Part 9

12.4K 344 3
                                    

Dreams and Affection

KATATAPOS lamang ng piano lesson nina Ted at Eve at kasalukuyan itong kinakausap ng tutor nila. Nauhaw si Ted kaya lumabas siya ng music room upang magtungo sa kusina. Nang makarating siya roon ay nakita niyang may sinisilip sa backdoor si Nanay Ida at ang cook.

Napakunot-noo siya. "What's going on?" nagtatakang tanong niya sa mga ito.

Agad na lumingon ang mga ito sa kanya. Lalo siyang nagtaka nang makita ang concern sa mukha ng mga ito.

"Ted, mabuti at nandito ka," bulong ni Nanay Ida. Sinenyasan siya nitong lumapit.

Tahimik na lumapit siya sa mga ito. Nang malapit na siya sa backdoor ay nanlaki ang mga mata niya sa narinig niyang mahinang tunog mula sa labas.

May umiiyak.

"Si Anje 'yon, ah," agad na sabi niya. Labin-dalawang taong gulang na si Anje.

Kumabog ang dibdib ni Ted sa pagkataranta. He suddenly felt a strong sense of protectiveness. Bakit ito umiiyak? Ano ang nangyari dito? Tatakbuhin na sana niya si Anje palabas nang pigilan siya ni Nanay Ida sa braso. Napatingin siya rito.

"Baka marinig ka nina Madame. Sinabihan niya kami na huwag lapitan si Anje at pabayaang magmukmok para daw tumimo sa isip niya ang gustong mangyari ni Madame," bulong nito sa kanya.

Lalo lang kumunot ang noo niya. "Ano ba'ng nangyari?"

Napatingin siya sa backdoor at kating-kating lumabas upang tingnan si Anje.

"Narinig ni Madame na nagpapatugtog ng CD si Anje. Iyong maingay ang tunog. Nagalit si Madame dahil sinasayang daw ni Anje ang allowance niya sa pagbili ng mga walang kuwentang bagay. Eh, sumagot si Anje. Ipinagtanggol niya 'yong pinapatugtog niya, 'tapos ang sabi pa niya, titigil na raw siyang mag-piano at nagpapabili ng keyboard dahil iyon daw ang ginagamit sa rock band na gaya ng pinakikinggan niya. Nagalit si madame. Hayun, itinapon ang mga CD ni Anje at ipinasunog sa hardinero," pagkukuwento ni Nanay Ida.

Huminga si Ted nang malalim at malalaki ang mga hakbang na lumabas siya sa backdoor. Parang piniga ang puso niya nang makita ito. Nasa harap ito ng trash bin kung saan may apoy pa ring nakasindi. Nakatalungko ito at umiiyak habang titig na titig sa apoy. Maingat na lumapit siya rito.

"Anje?" tawag ni Ted dito nang makalapit siya rito.

Tumingala si Anje sa kanya. At tila may sumuntok sa sikmura niya nang makitang may hinanakit na kumikislap sa mga mata nito. "I hate Mama," garalgal ang tinig na sabi nito.

Lumuhod siya sa harap nito at hinaplos ang buhok ni Anje. "Hush, don't say that, brat," masuyong usal niya.

Humikbi ito. "She burned my CDs," pagsusumbong nito sa kanya.

Pinahid niya ang mga pisngi nito na basa ng mga luha. "Ibibili uli kita. Stop crying," pag-aalo niya rito.

"She will only burn those again for sure. Hindi niya ako naiintindihan. I love rock and pop more than classical. I want to play that kind of music. Ayoko nang mag-piano. Hindi naman ako ganoon kagaling magbasa ng notation na masyadong komplikado at mahaba," paghihimutok nito.

"Hindi 'yan totoo," wika niya rito.

Marahas itong umiling at biglang tumayo. Napatingala siya rito. Marahas nitong pinunasan ang mukha nito. "Alam ko hindi ko magagawang sumunod sa pangalang ginawa na nila papa at mama sa classical music. So, I will make my own name. Balang-araw, magiging miyembro ako ng pinakasikat at pinakamagaling na banda sa buong mundo. I will compose songs that will be heard my billions of people all over the world!"

Napatitig si Ted rito. Nakita niya ang determinasyon sa mukha ni Anje. Lalo na nang yukuin siya nito at magtama ang mga mata nila. "You'll see, Ted, I will be famous!"

Napangiti siya at tumayo. Pagkatapos ay ginulo ang buhok nito. Tumili ito at tumawa siya.

"I'm sure you will," wika niya.

Tiningala siya nito at ngumiti nang matamis. Napagtanto niya na iyon ang unang pagkakataon na hindi nauwi sa bangayan ang pag-uusap nila. So he smiled back at her.

WILDFLOWERS series book 3: First Love's TouchWhere stories live. Discover now