Chapter 9 - Final Chapter

758 33 19
                                    

Nagising si Roel sa pamilyar na simbahan. Sinuri niya ang sarili. Nakasuot siya ng t-shirt at maong na pantalon, karaniwang suot niya. Dumako ang tingin niya sa nakapakong Hesu Kristo, at sandaling kumunot ang noo niya.

"Natanong mo na ba sa kanya ang mga bakit mo sa buhay?"

Napalingon siya sa pamilyar na boses na sa kanya'y nagbigay sigla. "Judah!"

"Di ba sabi ko hihintayin kita?" Kay tamis ng ngiti na pinakawalan ng bangkerong tagahatid.

"Ano naman ang ginagawa rito ng bangkero ko?"

"May task ako galing du'n." Tumingala siya at ngumuso sa itaas.

"Anong task?"

Inakbayan niya si Roel. "Na samahan ka."

"Bakit daw?"

"Gusto ni bossing happy ka." Kinurot ni Judah ang pisngi ni Roel.

"Si Juan Ponce Enrile ba ang bossing mo?" Natatawa si Roel.

Kumunot ang noo ni Judah. "Wala siya sa listahan ko."

Nagtawanan ang dalawa na para bang wala nang masidlan ang tuwa sa kalooban. Sabay rin silang tumigil upang taimtim na manalangin.

"Nung nandu'n ako," pagbasag ni Roel sa katahimikan, "tinanong ko siya kung kasalanan bang magmahal ng kapwa lalaki."

Hinawakan ni Judah ang kamay ni Roel. "Ano naman ang sabi niya?"

"Hindi naman daw kasalanan ang magmahal. Biyaya niya raw ang pagmamahal. Kaya tinanong ko ulit siya."

"Ng ano?"

"Ng kung bakit maraming nagmamahal ay nasasaktan?"

"Ano'ng sagot ni boss?"

"Hindi naman daw ang pag-ibig ang nanakit. Tao raw ang nananakit."

Tawa ang naging tugon ni Judah. Tawang masigla na kasabay ang mabilis na indayog ng kanyang mga balikat at pagsingkit ng mga matang may tuwa. Sumabay rin ng tawa si Roel.

"Pinapili niya ako," muling nagsalita si Roel, "kung gusto kong manatili sa itaas o --"

"Ehem."

"--manatili sa tabi mo."

Tumayo si Judah habang hawak pa rin ang kamay ni Roel na napatayo na rin. Kinabig niya ito't hinawakan sa mga pisngi. Naghalikan ang dalawa sa gitna ng pasilyo.

"May isa pa akong task," saad ni Judah pagkatapos ng mahabang halikan.

"Talaga?" Ngumingiti si Roel habang tinitigan ang mga labi ni Judah.

"Dadalhin kita sa unang task mo."

"May task ako?"

"Oo, kasi ako ang pinili mo kaya magiging tagahatid ka na rin." Tumawang muli si Judah.

"Okay lang basta kasama kita." Hahalikan niya sanang muli si Judah, ngunit pinigilan siya nito.

"Bukas na naman." Kinurot nito ang ilong ng kayakap. "Baka magsawa ka."

"Teka," saad ni Roel ng hilahin siya ng katipan, "saan tayo pupunta?"

Hindi nagsalita si Judah. Sumenyas lang ito na sundan siya. Naglakad-lakad sila. Mainit at mausok ang paligid. Maraming mga tao sa tabi ng kalsada. Gitgitan ang mga sasakyan.

"Hindi ba tayo pwedeng sumakay?"

"Mas madali kung maglalakad tayo."

Ilang kalsada rin ang nalikuan nila hanggang sa marating nila ang kalyeng may nakalagay na Pacheco Street. "Parang nakita ko na ito noon."

May mga pulis sa di kalayuan. May mga tambay na nagsitakbuhan. Ang mga nagbebenta ng banana cue at barbecue ay nakiosyoso. Isang lalaki ang nasa gitna ng tumpok ng mga tao at pulis. Nakadilat ang mga mata nito sa himpapawid. May butas ang kanyang noo, at umaagos ang dugo mula sa kanyang ulo patungo sa kanal sa gilid ng kalsada.

