Chapter 1

1.7K 33 7
                                    

Maingay ang mga batang naglalaro ng piko sa Pacheco Street. Sing ingay nila ang mga bumibili ng banana cue sa tapat ng dilaw na bahay. Pero tangay ng hangin ang usok ng barbecue sa kalapit na pwesto. Dikit-dikit ang mga kabahayan. Mababa ang mga kable ng kuryente na parang mga sapot ng gagamba.

May mga tambay sa kanto, naghihiyawan habang pinag-uusapan ang isang babaeng may iskandalo. Wala pang pang-itaas ang mga ito, at wala silang pakialam kung nakaluwa ang bilog nilang mga tiyan. Sabay-sabay na naghiyawan ang mga ito nang dumaan si Roel Trinidad.

"Roel, kanina ka pa hinahanap ni Kaloy!" sigaw ng isa sa mga tambay. Nilingon ito ni Roel na tumango lang.

"Magpapachupa na naman daw siya," sabat ng isa pa. Nagtawanan na naman ang mga gunggong.

"Hinuhuli ang mga tambay na walang pang-itaas ngayon kaya magdamit kayo," asik ni Roel na umirap bago ituloy ang paglalakad. Iniwasan niya ang mga naglalaro ng piko, nginitian ang mga nagtitinda ng banana cue.

"Kuya Roel," saad ng isang bata, "pahingi ng singko." Ngumiti ito sa kanya.

Agad namang dumukot ang binata sa kanyang bulsa at binigyan ng bente ang bata.

"Kuya Roel, pa'no naman ako?" Lumapit sa kanya ang isa pang bata.

"Teka." Muli siyang dumukot ng bente pesos at inabot ito sa bata. "O, hati-hati na lang kayo," saad niya nang lumapit ang iba pa. Nagpatuloy siya sa paglalakad.

Kupas na ang polong suot niya. Luma na rin ang pantalon. Maging ang sapatos niya ay marami ng lukot na hindi na kinaya ng pampakintab.

Tumigil siya sa tapat ng isang maliit na paupahang bahay. Kinuha niya ang susi sa bulsa at binuksan ang pintong lumangitngit sa pagtulak niya. Nadatnan niya si Kaloy na humihilik habang mahimbing na natutulog sa mabaho at lumang sopa. Wala itong pang-itaas. Nakapatong pa ang ulo nito sa mga kamay na nakaekis sa sandalan ng kamay sa stipa. Ang mga ilan sa mga daliri nito'y nakasundot pa sa butas na gawa ng punit sa balat ng lumang upuan.

Nang ilapag niya ang bag sa mesa, umilaw ang telepono ni Kaloy na katabi ang isang bote ng beer at upos ng sigarilyo. Nang mabasa ang mensahe, agad niyang ginising ang lalaki.

"Ano ba," ungol nito, "natutulog ako eh."

"Nagtutulak ka na naman?" madiing bulong ni Roel.

"Ngayon lang naman." Nagkamot ng ulo si Kaloy bago bumangon. "Kelangan ko ng pera eh."

"Magkano ba ang kelangan mo?" Tinabi ni Roel ang bote ng beer at tinapon ang mga upos ng sigarilyo.

"Bakit may pera ka ba?" pabagsak nitong tanong.

"Magkano nga!"

"Payb tawsan eh." Ngumibit ang nakainom at kinamot ang tagiliran. "May ekstrang limang libo ka ba diyan?" Muli itong nagsindi ng sigarilyo.

"Tigilan mo nga 'yang paninigarilyo. Alam mo namang may hika ako."

"Isang stick lang."

"Kaloy, di ba alam mo na na delikado 'yang pagtutulak. Di ba nag-usap na tayo na ititigil mo na 'yan?"

"Tsk..." Padabog na tinungo ni Kaloy ang kusina. "Ano'ng ipapadala ko sa pamilya ko, isang sobre ng bulbol?"

Hindi makasagot si Roel. Umupo na lang siya sa sopa at kinuha ang telepono sa kanyang bulsa. Lumabas siya ng bahay at nanatili sa tapat ng pinto habang hinihintay na sumagot ang tinatawagan. Mula sa kinatatayuan niya tanaw niya ang mga batang naglalaro, ang mga kumakain ng banana cue, at ang mga tinderang nagkukwentuhan.

"Bes," bati niya sa nasa kabilang linya, "may ekstrang datung ka ba diyan?"

"Hay nako, bes," sagot ng nasa kabilang linya na sing lamya rin ni Roel kung magsalita, "gipit din ako eh. Sa'n mo ba gagamitin, bes?"

Ang Bangkero (short story)Место, где живут истории. Откройте их для себя