Chapter Four

3K 112 3
                                    


MATAPOS ireklamo ni Olivia sa dean ang sinapit niyang karahasan sa mga estudiyante ay nangako ang school committee na paiimbestigahan ang kanyang kaso. Ang problema, wala ni isa sa mga lalaking nanakot sa kanya ang namukhaan niya. Hindi naman siya puwedeng magturo lang basta ng kung sino.

Lunes ng umaga pagpasok ni Olivia sa university ay naging mapagmasid siya. Naglalakad siya sa pathway nang masalubong niya ang umiiyak na babae. Freshmen din ito pero hindi niya alam kung ano ang kurso. Napansin niya na nanginginig pa ito. Nang harangin niya ito ay bigla itong tumili.

"Huminahon ka, miss," sabi niya rito. Pinigil niya ito sa mga balikat.

Natatarantang tumitig ito sa kanya. Walang tigil sa pagpatak ang luha nito.

"Ano'ng nangyari sa 'yo?" nag-aalalang tanong niya rito.

"M-may naglagay ng ahas sa locker ko," humihikbing sumbong nito.

"Mag-report ka sa dean para maaksiyunan nila ito," aniya.

Tumango lang ito. Pagkuwan ay nilagpasan siya nito. Bumuntong-hininga siya. Habang papalapit siya sa locker room ay hindi maawat ang kabog ng dibdib niya. Number 158 ang locker niya. Doon niya iniiwan ang mga gamit niya para sa activity nila. Nagbilang siya ng tatlo bago binuksan ang locker.

Napawi ang kaba niya nang wala siyang makitang nakakatakot na bagay sa halip ay isang tangkay ng pulang rosas ang kanyang nakita. Napangiti siya. Nang kunin na niya ang bulaklak ay ganoon na lamang ang gulantang niya nang biglang naging ahas ang bulaklak.

Nagtatatakbo siya palayo sa locker. Sa sobrang pagkataranta ay bumalya siya sa matigas na bagay.

"Aah!" sigaw niya.

Natigilan siya nang mamataan niya sa kanyang harapan si Valtazar na siyang binunggo niya.

"What's wrong?" kunot-noong tanong nito.

"M-may ahas sa locker ko," sumbong niya.

"Talaga?" hindi makapaniwalang sabi nito.

Naglakad ito patungo sa locker ng mga babae. Sumunod naman siya rito. Itinuro niya rito ang locker niya. Nagulat siya nang wala siyang makitang ahas at ang sinasabi niyang ahas ay isa lamang rosas. Kinuha iyon ni Valtazar.

"Wala naman, eh," sabi nito.

"A-ang bulaklak na hawak mo, naging ahas 'yan kanina," giit niya.

Tumawa nang pagak ang lalaki. "Masyado namang malawak ang imahenasyon mo. Baka mayroon kang secret admirer na naglagay ng rosas sa locker mo. Paano naman ito naging ahas sa paningin mo?" anito.

"Hindi ako nag-e-ilusyon. Totoong naging ahas 'yan kanina," pilit niya.

"Okay. Tumalikod ka," utos nito sa kanya.

Tumalikod naman siya. May ilang segundo siyang nakatalikod.

"Puwede ka nang humarap," sabi nito.

Pagharap niya rito ay napatingin siya sa sahig malapit sa paa nito kung saan namataan niya ang nasunog na rosas.

"A-anong nangyari?" manghang tanong niya.

"Hindi totoong ahas ang nakita mo. Mayroong naglagay niyon na gumamit ng black magic para mapaglaruan ang paningin mo."

Nawindang siya. May alam din si Valtazar sa paranormal at mukhang naniniwala ito. Pero hindi siya puwedeng magtiwala kaagad dito para ibahagi ang kaalaman niya.

"Bakit alam mo ang tungkol sa bagay na 'yon?" usisa niya.

Hindi siya nito sinagot. Nakangiti lang ito. Pagkuwan ay nagtungo na ito sa locker nito na katabi lamang ng locker ng mga babae. Wala pa masyadong estudiyante kaya tahimik. Kinuha na niya ang gamit niya sa locker.

...Where stories live. Discover now