Prologue

4.4K 144 4
                                    


NANGINGINIG sa takot si Olivia habang pinapanood ng Nanay niya na nilalabanan ang masamang elementong sumasanib sa batang babae. Madalas siya nitong kasama sa tuwing may ginagamot itong nasasapian. Sa murang edad ay marami na siyang natutuklasang kakaiba sa paligid niya dahil sa impluwensiya ng kanyang ina.

Nangingisay ang batang babae habang inaalayan ito ng kanyang ina ng isang sagradong orasyon sa salitang Latin. Wala siyang naintindihan sa mga sinasabi nito pero nakikita niyang nagre-reak ang batang sinasapian.

Bigla na lamang umihip ang malakas na hangin sa loob ng kuwarto. Nagliliparan ang mga gamit. Sumuot sa ilalim ng sofa si Olivia ngunit hindi niya inalisan ng tingin ang kanyang ina. Namataan niya na lumutang ang katawan ng batang sinasapian. Hindi naman natinag ang kanyang ina. Nanatili itong nakatayo at isinasambit ang orasyon. Ilang sandali lamang ay biglang tumayo ang bata at sinakal ang kanyang ina. Inalipin na siya ng takot. Ang mga magulang ng bata ay natatakot nang lumapit. Nagtatago lamang ang mga ito sa likod ng kama. Hindi siya nakatiis, hinubad niya ang suot niyang rosaryo at nilapitan ang kanyang ina. Isinuot niya sa leeg ng bata ang kanyang rosaryo. Biglang nangisay ang bata. Itinuloy naman ng kanyang ina ang pagdadasal.

Nang mawalan ng malay ang bata ay biglang tumahimik. Huminto rin ang pag-ihip ng hangin sa paligid. Nagkalat ang mga gamit sa sahig. Kahit payapa na'y patuloy pa rin ang pagdarasal ng kanyang ina. Hindi na siya nagkaroon ng pagkakataong makausap ito.

Dahil sa nangyari ay lalong siyang tumapang. Nang matiyak na ligtas na ang batang biktima ay nagdesisyon siyang lumabas ng kuwarto. Noon lamang niya naramdaman ang kakaibang init na klema sa loob ng kuwarto. Pakiramdam niya'y pinapaso ang katawan niya dahil sa hindi maipaliwanag na init ng klema. Maalinsangan at nakakabalisa.

Pagdating niya sa labas ng dalawang palapag na bahay ay naglakad-lakad siya sa malawak na bakurang napupuno ng mga halaman. Pagdating niya sa likod ng bahay ay namataan niya ang batang lalaki na nagduduyan sa lilim ng malaking puno ng mangga. Tantiya niya'y kaedad lamang niya ito. Maputi ito at payat. Nilapitan niya ito. Malakas ang pag-ugoy nito sa duyan. Huminto lamang ito nang tumayo siya sa tapat nito. Deretso ang tingin nito sa kanya habang nanlilisik ang mga mata.

"Bakit ka nandito? Nasaan ang mga magulang mo?" tanong niya rito.

Hindi ito kumikibo. Pagkuwan ay bigla itong tumayo at humakbang palapit sa kanya. Inilahad nito ang kanang palad sa kanya. Tumitig naman siya sa palad nito.

"Quid agis?" tanong nito sa wikang Latin na ang ibig sabihin ay 'kumusta ka?

Naturuan siya ng kanyang ina ng basic Latin language kaya naintindihan niya ito.

"Clauderent diem," (Malapit na ang takdang araw,) anito.

"Quid facitis?" (Ano'ng ibig mong sabihin?) untag niya.

Hindi siya nito sinagot. Nang titigan niya ulit ang palad nito ay nanlaki ang mga mata niya nang mapansing nahiwa ang palad nito at dumugo. Akmang hahakbang siya paatras subalit hindi niya maikilos ang katawan niya. Napaparalisa siya. Hindi niya maialis ang paningin niya sa palad ng batang lalaki hanggang sa nasaksihan niya ang sugat nito na unti-unting naglalabas ng isang mata.

Saktong sumigaw siya ay bigla nitong isinaklob sa noo niya ang palad nitong nakitaan niya ng mata. Awtomatikong napadpad siya sa kakaibang lugar. Sa lugar na mainit at mausok. Mamaya ay may nakikita siyang mga aninong lumalapit sa kanya. Pilit siyang inaabot ng mga kamay ng mga ito. Pilit siyang sumisigaw ngunit walang tinig na lumalabas sa bibig niya.

"Olivia! Olivia!" narinig niyang tawag sa kanya ng kanyang ina.

Paglingon niya sa kanyang likuran ay namataan niya ang kanyang ina na gapos ng itim na aninong may mga nakausling matutulis na bagay sa noo. Gusto niyang lapitan ang kanyang ina ngunit hindi niya maihakbang ang kanyang mga paa. Pinagpapawisan na siya at hinahapo dahil sa maalinsangang klema.

"Olivia!" sigaw ng kanyang ina.

Nanlaki ang mga mata niya nang makitang unti-unting tinutupok ng apoy ang katawan ng kanyang ina.

"Mama!" sigaw niya. Wala siyang magawa nang tuluyang maging abo ang kanyang ina.

Pagpihit niya sa kanyang likuran ay namataan niya ang matangkad na lalaking nakatayo at nakatalikod sa kanya. Wala itong saplot sa katawan. May isang danghal ang haba ng aalon-alon at abuhin nitong buhok.

"Tulong. Tulungan mo 'ko," samo niya.

Nang humarap sa kanya ang lalaki ay nagulat siya nang makitang mayroon itong mumunting sungay sa noo. Malamlam ang mukha nito. Nang humakbang ito palapit sa kanya. Umatras siya ngunit sa huling paghakbang niya ay nahulog siya sa malalim na butas.

"Aaaaaaaaaaaaaahhhhh!"

Bigla na lamang siyang nilamon ng matinding pagkahilo at tuluyan siyang nakalimot.

...Where stories live. Discover now