CHAPTER SEVEN- Just Got Killed

4.2K 171 29
                                    

PATULOY lang si Cindy sa palihim na pagkuha ng video ng ginagawa nina Regina at Dr. Kevin kahit na gusto na niyang lumabas kanina pa sa pinagtataguan at sugurin ang dalawa. Napakawalang utang na loob ng mga ito sa kaniyang daddy. Sa pagkakaalam niya ay ang daddy niya ang nagpaaral kay Dr. Kevin hanggang sa maging isang ganap itong doktor. Kapatid kasi ito ng kaibigan ng daddy niya. Tapos itong si Regina naman ay minahal ng daddy niya sa kabila ng malaking agwat ng kanilang pamumuhay. Inahon ito ng ama niya sa putikan. Tapos ganoon lang ang ginawa ng dalawa sa daddy niya! Hinding-hindi niya mapapatawad ang mga ito! Pagbabayarin niya ang dalawa sa kasalanan nito sa kaniyang ama!

Hinubaran na ng dalawa ang isa’t isa at nagtalik na ang dalawa sa ibabaw ng kama. Galit, poot at pandidiri. Iyan ang mga nararamdaman ngayon ni Cindy. Ang kakapal din talaga ng mukha ng mga ito dahil sa dating kama pa talaga ng daddy niya ginagawa ng mga ito ang kababuyang iyon.

Patuloy lang ang pagvi-video ni Cindy hanggang sa matapos na ang dalawa. Si-nave na niya ang nakuhaang video sa kaniyang cellphone. Iyon ang gagamitin niyang ebidensiya laban sa dalawa. Nakuhaan kasi niya ang pag-uusap ng mga ito tungkol sa pagpatay sa daddy niya. Ang kailangan lang niyang gawin ay huwag magpahuli sa mga ito. Sa tingin naman niya ay hindi nahahalata ng dalawa na naroon siya sa likod ng makapal na kurtina. Magkayap lang ang dalawa at tila nakatulog na.

Medyo masakit na ang paa ni Cindy. Matagal-tagal na rin kasi siyang nakatayo doon at hindi gumagalaw. Pero kailangan niyang magtiis. Lalabas din naman siguro ang dalawa at kapag wala na ang mga ito ay saka siya aalis. Didiretso agad siya sa mga pulis para ipakita ang nakuhang ebidensiya.

Daddy, don’t worry… Babawi ako sa iyo. Bibigyan ko ng justice ang pagkamatay mo. I promise… piping sabi ni Cindy.

Matapos ang mahigit kalahating oras ay nagising na sina Regina at Dr. Kevin. Bumaba na ang mga ito sa kama at kinuha ang mga damit na nasa sahig. Sabay na nagbihis ang dalawa.

“Bakit nga pala hindi mo pa pinaalis dito si Cindy? Pwede mo namang gawin iyon, 'di ba? Sa iyo na nag bahay na ito,” ani Dr. Kevin pagkatapos magbihis.

Nagtungo si Regina sa harapan ng salamin at nagsuklay ng nagulong buhok. “Gagawin ko din iyan kapag nagsawa na ako sa pagpapahirap sa kaniya. Sa ngayon kasi ay gumaganti pa ako sa pagmamaldita niya sa amin noon ni Brittany. Deserved naman niya ang mahirapan dahil demonyita siya!” sagot ni Regina.

Nilapitan ni Dr. Kevin si Regina at hinalikan ito sa batok. Nakikiliting humagikhik si Regina.

“Sana naman kapag kasal na tayo at dito na ako nakatira ay wala na si Cindy dito. Para naman good vibes lang. Nakakatakot kasi ang batang iyon. Parang palaging may gagawing hindi maganda!”

“Tama ka. Iyong paraan niya ng pagtingin na para bang isa talaga siyang demonyo, nakakakilabot. Pero hindi naman siya umubra sa akin. Mas demonyo ako sa kaniya.” Humarap na si Regina sa doktor pagkatapos nitong magsuklay. “Don’t worry, bago pa tayo ikasal ay papalayasin ko na ang babaeng iyon. Manggugulo lang kasi siya, panigurado. Masyado kasing bitter 'yon!”

“Thank you, Regina… Uuwi na pala ako. Baka magtaka na ang mga kasama mo dito sa bahay kung bakit ang tagal na natin dito sa loob.”

“Hayaan mo nga sila, ang alam naman nila ay nagpapa-therapy lang ako sa iyo.”

“Sex therapy kamo!” biro ni Dr. Kevin at naghalikan na naman ang dalawa na para bang walang bukas.

Matapos iyon ay naglakad na ang dalawa palabas. Sa pagkakataon na iyon ay medyo nakahinga na si Cindy ng maayos. Mabuti na lang talaga at hindi siya nahuli ng mga ito. Ngayon ay hindi siya nagsisisi na sa likod ng kurtina siya nagtago.

Ngunit nang malapit na sina Regina sa pinto ay bigla namang tumunog ang cellphone niya! Dahil doon ay labis siyang nataranta. Pagtingin niya doon ay tumatawag pala si Margot. Ang tanga naman niya! Nakalimutan niyang ilagay sa silent mode ang kaniyang cellphone. Sa labis na pagkataranta ni Cindy at hindi niya malaman kung paano papahintuin ang pagtunog niyon ay dumulas ang cellphone niya sa sahig.


In Her ShoesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon