Chapter 2

1K 30 2
                                    

"Aling Myrna, dalawang kanin nga po at isang adobo." Umupo si Roel sa bakanteng mesa. May iilang tao sa karinderia. Ang ilan ay tahimik na kumakain. Ang ilan ay nanonood ng telebisyon.

"Bakit hindi mo kasama si Kaloy?" Hinain ni Aling Myrna ang kanin sa mesa ni Roel.

"May pinuntahan," sagot niya nang makabalik ang ale sa mesa niya dala ang isang maliit na mangkok ng adobo. "Baka bukas pa makauwi."

Umupo naman ang ale sa tabi niya at bumulong. "Ilang araw na usap-usapan 'yang si Kaloy."

"Talaga po?"

"Oo." Lumapit pa si Myrna sa kanya. "Nasa watch list daw."

Kinabahan si Roel.

"Nako, Roel, kung ako sa'yo paaalisin ko na 'yan sa bahay ko." Tumayo si Aling Myrna nang dumating ang ilan pang kakain. "Baka mapahamak ka."

Hindi nakakain nang maayos si Roel. Natatakot siya para sa sarili. Pero mas natatakot siya para kay Kaloy, lalo pa't bali-balita na ang pagpatay sa mga nagtutulak ng droga. Ayaw niyang mapahamak ang kinakasama dahil ito lang ang kasama niya sa buhay at kahit paano'y mahalaga si Kaloy sa kanya. Inabot niya kay Myrna ang bayad matapos kumain.

"Mag-iingat ka," tila babala ng ale sa kanya.

"Huwag na kayong mag-alala."

"Sige."

Hinayaan na ni Roel na asikasuhin ng ale ang mga bagong dating na kostumer. Siya naman ay naglakad-lakad. Ayaw niyang umuwi dahil alam niya namang wala siyang dadatnan doon. Tinangka niyang tawagan si Kaloy, subalit hindi nito sinasagot ang telepono. Paminsan-minsan ay tinitingnan niya ang paligid. Hindi niya ikakailang napraning siya sa sinabi ng may-ari ng karinderia. Dumaan siya sa isang tiangge kung saan bumili siya ng sigarilyo.

Sa isang eskinitang bahagyang nailawan ng poste ay naroon ang mga tatlong lalaking naninigarilyo. Sandaling tumigil ang mga ito at umayos sa pagkakatayo nang pumasok si Roel na nanatiling malayo sa kanila ng ilang metro. Marahil nang mapansin ng tatlo na hindi siya parak ay tinuloy nila ang paghithit at buga ng usok, paminsan-minsan ay pinag-uusapan ang tungkol sa mga patayang nagaganap.

Hindi naman nakatuon sa kanila ang atensiyon ni Roel. Halos minu-minuto niyang tinitingnan ang telepono. Tatlong sigarilyo na ang naubos niya. Nakatatlong tawag na rin siya kay Kaloy, na hindi man lang sumagot. Napabilis ang hithit niya sa sigarilyo dahil sa labis na pangamba. Ngunit kahit na ang usok na dapat sana'y nagbigay sa kanya ng kakarampot na kapayapaan ng kalooban ay hindi man lang inibsan ang kanyang kaba.

Naglakad-lakad si Roel. Naalala niya ang pamilya sa Bulacan. Isang linggo na niyang hindi nakakausap ang nanay niya o ang mga kapatid. Halos sa kanila napunta ang buong sahod niya, kaya nagtitipid na naman siya. Inisip niya na lang na malapit-lapit na rin naman ang a-kinse. Binulsa niya ang mga kamay.

Hindi na siya kinumusta ng pamilya matapos magpadala ng pera. Alam niya ang rason. Iniisip niyang dismayado pa rin ang nanay niya sa kanya dahil hindi pa siya nangingibang-bansa. Ilang taon na raw ang sinasayang niya. Kung noon pa raw siya nag-abroad baka nakaahon na sila sa hirap.

Hindi alam ng pamilya niya kung gaano kahirap mag-abroad, kung magkano ang kailangang gastusin. Kumakayod naman siya. Nag-iipon. Pero kapag nakakaipon naman siya, may nangyayaring hindi inaasahan at nagagastos niya ang perang naitabi.

"Baka naman kung kani-kanino lang napupunta ang sweldo mo, Roel," komento ng nanay niya nang minsang mag-usap sila sa telepono. Siyempre, hindi niya inamin. Pero nakaramdam siya ng inis. Kung tutuusin may karapatan naman siyang magpasya kung saan niya gagastusin ang pera niya dahil pera niya iyon at pinaghirapan niya.

Ang Bangkero (short story)Where stories live. Discover now