Chapter One

4.1K 137 3
                                    


"OLIVIA! Olivia!" narinig ni Olivia na tawag sa kanya ng kanyang ina.

Paglingon niya sa kanyang likuran ay namataan niya ang kanyang ina na gapos ng itim na aninong may mga nakausling matutulis na bagay sa noo. Gusto niyang lapitan ang kanyang ina ngunit hindi niya maihakbang ang kanyang mga paa. Pinagpapawisan na siya at hinahapo dahil sa maalinsangang klima.

"Olivia!" sigaw ng kanyang ina.

Nanlaki ang mga mata niya nang makitang unti-unting tinutupok ng apoy ang katawan ng kanyang ina.

"Mama!" sigaw niya. Wala siyang magawa nang tuluyang maging abo ang kanyang ina.

Pagpihit niya sa kanyang likuran ay namataan niya ang matangkad na lalaking nakatayo at nakatalikod sa kanya. Wala itong saplot sa katawan. May isang dangkal ang haba ng aalon-alon at abuhin nitong buhok.

"Tulong. Tulungan mo 'ko," samo niya.

Nang humarap sa kanya ang lalaki ay nagulat siya nang makitang mayroon itong mumunting sungay sa noo. Malamlam ang mukha nito. Nang humakbang ito palapit sa kanya ay umatras siya ngunit sa huling paghakbang niya ay bigla siyang nahulog sa butas.

"Aaaaaaaaaaaaaahhhhh!"

KUMISLOT si Olivia nang biglang may mainit na bagay na humampas sa kanyang pisngi. Pag-angat niya ng mukha ay namataan niya ang grupo ng kalalakihan na nagtatawanan sa harapan niya. Mariing kumunot ang noo niya. Pinagti-tripan na naman siya ng mga bully sa university.

"Ano ba ang panaginip mo? Bakit nangingisay ka? Siguro nasa Antarctica ka at naglalakad sa makapal na snow," sabi ng nangangalang Denmark, ang kilalang pinakamayaman na nag-aaral sa university.

Mga engineering student ang mga ito at malapit nang magtapos pero hindi pa natuto. Palibhasa maimpluwensiya ang mga magulang. Wala siyang pakialam kung gaano kalakas ang impluwensiya ng pamilya nito sa paaralang iyon.

"Hoy! huwag mong lawayan ang mesa ng canteen, kadiri ka!" bulyaw sa kanya ng nangangalang Elmo, ang anak ng school administrator na mayabang.

"Sa lahat ng estudiyanteng nagti-take ng medisena, ikaw lang ang nagsusuot ng palda na minana mo pa ata sa lola mong matagal nang pinapak ng uod. Sino ang lalaking magkakagusto sa katulad mong mukhang ginahasa ng sampung demonyo? Nakakatikim pa ba ng suklay 'yang buhok mong parang buhok ng mais na tuyot?" gatong naman ng nangangalang Tom, na anak kuno ng parehong pulis.

Ang dalawa pang lalaking kasama ng mga ito ay nakatawa lang sa likod. Nagsimula ang pan-aasar ng mga ito sa kanila noong unang linggo ng klase na aksidenteng natapunan niya ng mainit na kape ang dibdib ni Denmark, habang nasa canteen sila. Hindi na siya tinantanan ng mga ito. Tinawag siyang demonyo ng mga ito dahil sa kontrobersiyal na isyo tungkol sa kanya na may nakakitang napagalaw niya ang silya sa laboratory. May supernatural power daw siya. Totoong gumalaw noon ang silya na tinititigan niya pero hindi siya sigurado na siya ang may gawa dahil wala naman siyang ibang iniisip noon kundi ang lumipat sa silyang iyon. Naging malaking isyo na iyon sa mga estudiyante.

Hindi siya nakatiis, tumayo siya at bumuntong-hininga. "Alam n'yo, kayong mga walang magawang matino, bakit hindi kayo mag-focus sa pag-aaral ninyo? Akala n'yo ang guguwapo n'yo? Mukha kayong mga langgam na ang alam lang ay mangagat ng inosenteng tao. Para kayong mga lamok na walang ibang kayang gawin kundi sumipsip ng dugo. Mataas ang expectation ko sa university na ito kaya dito ko napiling mag-aral. Pero nakaka-disappoint dahil may mga mag-aaral pala rito na katulad ninyo na nag-aaral nga pero walang laman ang utak. Malamang, kung wala ang mga magulang ninyo na sumusuporta sa inyo, sa kangkungan kayo pupulutin. Mga utak talangka!" matapang na buwelta niya.

...Donde viven las historias. Descúbrelo ahora