"OH MY GOD," bulalas ni Janine habang nakatitig sa blangkong screen ng cellphone niya kinabukasan. Lowbat pala siya. Masyadong maraming nangyari kahapon na hindi niya alam kung kailan namatay ang cellphone niya. Napabuntong hininga siya at napalingon sa malaking glass window sa silid. May liwanag nang nakasilip mula sa siwang ng kurtina. Namilog ang mga mata niya. Anong oras na?!
Mabilis na kumilos si Janine para umalis sa kama at magtungo sa banyo. Subalit napasinghap siya nang may brasong biglang pumaikot sa baywang niya at hinigit siya pabalik sa kama. "Saan ka pupunta?" paos at halatang kagigising lamang na tanong ni Draco. Isinubsob pa nito ang mukha sa lower back niya at hinalikan siya doon.
Agad kumalat ang masarap na init sa buo niyang katawan subalit hinamig ni Janine ang sarili. Nilingon niya si Draco at hinaplos ang buhok nito. "Kailangan ko na maligo at magbihis. Umaga na. I need to go to the office."
Sandaling humigpit ang yakap ng binata sa kaniya bago ito dumilat at bumangon. Napasinghap siya nang mariin siya nitong halikan sa mga labi bago siya tuluyang pinakawalan. "Alam kong mahalaga sa iyo ang trabaho. Sige na, maligo ka na."
Napangiti si Janine. "Thank you." Pagkatapos ay mabilis niyang hinalikan sa pisngi si Draco bago tuluyang bumangon. Kipkip niya sa katawan ang comforter para pantakip sa kaniyang kahubdan. Napasinghap siya nang mapagtanto na nanginginig ang mga tuhod niya at para siyang nanlalambot. Muntik na siyang matumba.
"Mag-iingat ka. You used a lot of muscles you never used before. Siguradong nanlalambot pa ang mga tuhod mo," amused na komento ni Draco mula sa kama.
Uminit ang mukha ni Janine at naniningkit ang mga mata na tinapunan ng tingin ang binata. Tumawa lang ito at muling humiga sa kama na nakaunan sa mga braso. Dahil kinuha niya ang buong comforter ay wala nang nakatakip sa katawan ni Draco. Ang una niyang napansin ay ang mga tattoo sa katawan nito. Kagabi, o mas tamang sabihing kaninang madaling araw, just after they made love again, habang pinaparaan niya ang kaniyang mga daliri sa bawat tattoo ay tinanong niya ito kung may ibig sabihin ba ang mga iyon.
"The tree means my connection to my roots. Ang ibig sabihin ay sa pamilya ko. It also means strength, survival and resilience."
"At ito?" tanong ni Janine na hinaplos ang tattoo sa dibdib ni Draco. "Fingerprint ba ito?"
Hinaplos ng binata ang baba niya at tiningala siya para magkasalubong ang kanilang mga mata. "Yes. Fingerprint. Ang ibig sabihin ay may espesyal na tao na tumatak sa buhay ko at palagi kong dala sa puso ko. It's a tribute to the person who touched me. To the person that I really love."
Umawang ang mga labi ni Janine at uminit ang kaniyang mga mata. Kinailangan niyang yumuko para hamigin ang sarili dahil baka umiyak na naman siya. Lately ay palaging parang nais niyang umiyak. Kahit hindi naman talaga siya iyakin. Itinutok niya ang tingin sa compass na nakaguhit sa tagiliran ni Draco. "At ito?" tanong na lang niya kasabay ng paghaplos sa tattoo.
"Lucky charm. To find my way home. Tingnan mo nga, looks like it led me to you," sagot ni Draco. Napatingala siya rito at nakitang nakangiti na ito. And then he kissed her...
Nawala sa isip ni Janine ang pagmamadali dahil kusang naglakbay ang kaniyang tingin sa katawan ng binata. Mula sa dibdib, pababa sa abs, pababa pa sa bahaging iyon ng katawan nito na kagabi lamang ay –
"Akala ko ba nagmamadali ka?" amused na tanong ni Draco dahilan kaya umangat uli sa mukha nito ang tingin niya. Nakangiti ito pero ang kislap sa mga mata nito ay may halong init. Nagliparan ang mga paru-paro sa sikmura niya nang maalala kung ilang beses niyang nakita ang init na iyon sa mga mata ni Draco at saan sila humantong pagkatapos. Nawala ang ngiti sa mga labi ni Draco at lalong naging intense ang titig nito sa kaniya. Na para bang may nakita ito sa kaniyang mga mata. "Janine. Kapag hindi ka pa naligo at nagbihis ay mananatili tayo buong maghapon dito," malumanay at mababa ang tinig na banta ni Draco.
Noon natauhan si Janine. Marahas siyang tumalikod at naglakad patungo sa banyo. Akala niya ay maririnig niya ang tawa ni Draco pero hindi iyon nangyari. Sa halip ay marahas na pagbuga ng hangin ang narinig niya mula sa binata bago siya tuluyang nakapasok sa banyo.
Pagkatapos niya maligo at nagpupunas na ng katawan ay saka lamang niya napagtanto na wala siyang maisusuot kung hindi ang jeans at blouse na hinubad niya kagabi. Not her usual office attire. Pero wala siyang oras para umuwi pa. Napabuntong hininga na lamang si Janine at lumabas ng banyo. Natigilan siya nang makitang wala na sa silid si Draco. Ang mga damit naman niya ay maayos na nakatupi sa ibabaw ng kama. May note iyong kasama.
In the next room. Shower. Get dressed and relax. It's only six in the morning. I love you. Iyon ang nakasulat sa note. Umangat ang mga kilay ni Janine kahit hindi niya naiwasan ang mapangiti. Hindi niya inaasahan na si Draco pala ang tipong nag-iiwan ng note. Maingat niyang inilapag ang note sa kama at nagsimulang magbihis. Pagkatapos ay isinuksok niya sa bulsa ang note.
Nagpupunas pa rin siya ng buhok nang lumabas siya ng silid. Nakita niyang nakalapag sa sofa ang shoulder bag niya na kung tama siya ng pagkakatanda ay nabagsak niya sa sahig kagabi. Mukhang maging iyon ay inayos din ni Draco. Nakangiti tuloy na napasulyap siya sa nakabukas na pinto ng isa pang silid sa hotel suite na iyon. Sa kinatatayuan niya ay bahagya pa niyang naririnig ang tunog ng shower.
Nakapagsuklay na si Janine at nakapag-apply ng manipis na make-up nang lumabas sa silid si Draco. Nakabihis na ito at bagong paligo. Ngumiti ang binata at lumapit sa kaniya. "Ready ka na bumaba sa opisina mo?"
Ngumiti si Janine at tumango. Pagkatapos ay tumayo siya at pabirong inangat ang mga kilay. "Nag-iwan ka pa ng note puwede mo naman akong katukin sa banyo kanina," buska niya.
Ngumisi si Draco at pinaikot ang braso sa kaniyang baywang. "Just trying to be sweet."
Natawa si Janine at napailing. "Sige na. Bababa na ako sa opisina ko habang maaga pa."
Ginagap ng binata ang kaniyang kamay at hinigit siya patungo sa pinto. "Ihahatid na kita doon." Napangiti siya at hindi na lamang nagreklamo.
Wala pa ang sekretarya niya nang dumating sila sa opisina niya. Pagkapinid pa lamang ng pinto at nasa outer office pa lamang sila ay napasinghap si Janine nang higitin siya payakap ni Draco. "Bakit?" gulat na tanong niya.
Humigpit ang yakap sa kaniya ng binata at hinalikan ang tuktok ng ulo niya. Hindi man niya nakikita ang mukha nito ay naramdaman naman ni Janine na sumeryoso si Draco. "Sabihin na natin sa mga magulang natin ang tungkol sa atin ngayong araw."
Natigilan siya at tiningala ito. Lumuwag ang pagkakayakap nito sa kaniya subalit hindi tuluyang bumitaw. Seryoso at determinado ang kislap sa mga mata ni Draco nang magtama ang kanilang mga tingin. Napalunok si Janine at sumikdo ang kaniyang puso. May naramdaman siyang kaunting takot pero alam niya na tama ang binata. Kailangan na nilang sabihin ang totoo. Sa pagkakataong iyon ay hindi siya magpapadala sa takot. "Okay. Sasabihin na natin sa kanila," determinadong sagot niya.
Masuyong ngumiti si Draco. Umangat ang kamay nito at hinaplos ang kaniyang pisngi. "Magiging okay ang lahat," bulong ng binata at ikinulong ang kaniyang mukha sa magkabilang palad nito.
Gumanti ng ngiti si Janine at tumango. "We will," bulong din niya.
Bumaba ang mukha ni Draco at hinalikan siya sa mga labi. Magaan lamang iyon at masuyo. Napapikit si Janine dahil nadama niya sa halik na iyon ang pagmamahal nito para sa kaniya. Gumanti siya ng halik para ipadama din sa binata ang damdamin niya para dito. Sandali pa ay natuon na lamang sa sandaling iyon ang kanilang atensiyon. Kaya gulat na naghiwalay sila nang biglang bumukas ang pinto ng outer office ni Janine.
"Anong ginagawa ninyong dalawa?!"
Nanlaki ang mga mata ni Janine nang marinig ang hilakbot na tinig na iyon. Para siyang sinipa sa sikmura nang mapalingon siya sa pinto at makitang si mommy Diana ang nagsalita. Nanlalaki ang mga mata nito at maputla habang nakatingin sa kanila ni Draco. At hindi nag-iisa ang may-edad na babae na nakatayo sa pinto. Katabi nito ang kaniyang ama na maputla ang mukha habang nakatingin sa kanila. At si Almira na nakangiwi.
Naramdaman ni Janine na inalis ni Draco ang pagkakayakap sa kaniya subalit ginagap naman ang kamay niya at mariin iyong pinisil. Napatingala siya sa binata at nakita niya ang determinasyon sa mukha nito habang nakatingin sa tatlong bagong dating.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 6: Forbidden Lover (Draco Faustino)
RomanceMay slight case ng mysophobia si Janine. Clean-freak siya at ayaw na napapadikit sa ibang tao. Ang tingin ng mga tao sa paligid niya ay maarte lang siya at matapobre kaya ganoon siya umakto. Hanggang sa may makadiskubre na mas matindi ang kondisyon...