GUSTUHIN man ni Janine na umaktong normal ay hindi niya nagawa. Habang nasa biyahe sila ni Draco ay tahimik lamang siyang nakatingin sa labas ng bintana. Nakatitig pero walang nakikita. Kahit anong gawin niya ay bumabalik sa isip niya ang mga sinabi ni Camille sa kaniya. Na noong magpaalam silang uuwi na ay muling hinalikan sa pisngi si Draco at binati pa siya na para bang hindi nangyari ang naging engkuwentro nila sa loob ng comfort room.
Pilit na sinasabi ni Janine sa sarili na huwag magpaapekto. Na huwag hayaang diktahan na naman ng mga pangit na alaala ang buhay niya at ang pakikitungo niya sa ibang tao na tulad noon. Subalit kanina, nang tangkain ni Draco na hawakan siya nang papunta na sila sa sasakyan nito ay napaigtad siya at tila may sariling buhay ang kaniyang katawan na lumayo sa binata. Katulad ng dati ay kinilabutan na naman siya sa isiping mahahawakan siya ng iba. Kahit pa si Draco iyon. Ang lalaking mahal niya.
Ngayon tuloy ay para siyang sinasakal ng guilt sa naging reaksiyon niya. Lalo na at alam din niya na napansin ng binata ang naging reaksiyon niya pero hindi kumibo. Katunayan ay buong biyahe na walang nagsasalita sa kanila.
Napakurap si Janine nang biglang humimpil ang sasakyan ni Draco. Noon lang siya naging aware na nasa loob na pala sila ng isang lower ground parking lot na pamilyar sa kaniya himbis na sa family home nila kung saan siya dapat ihahatid ng binata sa gabing iyon. Iginala ni Janine ang tingin sa labas at namilog ang mga mata nang mapagtantong nasa parking lot sila ng Visperas Hotel.
"Janine," mahina ngunit determinadong usal ni Draco sa pangalan niya. Iyon ang unang beses na nagsalita ito mula nang umiwas siya sa akmang paghawak nito sa kaniya kanina.
Kagat ang ibabang labi na bumaling siya kay Draco. Kumabog ang dibdib niya nang makita kung gaano ka-seryoso ang titig nito sa kaniya. "Bakit tayo nandito? Sa bahay mo ako ihahatid dapat hindi ba?"
Himbis na sumagot ay lumiyad palapit sa kaniya ang binata. Agad na napaigtad si Janine at umatras hanggang masiksik na siya sa pinto ng sasakyan. Natigilan si Draco at namilog ang kaniyang mga mata nang mapagtanto kung ano ang naging reaksiyon niya. She just shied away from him. Again. Tumiim ang mga bagang ng binata at nataranta siya. "D-draco –"
"Kailangan natin mag-usap. Kailangan kong malaman kung bakit ganiyan na naman ang reaksiyon mo. Katulad noong bago natin mapagaling ang phobia mo. Okay lang tayo kanina, hindi ba?" may himig na frustration na litanya ni Draco.
May bumikig sa lalamunan ni Janine dahil bigla na naman niyang naalala si Camille at ang nakaraan na kahit ayaw niya ay bumabalik sa isip niya dahil sa babae. Ibinuka niya ang mga labi pero hindi siya makapagsalita. Bumuntong hininga si Draco at mabilis na kinalas ang seatbelt niya bago lumayo sa kaniya at ang sariling seatbelt naman ang kinalas. "Hindi tayo makakapag-usap sa bahay at lalong hindi tayo puwede sa tinitirhan ko. And we need to talk in private. May suite tayo sa top floor ng hotel, hindi ba?"
Sumikdo ang puso ni Janine. "Oo," mahinang sagot niya.
Tumango si Draco at binuksan ang pinto ng sasakyan nito. "Doon tayo mag-uusap. Mauna ka na umakyat. Kukunin ko sa reception ang keycard." Lumabas na ito ng sasakyan, umikot sa passenger's area at pinagbuksan siya ng pinto subalit hindi na nagtangka pang hawakan siya. "Let's go."
Huminga ng malalim si Janine bago bumaba ng sasakyan.
Katulad ng sinabi ni Draco ay nauna siyang umakyat sa top floor at naghintay sa tapat ng pinto ng presidential suite na exclusive lamang para sa kanilang pamilya. Tumatahip sa kaba ang dibdib niya at nanlalamig ang mga kamay niya sa nerbiyos. Dahil alam ni Janine na determinado si Draco na kausapin siya. Ibig sabihin ay siguradong mapipilitan siyang sabihin dito ang tungkol sa naging pag-uusap nila ni Camille. At sigurado rin na kakailanganin nilang balikan ang nakaraan at ang ugat ng phobia niya.
