Chapter 5

849 21 8
                                    

May mga butas ang kinakalawang na bubong. Matingkad ang mga silahis ng liwanag mula sa mga siwang sa dingding. Langhap ni Roel ang halimuyak ng pulot. Dahan-dahan siyang bumangon. Dinig niya ang kakatwang huni ng mga ibon sa paligid.

Payak ang loob ng maliit na bahay. Magaspang ang semento. May umuusok na kape sa mesang katabi ng bintanang nakabukas.

Nang makatayo ay sinuri niya ang sarili. "Buhay pa ako?" bulong niya. Tuyo na ang mga sugat.

Inimbita siya ng mga huni ng ibon na lumabas. Napaligiran siya ng mga puno. Nasa gubat siya. Malayo sa usok at ingay ng mga sasakyan sa lungsod. Malayo sa mga taong naglagay sa kanya sa kapahamakan.

May nagsisibak ng kahoy. Isang lalaking luma ang kamiseta. Sa bawat pagsibak nito ay pumuporma ang mga guhit ng kanyang kalamnan sa kanyang braso. Napalingon ito sa kanya. "Gising ka na pala." Tumulo ang pawis mula sa baba nito.

Kinilabutan si Roel. "Ikaw."

"Huwag kang tatakbo." Binitawan nito ang palakol.

"Ikaw yung sunod nang sunod sa akin bago ako hulihin ng mga pulis." Naghanap siya ng bagay na pwede niyang gamitin laban sa lalaki.

"Ako si Judah." Inabot nito ang kamay kahit nakaamba ang batong ipupukol sa kanya ng galit na panauhin. "Hindi nila ako kasama. Kung hindi mo ako tinakbuhan sa simbahan malalaman mo sana."

"Diyan ka lang!" Ginala ni Roel ang tingin sa paligid upang maghanap ng masusuungan. Bigla siyang tumakbo. Walang direksiyon. Ang nais niya lang ay makawala sa lalaking iyon na sa tingin niya ay nagdala sa kanya sa kapahamakan. Subalit masukal ang gubat. Ilang minuto pa lamang niyang sinuong ang masikot na kakahuyan ay batid niyang nawala na siya at hindi niya alam kung saan tutungo.

"Hindi ako masamang tao."

Nilingon niya ang pinanggalingan ng boses. "Bakit mo ako dinala rito?"

"Hindi ko alam kung saan ka dadalhin."

"Bakit mo ako sinusundan? Kasabwat ka ni Kaloy? Ang hayop na 'yun, kinupkop ko na, tinraydor pa ako." Hindi niya namalayan ang pagpatak ng mga luha bunga ng galit.

"Huwag kang mag-alala, hindi ka na nila mahahanap dito." Kinuha ni Judah ang mga kamay ni Roel at taimtim siyang tinitigan. "Wala nang makakapanakit sa'yo."

Nakasimangot siya habang sinusuri ang mukha ng estranghero. "Seryoso ka?" tanong niya matapos lumunok upang maibsan ang paninikip ng lalamunan. "Hindi nga kita kilala." Hinugot niya ang mga kamay mula sa pagkakahawak ng kaharap.

"At hindi mo rin ako pinagkatiwalaan, kaya ka napahamak eh."

"So hindi ka asset ng mga pulis?"

Umiling ang lalaki.

"Pa'no mo nalaman na mapapahamak ako? Na tataniman nila ng droga ang inuupahan ko?" Muli na naman siyang napaiyak. "Pa'no na ito? Kailangan kong umuwi. Kailangan kong malinis ang pangalan ko!"

"Tara..." Inakbayan siya ng lalaki, at nagsimula silang maglakad. "Pag okay ka na, ihahatid na kita pauwi." Kahit paano ay pinayapa ng banayad na boses nito ang kalooban ni Roel na tumigil din sa pagtangis.

"Hindi. Ihahatid mo ako mamaya pauwi!"

Mas hinigpitan ni Judah ang hawak sa kanya.

"Anong petsa na ba?"

"Biyernes. Ikalabindalawa."

Lalong kumunot ang noo ni Roel. "Isang linggo akong walang malay?" Hinintay niyang tumugon ang lalaki, ngunit nanatili itong tahimik. Magulo man ang isipan, napagtanto na rin ng biktima ang kaligtasan at kalingang bigay ng taong nagligtas sa kanya.

Ang Bangkero (short story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon