Chapter 19.6

2.7K 56 1
                                    

HINDI na nagawang habulin ni Christopher si Rachel Leigh dahil hindi niya pa rin maintindihan ang sakit na nararamdaman dahil sa mga sinabi nito. Tama ito, hanggang papel lang naman talaga ang usapan nilang dalawa sa relasyon nila bilang mag-asawa. Bakit ba siya nakikialam pa sa mga nais nitong gawin at sa mga taong gusto nitong makasama?
Inihilamos niya ang isang kamay sa mukha. Kasalanan niya ang lahat ng ito. Hindi niya na dapat sinimulan ang bagay na ito. Nitong nakaraang mga araw ay pinipigilan niya ang sariling hanapin kung nasaan ito at alamin kung ano ang ginagawa nito pero hindi siya nagtatagumpay. Palagi niya na lang natatagpuan ang sariling palihim na tinitingnan ito mula sa malayo.
Kahit gusto niya itong lapitan ay hindi niya magawa. Kahit gusto niyang alisin ang kalungkutang nasa mga mata nito ay hindi niya magawa. Hindi niya gustong patuloy na ibigay ang damdamin dito, hindi niya gustong masaktan sa bandang huli dahil alam niyang mapuputol din ang relasyon nilang ito kapag nagsawa na itong makisama sa kanya. Unang-una sa lahat ay napilitan lang itong tanggapin ang alok niyang kasal dahil naaawa ito sa kanya.
Kaya hangga’t maaari ay dapat niyang ilayo ang damdamin sa babaeng iyon. Dahil hanggang sa papel lang ang lahat – ang kasal nila at ang pagsasama nila.
HINDI na alam ni Rachel Leigh kung gaano katagal na siyang nakatayo lamang sa hamba ng pintuan ng front door at nakatitig sa labas. Gabing-gabi na pero hindi pa rin umuuwi ang asawa niya. Nalaman niya kanina kay Mama Angelina na kaarawan pala ni Christopher nang araw na iyon. Kanina ay nagluto ng espesyal na hapunan para dito ang mama nito pero nakakain na sila ay hindi pa rin ito dumadating.
Malungkot siyang napabuntong-hininga. Saan kaya ito nagdiwang ng kaarawan nito? Sa piling kaya ng ibang— Napailing siya. Hindi. Hindi niya dapat isipin iyon.
Napalingon siya sa likod nang marinig ang pagtawag sa kanya ni Mama Angelina.
“Anak, hindi ka pa ba tutulog?” tanong nito. “Mukhang hindi uuwi ngayon si Christopher. Baka nag-overtime iyon sa opisina niya. Magpahinga ka na.”
“Sige po, magpapahangin lang po ako ng ilan pang minuto. Magpahinga na po kayo.”
Ngumiti naman ito at tumango. Pagkaalis nito ay muli niyang ibinalik ang tingin sa labas. Ilang minuto pa siyang naghintay nang makita niya ang pagpasok ng sasakyan ni Christopher sa gate.
Napatuwid siya ng tayo at mabilis na tumakbo patungo sa living area. Naupo siya sa sofa na naroroon at nagkunwang nagbabasa ng magazine. Pagtingin niya sa may pinto ay napakunot-noo siya nang makita ang pagpasok ni Christopher. Wala na sa ayos ang damit nito at halata sa itsura na nakainom.
Mabilis siyang lumapit dito. “Christopher.”
“Hey,” bati nito sa lasing na tono. “Isssh my birthday,” tumawa pa ito.
Napalapit siya dito nang makita ang pagkawala nito ng balanse. Nahulog ito sa mga braso niya. He was too heavy pero ginawa niya pa rin ang lahat para maalalayan ito paakyat sa hagdan at patungo sa kuwarto nito.
Nang makapasok sila sa loob ay idiniretso niya ito sa kama. Napabagsak sila doon. Nasa ibabaw siya nito at napatapat ang mukha niya sa guwapong mukha nito. His eyes were closed and his lips were slightly parted. Oh, he was so handsome. Na-miss niyang titigan ang mukha nito ng ganoon kalapit.
Dahan-dahan siyang napalayo dito nang marinig ang pag-ungol nito. Pinunasan niya ang pawis na naglandas sa noo nito. Ibinaba niya ang tingin sa suot nitong white polo. Maingat niya iyong inayos.
Nagitla pa siya nang tabigin ni Christopher ang mga kamay niya. “Sinabi ng huwag mo akong hawakan,” anito sa lasing na tono. “I’m married, hindi mo ba maintindihan?”
Hindi niya napigilan ang mapangiti sa sinabi nito. Inabot niya ang isang kamay nito at inilagay iyon sa isa niyang pisngi.
“May asawa na ako,” patuloy na bulong nito, siguradong tulog na ito.
Tumango-tango siya. “Alam ko,” mahinang bulong niya. Tinitigan niya ito ng mahabang sandali. “Happy Birthday, Christopher… I love you.”
Napatigil siya sa sinabi. Tumigil din sa pagtibok ang puso niya. Anong… Anong sinabi niya? M-Mahal niya ito? Bigla niyang nabitawan ang kamay nitong hawak niya at mabilis na napatayo.
No! Nagsisinungaling ang bibig niya. Bakit? Bakit niya sinabi ang mga salitang iyon? Hindi niya alam kung saan iyon nanggaling.
Mariin niyang ipinikit ang mga mata at paulit-ulit na ini-iling ang ulo. Calm down, Rachel Leigh. Huwag mong pakinggan ang puso mo. Huwag. Nang imulat niya ang mga mata ay wala pa ring nangyari. Sobrang bilis pa rin ng tibok ng puso niya at paulit-ulit pa rin ang mga salitang sinabi niya kanina sa utak niya.

[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.Where stories live. Discover now