita sa kaniya ng binata.

Tumango si Draco, pinisil ang kaniyang kamay at nakangiting niyuko siya. "Let's go."

Gumanti ng ngiti si Janine at tumango. Sandali pa ay naglalakad na sila sa loob ng gallery na mas malaki pala sa loob kaysa akala niya. Nahahati sa bawat bansa ang mga naka-display. At lahat ng mga naroon ay magaganda. Ethnic at nagpapakita talaga ng kultura ng banda kung saan iyon galing. May Japanese painting na itim na tinta lamang ang ginamit para iguhit ang Mount Fuji. May Chinese painting na black at red naman ang motif. May Indian painting na nagpapakita ng mga Diyos ng Hindu. At kung anu-ano pa mula sa iba pang bansa sa Asya.

"Karamihan sa mga naka-display dito ay gawa ng mga artist na hindi pa masyadong kilala. Ang mga painting naman na mula sa mga sikat na painter ay mga gawa nila bago pa sila sumikat. Ang mga binibili ni Mao na painting ay iyong hindi pa kilala. Pagkatapos ay hinahayaan lang niyang naka-display ang mga iyon dito sa gallery hanggang may bumili," paliwanag ni Draco.

"Kahit na maraming taon ang lumipas bago may bumili sa painting?" manghang tanong ni Janine habang iginagala ang tingin sa mga naka-display sa pader.

"Oo. Naniniwala si Mao na darating ang tao na karapat-dapat na mag may-ari ng painting sa tamang panahon. Pero para sa aming mga art student noon, si Mao ang tagapagligtas namin kapag kailangan namin ng pera."

Natigilan si Janine at napalingon kay Draco. "Anong ibig mong sabihin?"

Ngumisi ang binata. "Binibili ni Mao ang painting basta nagustuhan niya. Kaya kapag may nagagawang painting ang mga art student noon ay dinadala dito para mabistayan ni Mao. Siya lang ang kilala namin na handang bumili ng gawa ng isang estudyante pa lang sa magandang presyo. Bukod sa tambayan talaga ito ng mga art student mula noon hanggang ngayon. Madalas ako rito kasama ang mga orgmate ko noong kolehiyo," paliwanag ni Draco.

Lalong napukaw ang interes ni Janine sa sinabing iyon ng binata. Muli niyang iginala ang tingin sa paligid at nakinita ang mas batang Draco kapag naroon ito noon. Kung kasama nito ang mga miyembro ng school org nito ay ibig bang sabihin niyon kasama rin palagi ng binata si –

Natigilan si Janine sa itinatakbo ng kaniyang isip nang muling abutin ni Draco ang kaniyang kamay. Napatingala siya sa binata na ngayon ay may misteryosong ngiti na sa mga labi. "Hindi pa natin napupuntahan ang gusto ko talagang ipakita sa iyo." Iyon lang at hinatak na siya nito patungo sa dulong bahagi ng gallery.

Bachelor's Pad series book 6: Forbidden Lover (Draco Faustino)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon