02 | kasalukuyan [ 2 / 2 ]

811 42 108
                                    

[ ??? | 2016 ]

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

[ ??? | 2016 ]

"Ayos ka na ba, iho?" tanong sa kanya ng Ale pagkalabas niya mula sa kubeta kung saan siya nagtagal. Naglabas pasok pa siya para lamang tanungin kung ano nga ba ang gamit ng mga bagay bagay sa loob. Andami kasing bago roon at baka may mali siyang magamit. Ayaw niya namang mas mapahiya pa sa Ale.

Nagulat nga ito nang bigla siyang lumabas na walang saplot pang-itaas.

Nahihiyang napakamot siya ng pisngi gamit ang kanyang hintuturo. "Opo, Senyora. Maraming salamat po sa mga itinuro niyo sa akin."

Matamang tinitigan siya ng Ale na mukhang kinakastigo ang hitsura niya. Mas malinis na kasi siyang tignan kaysa kanina at lumilitaw na ang medyo kayumanggi niyang balat. Mas halata na rin ang hubog ng kanyang katawan sa simpleng damit na ipahiram nito sa kanya. Mukhang mas malaki pa siya sa nagmamay-ari dahil medyo hapit sa kanya ang naturang tee shirt, ang tawag sa bagong kasuotan ng mga Pilipino. Mabuti na lamang at mas maluwang nang kaunti ang pantalon.

Nahihiya siya sa katawan dahil pakirandam niya ay masyado siyang malaki dahil sa damit na humahapit sa kanya. Lagi kasing sakto lang ang isinusuot niya at kung hindi naman sakto ay maluwang. Hindi siya sanay.

Ngunit, kung ikukumpara niya naman ang pakiramdam ng naturang tee shirt sa ginagamit nila noon ay hindi niya rin maikakailang mas komportableng suotin ang bagong kasuotan.

"Hindi pa rin talaga ako makapaniwalang hindi ka tagadito," wika ng Ale sa kanya bago kusang nag-iwas na ng tingin. "E, sa iba ka mag-Tagalog, at itong suot mo... Nakita ko lang ito nang nanood kami ng biyenan ko ng Heneral Luna."

Nagpanting naman ang tenga niya sa narinig at nakarandam siya nang pangingilabot. Naalala niya ang Heneral na may malagong bigote sa mukha. Ang walang sinasantong si Heneral Luna. Huli niya itong nakita nang nasa plaza ito noon kasama ni Coronel Paco at ang magkakapatid na Bernal. Ni hindi siya makatingin nang dumaan ang mga ito habang si Elias ay matamang nakamasid.

"Iyon si Heneral Artikulo Uno, hindi ba?"

"Siya nga. Huwag mo siyang titigan, Elias. Mataas ang ranko ng Heneral kaysa sa ating mga simpleng sundalo lamang."

"Iho?"

"P-Po?"

Umayos siya ng tayo at ibinalik ang tingin sa Ale. "Hindi mo ako niloloko, ano, iho?"

Kailangan niya kasing sabihin rito ang totoo dahil wala siyang masabing katwiran sa kung bakit hindi niya alam ang mga bagay bagay sa panahon na ito at kung bakit "malalim" ang pag-Ta-Tagalog niya. Ngayon kasi ay may kahalo ng Inglish sa pananalita ng mga Pilipino.

Wala naman siyang masabi ukol roon dahil sa panahon nila ay may ginagamit din silang mga salita mula Kastila. May ilan ring matatas sa pag-Ka-Kastila at dahil mahirap lamang siya at hindi naman siya nakapagtapos ng pag-a-aral ay hindi niya rin maintindihan ang mga iyon.

Location Unknown #Wattys2019WinnerHisFic ꞁ  [ PUBLISHED UNDER LIFEBOOKS  ]✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon