Hindi inalis ng mga Ranker ang tingin sa dalawa. Pero hindi katulad ng nangyari paglabas ng elevator, inobserbahan lang ng mga ito sina Mephist at Jocas. Alam kasi nilang wala rin namang mangyayari kung gagawa sila ng komosyon doon habang kumakain.
Mula sa likuran, hinawakan ni Mephist sa baywang si Jocas at itinulak papunta sa kitchen counter para kumuha ng pagkain.
"Bitiwan mo nga ako! Minamanyak mo na naman ako e!" sermon ni Jocas sa lalaki.
"A . . . yaw," parang batang tugon ni Mephist.
"Arkin!" Kinuha niya ang kamay ni Mephist at saka tumalikod. Sinubukan niya itong ihagis paharap pero . . .
"Ugh . . . nanghihina ako."
Bigla siyang nanlumo at muntik nang bumagsak. Nasalo naman siya agad ni Mephist sa bandang tiyan at mabilis siyang itinayo.
"Kasi naman, 'wag mag-feeling malakas kung hindi naman talaga malakas," sermon nito.
Pinaupo ni Mephist si Jocas sa isang table na malapit sa counter at siya na ang kumuha ng makakain nilang dalawa.
Nakanguso lang si Jocas habang nakasubsob ang mukha sa mesa at nakalingon kay Mephist na namimili ng kakainin nila. Nginitian lang siya ni Mephist na ikinakunot naman ng noo niya at lalo niyang ikinanguso.
"Paano kaya nakapasok 'yang taong 'yan dito sa HQ?" bulong ni Jocas habang naiirita dahil kasama niya ang lalaki.
Tinitigan niya ang ayos ni Mephist. Kasintaas nito si Crimson, six-footer din ang tindig. Ang ganda pa naman ng fitting ng button-down long-sleeved shirt nitong kulay gray at slacks na brown na ipinares sa black leather shoes. Sa ayos na iyon, mukhang hindi ito pumunta sa HQ para sa isang misyon kundi para sa isang meeting. Mukhang nagpagupit din ito dahil hindi na lumampas ang buhok sa tainga na dati ay naitatali pa nito.
Naiirita lang siya kay Mephist dahil sobra ito kung manghawak. Ayaw pa naman niya ng hinahawakan siya. Maliban na lang kung si Josef ang gagawa. Okay lang na yakapin siya niyon buong maghapon.
"Nakausap niya kaya si Jin? Alam ko namang si Jin lang ang habol niya e."
Napaayos tuloy siya ng upo at tiningnan naman ang ayos niya. May kaunting mantsa ng dugo sa kamay at braso niya. Nakasuot pa siya ng damit na pampasyente. Wala rin siyang kahit anong pangyapak kaya pala malamig sa tinatapakan niya.
"Nasa HQ pa rin pala ako." Humugot siya ng malalim na hininga para malaman kung ano ang pakiramdam niya sa sarili.
May masakit sa katawan niya—buong katawan, sa katunayan. Pero nakagagalaw naman siya. Parang may dumadaloy na mainit sa loob ng sistema niya at nararamdaman lang naman niya iyon kapag may nakapasok na namang lason sa katawan niya. At higit sa lahat, grabe na ang kalam ng sikmura niyang nangangasim na.
Dumilat siya at tiningnan ang labas ng main building. Base sa sikat ng araw, tanghali sa mga oras na iyon. Pagtingin niya sa kaliwang gilid, namataan niya ang malaking digital clock sa itaas ng entrance ng mess hall at nagsasabi ito ng 12:06, at 30 degrees naman para sa temperatura.
"O, kumain ka na. Nakakaawa ka naman," sarcastic na sinabi ni Mephist habang inilalapag ang pagkain sa harapan ni Jocas.
Nakasimangot lang ang babae at nakatukod ang magkabilang kamay sa pagitan ng magkabilang hita mula sa kinauupuan.
"Hindi mo mapapalabas si Jin dito, kawawa ka naman," panunuya niya kay Mephist habang hinahainan siya nito ng pagkain.
"Kaunting asar lang sa 'yo, lalabas na siya. Baka nakakalimutan mo, alam ko kung paano palabasin ang mga alter ni RYJO."
BINABASA MO ANG
Project RYJO 3: The Foxy Slayer
ActionIsang all-out war ang dineklara ni RYJO laban sa Superiors at sa Criminel Credo dahilan para makilala na ng lahat kung sino talaga ang pinakasikat na Slayer na kinatatakutan ng lahat ng associations. Anong mangyayari sa Meurtrier Assemblage, kay Raz...