Chapter 14.3

2.7K 50 1
                                    

ANIMO’Y tumigil ang paghinga ni Rachel Leigh nang matanaw niya ang paglapit sa kanya ni Christopher nang gabing iyon sa loob ng Niel’s Bar. Ilang araw niya lang itong hindi nakita pero parang mas lalo pang nadagdagan ang kaguwapuhan nito. Nakasuot pa rin ito ng business suit nito.
Naupo ito sa katapat niyang silya. “Mabuti naman at nakapasok ka na,” pagsisimula nito. “Akala ko masyado kitang nagulat sa ginawa ko noong isang gabi,” ngumiti pa ito.
Iniiwas niya ang tingin dito. Hindi niya na naman napigilan ang pagbilis ng tibok ng puso niya dahil sa ngiti nito. “P-Pinag-isipan kong mabuti ang… ang tungkol sa bagay na iyon,” tukoy niya sa proposal nito.
“Nakapag-desisyon ka na ba?”
Pinilit niyang tumingin dito, umaasa ang mga mata nito. “O-Oo, p-pero may nais akong linawin,” aniya.
Tumango ito. “Ano ‘yon?”
“A-Aakto lang naman tayong mag-asawa sa harap ng Mama mo, hindi ba?” nauutal na tanong niya. Hindi niya pa rin magawang isipin na magpapakasal talaga siya dito.
Ngumiti ito at tumango. “Huwag kang mag-alala, hanggang papel lang ang pagiging mag-asawa natin kung sakaling pumayag ka.”
Bahagya siyang natigilan sa sinabi nito. Hindi niya maintindihan ang munting kirot sa puso niya ng mga oras na iyon. Hanggang papel lang. Tama, iyon naman talaga dapat.
“Ibig bang sabihin nito ay pumapayag ka ng magpakasal sa akin?” maya-maya ay tanong nito.
Marahan siyang tumango. “P-Pumayag ako dahil… dahil naaawa ako sa Mama mo,” pagdadahilan niya.
Lumawak ang pagkakangiti nito at inabot ang kamay niyang nasa mesa. “Maraming salamat, Rachel Leigh,” nasa mga mata nito ang hindi maitatangging galak sa pagpayag niya.
Tinitigan niya ang kamay nitong nakahawak sa kamay niya. Magiging asawa siya ng lalaking ito. Dapat ay natatakot siya pero bakit pakiramdam niya ay ayos lang ang lahat? Pakiramdam niya ay tama ang ginagawa niya?
Malungkot siyang napabuntong-hininga. Masaya ito ngayon pero ano kayang magiging reaksiyon nito kapag nalaman nito ang tunay niyang dahilan sa pagpayag na magpakasal dito? Hindi siya sanay makaramdam ng mga emosyon para sa ibang tao kaya naninibago siya sa lahat ng mga katanungang nasa isipan niya.
Pinilit niya ang pasiglahin ang sarili sa harap nito. “K-Kailan ang kasal natin?” Sobrang bilis pa rin ng tibok ng puso niya kapag naiisip ang kasal na iyon.
“Next week, civil wedding lang iyon,” sagot nito.
Nanlaki ang mga mata niya. Next week?! Hindi niya inaasahan na ganoon kabilis ang lahat.
“Pasensiya ka na talaga kung masyado akong nagmamadali,” dagdag pa nito. “In two weeks ay babalik na dito si Mama kaya kailangan ko na talagang madaliin ang lahat.”
Hindi na siya nakaangal. Wala na rin naman siyang magagawa. Oras ang kalaban nila.
“Si Thaddeus ang tatayong abogado at witness ko,” sabi pa nito. “Puwede kang magdala ng isa sa mga kaibigan o kakilala mo.”
Yumuko siya at marahang umiling. “Wala akong maiimbita,” bulong niya. Kung naririto pa sana si Sandra ay baka may makasama pa siya pero wala na ito. Muli na namang sumibol ang kalungkutan sa puso niya sa pagka-alala dito.
Pinisil nito ang kamay niyang hawak nito. “It’s okay, ako na ang bahala doon.”
Tumingin siya dito at nakita ang pag-ngiti nito. Nakakapagpagaan talaga ng loob ang mga ngiti nito. Hindi niya gustong masanay sa damdaming ito pero hindi niya magawang pigilan ang sarili.

[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.Where stories live. Discover now