Biyernes dapat ang nakatakdang parusa sa mga sasalang sa castigation, pero mismong araw ding iyon napalaya ang mga Ranker ng HQ na dawit sa idineklarang all-out war ni RYJO.
Muling binuksan ang Meurtrier Assemblage: HQ branch. Nakabalik na rin si Razele sa opisina niya sa Main Sector. Nagtataka ang karamihan kung bakit sila napalaya, lalo na ang mga namumuno sa bawat ahensya, samahan, at asosasyon.
Walang makapagsabi ng eksaktong dahilan ng pagbabago ng desisyon ng guild kahit na kamatayan ang parusa sa ilang mga nahuli.
Isang linggo rin ang lumipas bago unti-unting bumalik ang dating lagay ng HQ. Nakatatanggap na ulit sila ng mga order at mission na parang walang naganap.
Ang mga umaasa ng all-out war mula sa panig ng mga matataas na posisyon ay nabigo. Ang inaasahan nilang katapusan ng mga Superior ay hindi nangyari. Ang laban na inaabangan nila ay hindi naganap.
Balitang-balita rin ang pagbalik nang buhay ng mga lumabag sa Criminel Credo. Bagay na napakabihira lang mangyari. Kasabay niyon ay ang pagkalat ng usap-usapan tungkol sa ilang mahahalagang impormasyon na may kaugnayan sa pagpapalaya sa mga lumabag sa Credo.
Napabalita mula sa Congregation na nakitang buhay ang Brain na matagal nang nawawala at nagawa nitong i-breach ang control system ng Citadel. Ilang agent din ang inatasan upang hanapin ang mga computer na ginamit nito upang mapakinabangan at magamit sa muling pagtatangkang pabagsakin ang Citadel at ang guild.
Kumalat naman sa Asylum ang balitang binitay na si Shadow sa utos na rin mismo ng Fuhrer. Kasabay ng balitang ito ang paglabas ng usap-usapang nasa iisang lugar lang makikita ang lahat ng kayamanang nanakaw niya.
At ang balitang pinanghawakan na lang ng lahat ay ang Ranker na humamon sa mga Superior. Ang Ultimate Assassin na nagdeklara ng all-out war sa guild at sa Credo. Ang Slayer na bigla na lang naglaho pagkatapos nitong magdeklara ng malawakang giyera ay sumuko sa mga Superior kapalit ng buhay ng mga Ranker.
Maraming tanong ang naiwan sa mga taong may matataas na posisyon matapos magbalik ang lahat sa normal.
Walang makapagsabi ng tunay na dahilan ng kanilang paglaya. Kung sino man ang tunay na dahilan kung bakit sila nakalaya. O kung paano ba ang naging proseso kaya sila nakalaya.
At kung ano man ang mga dahilang iyon, alam nilang pare-pareho na may tamang oras at tamang tao para sagutin iyon.
BALISANG-BALISA SI JOSEF nang makarating siya sa Citadel. Ni hindi na niya inabala pa ang sariling sumilip sa labas ng eroplanong sinakyan o kahit sa kotseng naghatid sa kanya sa loob ng Citadel.
Sa mga sandaling iyon, wala na siyang ideya sa lagay ni RYJO, o sa mga kapatid niya, o kahit sa sarili niyang ina. Hindi siya nakapagpaalam nang maayos sa mga ito. Hindi rin naman kasi niya alam kung paano pa magpapaalam.
Ang huling tawag na natanggap niya noon sa labas ng Citadel ay tungkol lang sa lagay ng ama niya.
At hindi iyon maganda.
Buong buhay niya, wala siyang ibang kinimkim sa sarili kundi galit sa sariling mga kadugo. Kaya kung sakali mang malaman niyang may hindi magandang nangyari sa mga ito, iniisip na lang niyang karma lang iyon at nagbabayad lang ito sa mga kasalanang nagawa noon sa kanila.
Imbis na sa isang kuwartong tutulugan, idiniretso si Josef sa meeting room ng Oval at walang ibang naroon kundi ang taong kinamumuhian niya nang lubos.
Ang sarili niyang lolo.
Ang kasalukuyang Fuhrer.
Nakaupo lang ito sa kabilang dulo ng mahabang mesa at mukhang ilang minuto na ring nag-aabang sa pagdating niya.
"It is never your calling to do this kind of decisions, son. I am really curious about the reason behind this act of yours."
Umupo si Josef sa kabilang kabisera ng mesa. Doon lang dumako ang tingin niya sa lalaking nasa kanang tabi ng Fuhrer at nakatayo. Nakasuot ito ng gray suit na kaiba sa uniporme ng ibang Guardian sa labas.
"Just tell me what to do," walang amor na sinabi ni Josef at hindi man lang nagawang tingnan ang sariling lolo sa kabilang mesa.
"We are fixing the agreement between our side and the family of your soon-to-be wife. After the wedding, I will transfer my title to you."
Napahugot ng hininga si Josef at umaktong balewala lang ang narinig.
"Xerez will orient you about your duties," pagtutukoy ng Fuhrer sa katabi nitong lalaki. "He will be your personal Guardian Centurion for the rest of his life. He will serve not only you, but also the guild, the Order, and the Credo."
"Is that all?"
"That's all for now."
Tumayo na si Josef at sinamaan ng tingin ang dalawang tao sa kabilang dulo ng mesa.
Iyon lang naman ang gusto at kailangan niyang malaman.
Mukhang kailangan na niyang maghanda sa bagong buhay na kakaharapin niya sa mga susunod na araw.
ISANG LINGGO NA rin ang nakalipas mula nang kunin si Josef ng mga Guardian. Mag-iisang linggo na rin magmula nang kunin si RYJO ng mga taong binigyan niya ng kasunduan. Pansamantala siyang nakakulong sa isang puting silid. Nakahiga lang siya sa isang malambot na hospital bed, nakaturok sa kanya ang iba't ibang aparato. Magdadalawang araw nang ganoon ang lagay niya buhat nang kunin siya ng mga taong nakausap niya bago siya magdesisyong umalis.
"Are you sure you're going to do this?" tanong pa ng doktor na humahawak ng kaso niya.
Wala naman na siyang magagawa. At desisyon na niya iyon para matapos na ang lahat.
Saglit niyang sinulyapan ang kaliwang gilid. Natanaw niya sa labas ng bintana ng silid na iyon si No. 99 na pinanonood lang ang prosesong ginagawa sa kanya.
"Yes."
BINABASA MO ANG
Project RYJO 3: The Foxy Slayer
ActionIsang all-out war ang dineklara ni RYJO laban sa Superiors at sa Criminel Credo dahilan para makilala na ng lahat kung sino talaga ang pinakasikat na Slayer na kinatatakutan ng lahat ng associations. Anong mangyayari sa Meurtrier Assemblage, kay Raz...