Tumunog at bumukas ang elevator sa dulo ng hallway at napaderetso ng tayo si Janine. Nahigit niya ang hininga nang makitang naglalakad na palapit sa kaniya si Draco. Nang huminto ito sa harap niya ay sandaling sinalubong ng binata ng tingin ang kaniyang mga mata bago walang salitang binuksan ang pinto ng suite. Sinenyasan siya nito na maunang pumasok sa loob. Alanganing tumalima siya. Dumeretso siya sa mahabang couch na nasa gitna ng two bedroom suite. Umupo siya roon at pinagsalikop ang mga kamay. Narinig ni Janine ang pagpinid ng pinto. Kasunod niyon ay naramdaman niya ang paglapit ni Draco sa kaniya. Huminto ito sa harap niya at hindi nagtangkang umupo sa kaniyang tabi. Mahabang sandaling katahimikan bago siya tumingala upang tingnan ang binata. Nagtama ang kanilang mga mata.
"Alam ko na kung ano man ang dahilan at ayaw mo na namang hawakan kita, sigurado akong may kinalaman si Camille. Nakita ko na namutla ka nang makita mo siya. Kung inaalala mo ang nakaraan namin, gusto kong malaman mo na tapos na ang lahat ng iyon. We are just friends," seryosong basag ni Draco sa katahimikan.
Pero mukhang hindi kayo kapareho ng opinyon ni Camille, naisip niya. Hindi iyon isinatinig ni Janine. Sa halip ay tumango siya. "Alam ko." Dahil iyon ang totoo. At least, sa panig ni Draco ay alam niyang nakaraan na lamang si Camille.
"Kung ganoon ay bakit ka nagkakaganiyan?" tanong ni Draco na tumalungko sa harap niya kaya nagkapantay ang kanilang mga mukha. "Tell me," giit pa ng binata na lumambot na ang ekspresyon sa mukha.
Tumiim ang mga labi ni Janine at may bumikig sa lalamunan nang lumitaw na naman ang imaheng pilit niyang kinakalimutan sa kaniyang isip. Subalit mukhang hindi na niya puwede pang takbuhan ang alaala. Kailangan na niyang harapin iyon. Kailangan niyang ipaalam kay Draco. Dahil kung hindi ay malamang hindi siya tuluyang gagaling mula sa phobia niya. Huminga ng malalim si Janine at lakas loob na sinalubong ng tingin ang mga mata ni Draco.
"Totoo na si Camille ang dahilan kung bakit naiilang na naman ako kapag tinatangka mo akong hawakan. I'm sorry. I feel guilty for reacting like I don't want you to touch me. I love being touched by you pero ang utak at katawan ko kusang nag-re-react at hindi ko rin iyon gusto. It's just that... nang makita ko si Camille ay may bigla akong naalala. May kinalaman sa phobia ko at hindi ko napigilan ang pag-atake ng panic," mabilis na litanya ni Janine.
Natigilan si Draco at ilang sandaling napatitig lang sa kaniya. "May kinalaman si Camille sa trauma mo? Kaya nagkaroon ka ng mysophobia? Kaya nagkakaroon ka ng panic attack kapag nadidikit ka sa ibang tao?"
Nakagat ni Janine ang ibabang labi at bahagyang tumango.
Tumiim ang mga labi ni Draco at umangat ang mga kamay na para bang gusto siyang hawakan pero napigilan ang sarili sa huling sandali. Sa halip ay kumuyom ang mga kamao nito at ipinatong ang mga iyon ng binata sa magkabilang hita nito. "Kahit kailan ay hindi mo nabanggit sa akin ang pinagmulan ng trauma mo. Hindi ako nagtanong dahil gusto kong ikaw ang kusang magsabi sa akin. Pero pagkatapos nang naging reaksiyon mo kanina, na kahit sa akin ay nangingilag ka? I can't wait anymore, Janine. Sabihin mo sa akin ang totoo. Hindi kita matutulungan ng husto kong hindi ko alam ang ugat ng trauma mo."
"Alam ko," mahinang usal niya. Uminit ang mga mata ni Janine kaya inalis niya ang tingin kay Draco at tumitig sa isang bahagi ng hotel suite. Muli ay gumitaw sa isip niya ang nakaraan. Pero sa pagkakataong iyon ay hindi niya pinalis sa isip niya ang alaala. "College tayo noon. Third year. Biyernes at ginabi ako ng uwi dahil gumawa kami ng school project. Wala noon sila daddy at mommy dahil may out of town outing sila kasama ang mga kaibigan nila," umpisa ni Janine. Mahina lamang ang tinig niya, halos pabulong. Subalit alam niya na malinaw siyang naririnig ni Draco kahit hindi niya ito tingnan. May nakapa siyang kirot sa puso niya subalit hinayaan niya ang sariling bumalik sa nakaraan. To the day her heart was utterly broken...
STAI LEGGENDO
Bachelor's Pad series book 6: Forbidden Lover (Draco Faustino)
Storie d'amoreMay slight case ng mysophobia si Janine. Clean-freak siya at ayaw na napapadikit sa ibang tao. Ang tingin ng mga tao sa paligid niya ay maarte lang siya at matapobre kaya ganoon siya umakto. Hanggang sa may makadiskubre na mas matindi ang kondisyon...