Chapter 4

815 25 0
                                    

Nilalabanan ni Roel ang antok habang nasa loob ng dyip. Hindi niya alam kung kakain ba siya pagdating niya ng bahay o matutulog. Hindi na siya makahintay na makarating sa Pacheco.

Sa di inaasahang pagkakataon ay tahimik ang kalye. Habang kaswal siyang naglalakad pauwi, ang iilang nakakasalubong niya ay tila nagmamadali, bagay na pinagtakhan niya, ngunit hindi niya masyadong inisip. Napatigil siya nang kumalam ang sikmura. Hinimas niya ang tiyan at napalingon sa karinderia ni Aling Myrna na sarado pa rin. Dumaan siya sa tindahan upang bumili ng sardinas at isang kilo ng bigas. Barya na lang ang natira sa pera niya pagkatapos.

Isang katakatakang senaryo ang bumungad sa kanya nang malapit na siya sa bahay. May mga nagtakbuhan. May mga nagsisigawang pulis. Umaalingawngaw ang wangwang ng sasakyan ng mga ito habang nagkakagulo. Muling tumigil sa paglalakad si Roel.

"Huwag ka nang tumuloy."

Nilingon niya ang lalaking nasa likuran. Sinakluban siya ng kaba. Iyon ang lalaking sumusunod sa kanya.

"Halika." Naglakad ito papalapit sa kanya. "Dali!" Inabot nito ang kamay sa kanya.

Animo'y naging goma ang mga paa ni Roel. Naparalisa siya. Tila ba wala siyang magawa habang papalapit ang lalaki. "Huwag kang lalapit!" Naigalaw rin ng tulirong binata ang mga paa, at kumaripas siya ng takbo, hindi na pinansin ang natatapong bigas sa kalsada.

"'Yun!" sigaw mula sa di kalayuan na hindi pinansin ni Roel.

"Huwag kang kikilos!" sigaw ng isa pa.

Ginala ng takot na binata ang tingin sa paligid. Laking pagtataka niya nang makita ang tatlong pulis na ang mga baril ay nakatutok sa kanya. Nilingon niya ang lalaking sumusunod sa kanya. Wala na ito sa likuran niya. Mas nagtaka siya nang mapansing bukas ang pinto ng inuupahan niyang bahay. At mula rito ay lumabas ang isa pang pulis bitbit ang isang pakete na may lamang kulay puti.

"Itaas mo ang mga kamay mo!" Pinandilatan siya ng isa sa mga pulis na para bang nagngingitngit ito.

Dinig ni Roel ang hikbi ng kung sino sa mga kapitbahay niya. Ramdam niya ang namamayaning takot sa paligid. Walang mga tao sa labas ng kalye maliban sa kanya at sa mga pulis. Mabilis ang tibok ng kanyang puso bunga ng pagtakbo at ngayon ay kalituhan at takot. "Ano pong kasalanan ko?"

"Nasa listahan ka namin!"

"Listahan ng ano po?" Halos kainin ng lalamunan niya ang boses niya.

"Wala ng maraming tanong. Sumama ka sa amin!" Hinila siya ng dalawang pulis.

"Teka!" Pero ang pagpumiglas niya'y walang pinatunguhan. Wala siyang magawa nang matapon ang bigas na bitbit. Malalakas ang dalawang pulis, at walang pakialam ang mga ito habang siya'y kinakaladkad patungo sa kanilang kotse. "Alam ko ang mga karapatan ko! Hindi niyo ako pwedeng arestuhin nang walang warrant of--" Suntok sa tagiliran ang nagpatigil sa kanya. Tinulak siya ng mga pangahas papasok ng kotse.

"Huwag ka nang pumalag para di ka mahirapan!" bulyaw ng pulis na unang pumasok at umupo sa upuan sa harap. Agad ring pumasok ang kasama nito at nagsimulang magmaneho.

Nilingon ni Roel ang bahay. Naroon pa ang isang pulis kasama ang iilan pa na nilalagyan ng kordon ang lugar. Napaiyak siya habang minamasahe ang tagiliran. "Kailangan ko ng abogado. Mali itong ginagawa niyo."

"Tumahimik ka!" sigaw ng pulis na nasa passenger's seat.

"Hindi ka naman huhulihin kung wala kang ginawang masama," sabat pa ng pulis na nagmamaneho.

"Wala naman akong ginagawang masama." Pilit na kinalma ni Roel ang sarili.

"Bobo!" Tumawa ang nagmamaneho habang ang kasama ay may kinakausap sa radyo. "May natagpuang shabu sa bahay mo. Lagot ka ngayon."

"...areglado, bossing." Binalik ng isa ang radyo sa lalagyan nito, pagkatapos ay lumingon ito sa kanya. "Huwag ka mag-alala, sisikat ka na."

Gusto niyang sigawan ang mga ito, pero kailangang mangibabaw ang talas ng kanyang pag-iisip. Tinawagan niya ang abogadong kilala. "Hello, Bernie..." Pinutol ng hagulgol ang kanyang pagsasalita. "Hinuli ako ng mga pulis."

"Ha? Bakit?" sagot ng nasa kabilang linya.

"May nakuha raw silang shabu sa bahay..."

"Nasaan ka?"

"Papuntang presinto." Natigilan siya nang tumawa ang dalawang pulis.

"Tama na yan." Hinablot ng pulis ang kanyang telepono. Walang pag-aatubiling tinapon nito ang telepono sa labas.

Hindi makapaniwala si Roel. Nakita niyang nawasak ang telepono sa semento sa daan at nawala sa kanyang paningin nang magpatuloy sa pag-andar ang kotse. "Mga hayop kayo! Idedemanda ko kayo."

Hindi sumagot ang dalawa. Tumigil ang kotse sa kung saan. Ni hindi malaman ni Roel kung nasa anong kalye siya dahil sa pagkatuliro. Agad bumaba ang dalawang pulis, ang isa ay binuksan ang pinto. "Kakailanganin mo 'to." Kinuha nito ang kamay niya at pinahawak sa kanya ang isang lumang baril.

Tinangka niya itong bitawan nang tutukan siya ng baril ng pulis at hilahin palabas. Sinuntok siya nito sa batok nang magpumiglas siya. Umikot ang paningin ni Roel.

"Lakad."

Tila may umaalog sa kanyang ulo. Ginalaw niya ang mga kamay na parang may gustong kapitan sa ere dahil pakiramdam niya matutumba siya. Gumagalaw ang lupa. Umiikot ang paligid. Minasahe niya ang batok. Diniin niya ang mga daliri sa kanyang noo. "Nahihilo ako."

"Lakad!" Tinulak siya ng pulis, dahilan upang madapa siya.

Nilunod ng mga sigawan ng mga nagtatakbuhang residente papalayo ang daing ni Roel habang nakadiin ang kanyang mga daliri sa semento. Tumagaktak ang kanyang pawis. Tinangka niyang tumayo, ngunit ang pagkahilo at sakit ng tuhod ay muling nagpadapa sa kanya. Nasuka siya. Naiyak. Sa bawat pagdaan ng mga segundo mas sumasama ang pakiramdam niya dulot ng gutom, takot, at pangamba. Gusto niyang magising mula sa masamang panaginip.

Ngunit ang panaginip na ito ay totoo.

"Tayo!" Hinila ng pulis ang buhok ni Roel na basa na ng pawis.

"Saan niyo ako dadalhin?" Hindi niya alam kung magagalit o matatakot. "Alam ko hindi rito malapit ang presinto."

"Tumahimik ka na lang."

"Idedemanda ko kayo." Ginulantang siya ng isang putok.

"Takbo."

Pero hindi siya tumakbo. Lumingon siya sa mga ito. Tinapon niya ang pinahawak sa kanyang baril. Matalim ang titig niya sa kanila. "Kayo dapat ang nagtatanggol sa mga inaapi, pero ano 'tong ginagawa ninyo?"

Ngisi ang sinukli ng dalawa. "May nakuhang shabu sa bahay mo," saad ng isa na nakahawak na sa baril nito.

"Hindi akin yun. Hindi ako gumagamit o naglalako. Marangal akong nagtatrabaho--" Tumama ang pangalawang putok ng baril sa braso niya. Hindi siya makapaniwala.

"Sumunod ka na lang!" sigaw ng isang ale mula sa kung saan.

Inipit ng takot ang lalamunan ni Roel. Diniin niya ang kamay sa sugat sa braso na namamanhid sa labis na sakit. Napaiyak siya. Tila ba ay batid niya ang kahihinatnan. "Papatayin niyo rin ba ako tulad ng ginawa niyo sa iba?"

Putok ng baril ang sagot ng pulis sa kanya. Nawala na ang ngisi sa mukha ng mga balakyot. Ang isa sa mga ito ay palingon-lingon sa paligid habang ang kasama nito ay nakatitig sa kanya. Si Roel nama'y paika-ikang umatras. Mainit ang dugong tumatagas mula sa sugat sa kanyang hita. Gusto niyang umiyak dahil sa takot, pero hindi niya magawa. Sinasabi ng instinto niya na lumayo.

"Tulong!"

Walang tumugon sa sigaw niya. Walang mga tao sa kalsada. Tila tahimik na nanonood ang mga takot na ususero sa likod ng mga kurtinang iyon, sa mga bintanang bahagyang nakabukas.

"Itumba mo na bago may dumating."

Iyon ang mga salitang huling rumehistro sa kanya bago dumilim ang lahat at mawala ang kanyang pakiramdam. At mawala ang kanyang kamalayan. Ni hindi na niya narinig ang putok ng baril.

Ang Bangkero (short story)Where stories live. Discover now