"Siya ba ang una kong ihahatid?" tanong ni Roel.

"Ang kaluluwa niya," sagot ni Judah. "Nandito lang sa paligid."

Inikot ni Roel ang tingin sa paligid hanggang dumako ang tingin niya sa isang lalaking tila gulat na gulat nang makita siya.

"Ro-Roel?" Nanginginig ang mga labi ng lalaking kulot ang buhok. Kumaripas ito ng takbo.

Hinabol ito ng dalawa hanggang maabutan ito sa kanto. "Huwag mo na kaming pahirapan, Kaloy." Ginapos ni Judah ang mga kamay ng lalaki.

"Kaloy?" Pamilyar ang pangalan kay Roel.

"Hayop ka, Roel!" sigaw ni Kaloy habang pumapalag. "Akala ko ba patay ka na."

"Kilala mo ako?"

"Oo," saad nito habang dilat na dilat ang mga matang nanunuya, "ako 'yung nag-iwan ng shabu sa cabinet mo."

Hindi na malinaw ito sa alaala ng binata.

"Sapakin mo, mahal ko, makabawi ka man lang." Kumindat si Judah sa kanya.

Sinapak nga niya ang lalaki sa pisngi. Hindi niya maintindihan, ngunit may tuwa siyang naramdaman nang masapak ang lalaking iyon.

Sumipol si Judah, at mula sa kung saan lumitaw ang puting kabayong ngayon ay may hilang karwahe. "Akyat!" utos niya kay Kaloy.

"Gago ka pala--"

"Akyat!" Hinampas ni Judah ang pwet ni Kaloy.

"Akyat na." Hinila ni Roel si Kaloy patungo sa karwahe.

Ginapos naman ni Judah ang mga paa ng pangahas. "Hindi ka na makakatakas niyan."

Nakayakap si Roel kay Judah habang matuling tumatakbo ang kabayo mula sa lungsod patungo sa gubat. Tumigil sila sa ilog kung saan naghihintay ang bangka.

"Mga putang ina kayo!" Nagpumiglas si Kaloy habang hinihila siya ng dalawa patungo sa bangka. Dinapuan siya ng mga langaw.

"Tatahimik ka ba o hahampasin kita ng sagwan?" babala ni Roel. "Tingnan mo nilalangaw ka na."

Natawa na lang si Judah bago magsagwan. Binigay niya kay Roel ang isang sagwan, at sabay nilang pinagalaw ang bangka. Paminsan-minsa'y nagtatawanan. Narating nila ang parte kung saan nahati ang ilog sa dalawa. Tumigil sa pagsagwan ang dalawa. Kusang lumiko ang bangka sa kaliwa. Mas dumami ang mga langaw na nasa paligid ni Kaloy.

Dahan-dahang tumigil ang bangka. Naghintay si Roel ng kung anong mangyayari. Biglang hinila ng kumpol ng mga langaw si Kaloy. Tinangay ng mga ito ang walang hiya patungo sa puyo. Nagmumura ito. Sumisigaw. Humihingi ng saklolo hanggang sa nilunod ang kanyang tili ng mga alingawngaw at hiyaw ng mga nilalang na malamang ay naghihintay sa kanya sa puyo.

"Maligayang paglalakbay patungo sa impiyerno," saad ni Judah bago gumalaw ang bangka paatras, pabalik sa kanilang mundo.

Lumubog na ang araw. Dinig na sa ilog ang mga kuliglig at ang mga ibong nasa mga puno. Unti-unti nang nagliliwanag ang mga makikislap na bituin sa langit.

Tanging ligaya at kapayapaan ang nadarama ni Roel. Wala na ang pait ng kahapon. Lumipas na ang pagdurusa. Limot na ang mga pasakit.

Tumigil ang bangka sa gitna ng ilog kung saan tila tahimik na nag-aabang ang mga alitaptap, kung saan malaya nilang nasilayan ang kahubdan ng isa't-isa, kung saan ang bawat haplos at halik ay may alab, kung saan sa unang pagkakataon ay naranasan ni Roel ang pag-ibig na wagas.

WAKAS

Ang Bangkero (short story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon