CHAPTER SIX- Betrayal

3.9K 166 25
                                    

UPANG walang bisita na makakita kay Cindy ay sa likod siya dumaan palabas ng bahay. Nagtago siya sa gilid ng bahay kung saan walang tao na nagpupunta. Lahat ng bisita ay nakaharap sa mini stage na pinagawa nina Regina. Naroon si Brittany at katabi nito ang ina. May hawak na microphone si Brittany. Tamang-tama lang pala ang pagsilip niya dahil mukhang ipapakilala na ni Brittany ang mapapangasawa nito.

Sino naman kaya ang tangang lalaking pumatol kay Brittany? Malas lang niya! Natatawang bulong niya.

Inabot ni Brittany ang microphone kay Regina at nagsalita na ang huli. “Good evening sa inyong lahat!” panimula nito. “Gusto ko kayong pasalamatan dahil pinaunlakan ninyo ang aking imbitasyon na magpunta dito para sa isang kasiyahan. Alam ko, nagtataka kayo kung bakit ako nagdaos ng ganitong party samantalang kakamatay lamang ng aking asawang si Amado…” Nag-crack ang boses ni Regina na parang maiiyak ito.

At umiyak na nga ito. To the rescue naman si Brittany. Niyakap nito ang ina at hinaplos-haplos ang likuran.

“Ang husay talagang umarte…” mahinang sabi ni Cindy.

Nang mahimasmasan na si Regina ay ipinagpatuloy na nito ang pagsasalita. “Pasensiya na. H-hindi ko lang talaga mapigilan ang aking emosyon kapag naaalala ko ang mahal kong si Amado. Hanggang ngayon kasi ay nagluluksa pa rin ako at hindi ko pa rin matanggap na wala na siya. Iyon na nga, ang kasiyahan na ito ay ginawa ko upang masabi ko sa inyo na sa akin ipinagkatiwala ni Amado ang kaniyang negosyo. Gusto ko kayong makilala upang matulungan ninyo ako sa pagpapatakbo niyon… sa ngalan ng aking namayapang si Amado!” At pinalakpakan naman ito ng mga tao na naroon.

Ngumiti ng malaki si Regina. Itinaas nito ang isang kamay at huminto naman ang palakpakan. “Salamat sa inyo. At bago matapos ang party na ito, hayaan ninyong magsalita ang aking anak na si Brittany. May mahalaga siyang sasabihin sa ating lahat!” Excited na inabot nito ang microphone sa anak.

“Thank you, mommy…”

Mommy? At talagang binago na nito ang tawag sa nanay nito. Talagang nagfi-feeling legit na mayaman na ang dalawang bruha. Parang gusto niya tuloy na lumabas sa pinagtataguan at pag-umpugin ang mag-inang iyon. Kung hindi lang talaga siya nahihiya na makita ng mga tao na nakasuot ng uniform ng kasambahay ay kanina pa niya iyon ginawa.

Pero ito na ang hinihintay niya. Magsasalita na si Brittany!

“Hello everyone! My name is Brittany. The stepdaughter of Amado Locsin. Nandito po ako para imbitahin kayong lahat sa nalalapit kong kasal next month. At gusto ko rin na ipakilala sa inyo ang lalaking magiging kabiyak ng aking puso... Erwan Prince!” Isang masigabong palakpakan ang umugong matapos ng pagsasalita ni Brittany.

Tigalgal si Cindy sa pangalang binanggit ni Brittany na mapapangasawa nito. Hindi siya bingi at tama ang narinig niyang pangalan. Erwan Prince. Si Erwan na boyfriend niya ba ang tinutukoy ni Brittany? Mariin na umiling si Cindy. Hindi iyon maaari. Marahil ay kapangalan lamang iyon ni Erwan. Isa pa, bakit naman papakasalan ni Erwan ang stepsister niya, e, hindi naman magkasintahan ang dalawa. Siya ang girlfriend ni Erwan kaya kung may papakasalan man ito, walang iba kundi siya lang. Saka sila ang magpapakasal ni Erwan upang makuha na niya ang pera niya na gagamitin nila sa pagsisimula ng bagong buhay!

Huminga nang malalim si Cindy. “Hindi. Hindi iyon si Erwan. Hindi…” pilit niyang pinakakalma ang sarili sa pamamagitan ng pagkumbinse sa sarili na hindi si Erwan niya ang tinutukoy ni Brittany.

Ngunit gumuho na ng tuluyan ang mundo ni Cindy nang umakyat na sa mini stage ang lalaking tinutukoy ni Brittany na mapapangasawa nito. Makailang beses pa niyang kinusot ang mga mata at baka kasi namamalikmata lang siya pero hindi. Si Erwan talaga na boyfriend niya ang nakikita niya!

In Her ShoesWhere stories live. Discover now