Chapter Two

3.4K 130 2
                                    

PAGKATAPOS ng duty ni Olivia ay nag-order siya ng kanyang hapunan. Pasado alas-diyes na ng gabi. Iilan na lamang ang kumakain sa restaurant dahil magsasara na ito. Alas-siyete ng umaga bumubukas ang restaurant hanggang alas-diyes ng gabi.

Inukupa niya ang mesa malapit sa pinto. Nakauwi na ang ibang kasama niya sa trabaho kaya wala na siyang kasabay kumain. Nagliligpit na rin ng mga tirang pagkain ang tiyuhin niya na iuuwi nito. Habang abala siya sa pagsubo ay maya't-maya ang sipat niya sa katapat niyang mesa na inuukupa ng magkasamang lalaki at babae. Halos kaedaran niya ang mga ito. Marahil ay magkasintahan. Napansin din niya ang nag-iisang lalaki na nakaupo sa mesang malapit sa counter. Wala na siyang ibang kasamang kumakain kundi ang mga ito.

Mamaya ay tumayo ang nag-iisang lalaki at lumapit sa mesa ng magkasintahan. May itinatanong ang lalaki sa babae. Biglang nagalit ang nobyo ng babae at inambahan ng suntok ang isang lalaki. Napatayo si Olivia at tinawag ang security. Nagulat siya nang napansing napahawak sa puson nito ang nobyo ng babae at dumadaing.

"What happened?" tanong ng babae sa kasama nito.

Ang lalaking umabala sa dalawa ay walang pakialam na lumakad palabas ng restaurant. Biglang nakadama ng pagkabalisa si Olivia. Hinarang ng security ang lalaki pero parang natuka ng ahas at naistatwa ang guwardiya. Uminit ang pakiramdam ni Olivia. Natukso siyang sundan ang lalaki. Naabutan niya ito sa parking lot at palapit sa kotse nito.

"Sandali!" pigil niya rito. Huminto siya may isang dipa ang pagitan dito.

"Ano'ng kailangan mo, Olivia?" tanong ng lalaki sa matigas na tinig.

Natigagal siya. Paano nito nalaman ang pangalan niya? "Sino ka? Bakit mo ako kilala?" tanong niya.

Hinarap siya nito. Mas matangkad ng dalawang dangkal sa kanya ang lalaki. Malapad ang pangangatawan nito at halatang maskulado kahit nakasuot ito ng black suit. May isang pulgada ang itim nitong buhok. Guwapo ito pero suplado ang hilatsa ng mukha. Katamtaman ang puti ng balat nito na makinis.

"I'm you're mother's friend. Ako si Elthur, ang batang tinulungan ng nanay mo na malapit nang mamatay matapos dapuan ng hindi matukoy na karamdaman," pakilala nito.

Awtomatikong naalala niya ang panahong may ginang na lumapit sa kanyang ina para ipagamot ang anak nitong lalaki na umano'y isinumpa ng diablo. Ang batang iyon din ang madalas niyang makita kahit saan siya magpunta. Naalala pa niya, noong pinuntahan nila ng Mama niya ang bata sa bahay ng mga ito ay kinilabutan siya noong nakita niya itong kumakain ng mga hilaw na insekto. Lumuluha ito ng dugo at kahit nasusugatan ay hindi nasasaktan. Bigla siyang kinilabutan sa naalala lalo pa't noong namatay ang Mama niya ay nabalitaan niya na namatay ang batang iyon. Pero paanong buhay ito?

"Kung ikaw si Elthur, ipaliwanag mo sa akin kung bakit buhay ka pa? Nakausap ko ang nanay mo noon at sinabi niya na patay ka na. Sinaksak mo raw ang iyong sarili," aniya.

Ngumisi ang lalaki. "Naniniwala ka ba roon? Matagal nang nasa isang mental institution ang nanay ko. Nasiraan siya ng bait," anito.

"Ano? P-paano ka na? Sino ang kasama mo sa buhay?"

Ngumiti lamang ang lalaki at hindi na siya sinagot. Binuksan na nito ang kotse nito saka ito pumasok.

"Nice to meet you again, Olivia. Mukhang namana mo ang kakayahan ng iyong ina," sabi nito saka nito isinara ang pinto. Nagmaniobra na ito.

Tulalang nakatanaw lamang si Olivia sa papaalis na sasakyan. Hindi niya lubos na naunawaan ang huling sinabi ni Elthur.

Pagdating ni Olivia sa bahay niya ay kaagad siyang nagbukas ng kuwaderno at nag-review ng kanyang mga aralin. Mag-isa na lamang siyang nakatira sa bahay nila simula noong namatay ang kanyang ina. May dalawang palapag ang bahay nila na sementado sa unang palapag at yari naman sa matibay na kahoy ang ikalawang palapag. Ang bahay ng Tito niya ay nasa kabilang bakuran lamang. Dating seaman ang Tito niya kaya mas marangya ang buhay kaysa sa kanyang ina na hindi nakapagtapos ng college sa kursong nursing dahil nag-asawa na ito. Sundalo ang tatay niya at palipat-lipat ito ng lugar. Madalas ay nasa Maynila ito.

...Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon