Part 12

14.4K 366 21
                                    

ISANG oras pa lang si Anje sa party ni Lianne Martinez ay gusto na niyang mag-walk out. Oo nga at sumang-ayon ang kanyang ama na siya ang pipili ng mapapangasawa niya. Ngunit halos ihilera na nito at ng mama niya sa kanya ang lahat ng single na lalaki sa party na iyon. Ang kaso, hindi niya alam kung paano kakausapin ang mga ito dahil wala siyang pagkakapareho sa mga ito. Ni hindi siya kilala ng mga ito at kagaya ng mama niya ay skeptical ang mga ito tuwing nalalaman ng mga ito na miyembro siya ng isang banda. And that was the biggest turnoff of all.

At dahil naiinip siya sa mga lalaking kausap niya kaya hindi niya maiwasang hanapin ang tanging lalaking nakakaagaw lagi ng interes niya. Which was the worst thing to do. Dahil hindi ito nawawala sa tabi ni Lianne na ngayon ay nakikipag-usap sa tatlo pang mga babae na kumikislap ang mga mata habang nakatingala kay Ted.

Nanikip ang lalamunan niya at ilang beses na kumurap bago inalis ang tingin sa mga ito.

How could her mother be so cruel? Kung gusto nitong ipareha si Ted sa ibang babae, sana ginawa na nito noong wala pa siya. Para hindi niya kailangang masaksihan kung paano igawad ni Ted ang napakagandang ngiti nito sa ibang babae. Hindi sana siya nasasaktan nang ganoon.

Pasimpleng huminga nang malalim si Anje. Nang muli siyang sumulyap lampas sa balikat ng lalaking kasalukuyan niyang kausap ay napansin niya ang nakabukas na French doors ng mansiyon ng mga Martinez. Bigla ay parang gusto niyang lumabas. Kailangan niya ng sariwang hangin. Kaya pasimple siyang nagpaalam sa kausap niya at mabilis na nagtungo sa direksiyon ng French doors.

At least sa labas, hindi niya makikita sa piling ng ibang babae si Ted.

NAPADPAD si Anje sa pool area ng bahay ng mga Martinez nang lumabas siya ng French doors. Huminga siya nang malalim saka pumikit. Madilim doon pero mas gusto na niya iyon kaysa sa loob. Mas gusto rin niya ang katahimikan doon. Kahit paano ay nakalma siya.

This is better.

Gaano katagal pa kaya sila mananatili roon bago sila umuwi? Hindi sa hindi siya sanay sa party. Sa Amerika ay palagi rin silang dumadalo sa kung ano-anong pagtitipon para sa publicity. Pero at least, sa Amerika, kabilang sila sa social circle doon. Nakaka-relate siya sa usapan. Hindi kagaya ngayon.

Ano ba ang alam niya sa kung ano ang nangyayari sa classical music scene sa Pilipinas at Europa? Wala. Ultimo ang katotohanang hindi na pala tumutugtog ang mga magulang niya at nagtuturo na lamang sa isang prestihiyosong music school sa Paris ay ngayong gabi lang niya nalaman.

Kasalanan niya na hindi siya nagtatanong. But still...

Napadilat si Anje nang makaramdam ng presensiya mula sa likuran niya. Hindi pa man siya lumilingon ay alam na niya kung sino iyon. Masyadong pamilyar sa kanya ang amoy at presensiya nito para hindi niya ito makilala.

"Ano'ng ginagawa mo rito sa labas?" tanong ni Ted.

Lumingon siya. Nakapamulsa ito. Lumapit ito sa kanya. Nang mapatingin siya sa mukha nito ay nabasa niya roon ang frustration na nararamdaman din niya. Halatang hindi rin ito natutuwa sa atensiyon ng mga babaeng nasa loob ng mansiyon. Somehow, that relieved her.

"Getting away from it all for a while. Ano ang ginagawa mo rito sa labas?" tanong din niya rito.

Huminto ito sa tabi niya at tumingin sa kadiliman. "Nakita kitang lumabas kaya sinundan kita. Akala ko, sumama ang pakiramdam mo or something," sagot nito.

Napamaang siya rito. Lumabas ito dahil nag-aalala ito sa kanya?

Niyuko siya nito at ngumiti nang matipid. "O baka naman tumatakas ka lang? Narinig ko na may program daw na patutugtugin sa stage ang mga bisita. Takot kang paakyatin ka sa stage ng mga magulang mo?" tanong nito.

WILDFLOWERS series book 3: First Love's TouchWhere stories live. Discover now