Chapter 16: Luha't Dugo

838 84 11
                                    

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.


Ang natitirang liwanag ay dahan-dahang naglalaho na sa langit. Isang araw na naman ang lilipas para pagbigyan ang pagdating ng panibago. Sa squatter's area, ang arawang ritual ng mga nakatira ay sakto sa oras. Nguni't, sa partikular na araw na ito, may pahabol na anunsiyong baon sa kanilang hapunan.

May nagdaraang van ng barangay. Sa gilid ng sasakyan nakasabit ang banner ng isang kandidato. Sa taas sa bubungan, umaalingawngaw ang boses ng babae mula sa speakers.

"Libreng bakuna para sa mga sanggol hanggang anim na taong gulang. Sumadya lamang sa health center bukas dala ang birth certificate ng inyong anak. Hatid ito ng kagalang-galang na kagawad Popoy Melchor."

Dinig ang boses na ito hanggang walong kanto. May mga naglabasan ng bahay at may mga nagsitigilan sa paglalakad upang panoorin ang pagdaan ng van. Kasama sina Boyet at Lolo Ando na nakatayong nakatingin.

"Malapit na naman ang eleksyon," sabi ni Lolo Ando.

Nang makalampas ang van ay nagpatuloy sila sa paglalakad.

"'Lo, bukas sa iba naman tayo ha," sabi ni Boyet.

"Basta ikaw. Kahit anong gusto mo," sabi naman ng matanda.

"At manood uli tayo ng sine."

Ngumiti si Lolo Ando.

"Kung 'yun ang gusto mo."

Sa kahabaan ng malubak na kalye, nagkalat ang mga asong ligaw, naghahabulan at akala mo'y nagaaway ay naglalaro lang pala. May asong umiihi, mayroon namang dumudumi. May isang sinasampahan ang isa. Malapit roon ay nakita ni Boyet ang isang matandang lalaki na nakaupo sa duyan karga-karga ang maliit na sanggol na kanyang pinapatulog. Hindi maalis ni Boyet ang tingin sa mga ito hanggang sa kanilang malampasan at hindi napigilang sabihin kay Lolo Ando:

"Sana tutoo ko na lang kayong lolo."

Napatingin si Lolo Ando. May pumukol sa kanyang damdamin.

"Para sa inyo na lang ako titira," patuloy ni Boyet. "Pwede n'yo bang gamitin 'yung pera para ampunin ako?"

Nagulat si Ando.

"Alam mo, h-hindi ko naisip 'yan ha," aniya.

"Bakit, 'Lo? Pwede ba 'yun?"

"Maaari."

"Kung ganon, ampunin n'yo na lang ako!"

"Hindi ganon kadali, Boyet," paliwanag ni Lolo Ando. "Unang-una, maraming magtatanong kung sa'n ko nakuha ang pera. Pangalawa, siguradong hindi papayag si Bert at mga kapatid mo."

Ang PeraWhere stories live. Discover now