Chapter 6

706 20 3
                                    

Walang nagbago sa Pacheco. Ganoon pa rin kalye. Matao. May mga batang naglalaro. Langhap na naman ni Roel ang magkahalong usok ng barbecue at banana cue. Nagtakbuhan ang mga batang naglalaro ng tagu-taguan. Dudukot sana siya ng mga barya sa bulsa niya para ibigay sa mga ito. Nadismaya siya nang maalalang wala nga pala siyang pera. Hindi siya sinipulan o kinutya ng mga tambay na kunwari ay tinatago pa ang mga sigarilyo sa kanilang mga likuran.

Bumagsak ang mga balikat niya nang madatnan ang bahay. Punit-punit na ang kordong gawa ng mga pulis na humuli sa kanya. Bukas ang pinto. Basag din ang bintana sa inuupahang bahay. Tumulo ang luha niya habang papasok sa loob. Tumambad sa kanya ang mga kalat na hindi niya alam kung bunga ng pagsaliksik ng mga pulis sa bahay o bunga ng pananamantala ng mga magnanakaw habang wala siya. Bumagsak ang pwet niya sa lumang sopa, at doo'y humagulgol siya. Hindi siya makapaniwalang nangyayari ang mga bagay na iyon sa kanya.

Pinulot niya ang larawang basag ang salamin. Dumulas ang kanyang mga daliri sa matalas na biyak ng salamin. Nilagay niya ang nasirang picture frame sa ibabaw ng mesang tinayo niya mula sa pagkakatumba. Dahan-dahan siyang tumayo. Singbigat ng bakal ang kanyang katawan habang naglalakad patungo sa kanyang kwarto. Naroon ang kanyang higaan sa tabi ng bukas na lumang aparador. May iilang damit na naiwan. Ang ilan ay nakakalat sa loob ng silid na para bang kusang tinapon kung saan-saan ng mga taong humalungkat sa kanyang mga kakarampot na pag-aari.

Humiga siya sa magulong kama. Nakatitig siya sa kisame. Dumidilim na ang paligid, subalit ayaw niyang buksan ang ilaw. Ayaw niyang malaman ng mga kapitbahay na nakabalik na siya. Ilang beses kumurap ang mga matang pagal. Hindi kinubli ng kadiliman ang lamlam ng kaibuturan ng kanyang kaluluwa. Ilang sandali pa'y tinangay siya ng labis na antok mula sa malupit na pighati.

***

"Wala naman tayong makukuha dito eh," bulong ng lalaking sa timbre ng boses ay tila nagbibinata.

"Dali na, lang kwenta 'to," sabat pa ng isa na mas mababa ang boses.

"Sayang din 'tong ibang mga damit dito."

Ginising siya ng mga kaluskos, mga ingay mula sa mga hindi inaasahang panauhin. Nagulat siya nang maaninagan ang mga binatilyong tila nasa dose o trese anyos na hinahalungkat ang kanyang aparador. Sa galit at pagkabigla ay nasigawan niya ang mga ito. "Mga bwisit kayo!"

Bumalikwas si Roel at inagaw ang mga damit na hawak ng mga ito. "Nasaan ang mga magulang niyo?"

Halatang gulat ang mga magnanakaw na nagtinginan bago kumaripas ng takbo't iniwan si Roel na nagngingitngit. Umupo ang tulirong binata sa gilid ng kama. Hindi na siya nakatulog. Wala siyang ginawa kundi humiga, dumilat, titigan ang kisame, tanungin ang sarili, kausapin ang Diyos, bumalikwas, umupo sa gilid ng kama, humigang muli nang nakadilat hanggang sa mapagtanto niyang kailangang ituloy ang buhay.

Naligo siya. Nag-ayos. Kasabay ng pagputok ng sikat ng araw ang kanyang paglabas ng bahay. Di niya alintana ang pagkalam ng sikmura.

Tinungo niya ang pinakamalapit na himpilan ng pulisya upang sana'y linisin ang kanyang pangalan at ipagbigay-alam sa kinauukulan ang nangyaring hindi makataong pagdakip sa kanya ilang araw na ang nakalipas. Ngunit hindi siya pinapansin ng pulis na abalang gumagawa ng ulat gamit ang lumang makinilya. Nagpasya siyang lumisan pagkatapos ng halos dalawang oras. Naisip niyang kung tunay na may kasalanan siya'y dapat hinuli na siya ng mga naroon. Subalit walang pakialam ang mga tao sa kanya.

May mas matindi siyang suliranin -- ang gutom at uhaw. Wala na siyang ibang maisip kundi ang bumalik sa trabaho. Nagbakasakali siyang may mauutangan. O baka maaari siyang humiling ng cash advance. Bahala na.

Hindi kaaya-aya ang alinsangan ng mataong lungsod lalo na kung nakakabit ka lang sa likod ng dyip dahil wala kang pamasahe. Tanghali na nang marating ni Roel ang opisina. Batid niyang amoy araw na siya, at nag-aalala siyang baka pagtinginan siya ng mga katrabaho sa pagpasok niya. Nagtataka siya kung alam ba nila ang nangyari sa kanya.

Bubuksan na sana niya ang pinto nang bumukas ito ang nagsilabasan ang mga katrabaho niya. Ngiti ang binungad niya sa mga ito, ngunit ni isa sa kanya ay hindi siya pinansin. Bagkus ay nanatiling abala ang mga ito sa tsismis. Naisip niyang baka hindi siya namukhaan ng mga ito. Nanlumo man sa tagpong iyon may mahalaga siyang kailangang gawin.

Mas nanlumo siya nang makitang ang babalikan sanang pwesto ay may nakaupo na. Sa cubicle na dating kanya, isang bagong empleyado ang tahimik na nag-aayos ng mga gamit. Nagmamadali ito malamang upang habulin ang mga naunang kasama. Wala na ang mga gamit niya sa espasyong iyon.

Parang piniga ang puso niya. Tila sinakluban ang kanyang damdamin habang ginagala niya ang tingin sa paligid, sa lugar kung saan siya nagtatrabaho, lugar na sa kanya'y nagsara na rin.

Tinungo niya ang opisina ng HR. Gusto niyang magtanong kung may trabaho pa ba siya. Subalit tumambad sa kanya ang walang taong opisinang tila nagpapahiwatig na wala ng pagkakataon para sa kanya, na ang tanggapang ito ay wala ng puwang para sa kanya.

Lumabas siya ng gusali at tiningnan niya ang mainit na kapaligiran. Tila ba siya lamang ang hindi abala. Siya lamang ang tuliro't walang mapuntahan. Hindi niya maihakbang ang mga paa sapagkat wala siyang tiyak na paroroonan. Naramdaman na lang niya ang labis na panghihina at ang pagdilim ng paningin. 

Ang Bangkero (short story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon