Part 14

13.3K 342 0
                                    


MASAKIT na masakit ang ulo ni Anje. Napaungol siya nang marinig niya ang katok sa pinto ng kuwarto niya. Pinilit niyang dumilat kahit na pakiramdam niya ay namamaga ang mga mata niya. Hindi pa rin tumitigil ang katok. Bumangon siya at wala sa sariling binuksan ang pinto kahit na napapapikit pa siya. Wala siyang ibang gustong gawin kundi ang pahintuin ang pagkatok na iyon na nagpapasakit sa ulo niya para makatulog uli siya.

"Anje, it's already—"

Bigla siyang nagising sa boses na iyon ni Ted. Tuluyan siyang napadilat at napatingala sa gulat na mukha nito. Nakaawang pa ang mga labi nito at napansin niyang hindi sa mukha niya ito nakatingin. Pagkatapos ay nakita niyang namula ang mukha nito.

Nagtatakang niyuko niya ang sarili. Isang malakas na tili ang pinawalan niya nang mapagtanto niyang naka-underwear lang siya!

Agad na nayakap niya ang sarili at nanlalaki ang mga matang napatingala kay Ted. Tumikhim ito at mabilis na nag-iwas ng tingin. Pagkatapos ay itinakip nito ang nakakuyom na kamay sa bibig nito. "Sorry. It seems like this is a bad time to call you. Mamaya na lang tayo mag-usap kapag okay ka na," sabi nito sa paos na tono, saka mabilis na tumalikod.

Sa sobrang pag-iinit ng mukha ni Anje ay ni hindi niya alam kung nakasagot ba siya rito. Wala pa rin sa sariling isinara niya ang pinto at napatulala.

Ano ba ang nangyari at naka-underwear lang siya?

Napatingin siya sa gown niyang nasa sahig pa rin at unti-unting bumalik sa isip niya ang nangyari kagabi. Sa halip na magbihis ay umiyak siya sa kama hanggang sa makatulog siya. At bakit ba siya nagbukas ng pinto nang hindi muna pinaglilinaw ang isip niya? Mahigpit pa namang bilin ni Rob sa kanila noon pa man na huwag basta-basta magbubukas ng pinto. Kahit pa sabihing nasa loob siya ng sarili nilang bahay. Nakita tuloy siya ni Ted na halos hubad at... namamaga ang mga mata.

Nanlalaki ang mga matang napatakbo siya sa banyo upang tingnan ang sarili. She groaned when she saw what a mess she was. Magulo ang buhok niya. Bukod sa namamaga ang mga mata niya mula sa pag-iyak ay kumalat din sa mukha niya ang makeup niya na nakalimutan niyang alisin kagabi. Kapag nalaman ng fashion and beauty consultant ng Wildflowers na natulog siyang ganoon ay masesermunan siya nito.

Bumaba ang tingin ni Anje sa katawan niya at lalo siyang napaungol nang makitang halos wala nang itago ang suot niyang lacy bra at thong. Iyon kasi ang isinuot niya para hindi bumakat sa long gown niya kagabi.

Ang hitsura niyang iyon ang nakita ni Ted. Pumikit siya nang mariin nang buong katawan na yata niya ang uminit sa sobrang pagkapahiya. Paano niya pa ito haharapin pagkatapos ng nangyari?

"I need to get away," wika niya. Napadilat siya. Tama. Aalis na siya. Tatawagan na lang niya ang mga magulang niya mamaya at sasabihing bigla siyang pinabalik ng manager niya sa hotel.

Pero teka, anong oras na ba?

Tumakbo siya pabalik sa bedside table niya kung nasaan ang cell phone niya. Alas-sais pa lang ng umaga. Tiyak na tulog pa ang mga magulang niya. Hindi na siya nagtakang gising na si Ted dahil early riser talaga ito kahit noong mga bata pa sila. Pero kung magiging maingat siya, hindi nito mapapansin ang pag-alis niya. Duwag na kung duwag pero hindi niya ito kayang makita pagkatapos ng nangyari.

"That's not good, Angelica. Kung hindi mo siya haharapin, hindi ka makaka-get over sa nararamdaman mo."

Napakurap siya nang biglang maalala ang tinig na iyon. Kumunot ang noo niya. Matagal na niya itong hindi naalala. Bakit kaya bigla itong sumagi sa isip niya?

"Brad, hindi ito ang oras para magparamdam ka," wika niya. Pagkatapos ay mabilis siyang nagpunta sa banyo at naligo.

Wala pang twenty minutes ay nakaalis na siya ng bahay nila. Tiyak na magtataka si Ted kapag nalaman nitong umalis siya nang hindi nagsasabi kahit pa alam niyang gising na ito. Pero saka na niya iyon iisipin. Hindi pa naman niya ito makakaharap. At least, as long as she can avoid him.

WILDFLOWERS series book 3: First Love's TouchWhere stories live. Discover now