Chapter 8

1.1K 80 24
                                    

"HIJA, PASENSYA KA NA TALAGA. Nakikiusap ako sayo, wag ka nang magsampa ng kaso. Ako na ang bahalang dumisiplina sa anak ko," mangiyak-ngiyak na pakiusap sa kanya ng ina ni Macky, si Mrs. Ritual, pagdating nito sa barangay hall. Ang anak nito ay nakaupo sa katabing bangko, nakatingala habang nakasandal ang ulo sa pader.

"Mr. And Mrs. Agustin, nakikiusap ako, wag na kayong magsampa ng kaso. Bata pa ang anak ko at nag-aaral. Masisira ang kinabukasan nya," naninikluhod na sabi nito sa mga matulang n'ya.

"Kailangang matuto ng leksiyon ang anak ninyo, misis," seryosong sagot ng ama niya. "Paano kung nagawan niya ng masama ang anak ko at nabalda ko ang anak n'yo, papayag din po ba kayo sa pasensya?"

"Wala namang mangyaring masama," anang ginang sa kanila.

"Pero muntik na po," aniya. Naaawa siya sa ina ni Macky dahil muka naman itong mabait, pero kailangang maturuan ng leksiyon ang binata.

Kaharap nila ang Barangay Captain na nakakasakop sa village, ang presidente ng homeowners at ang head ng security.

"Nakikiusap ako. Patawarin n'yo na ang anak ko," humarap si Mrs. Ritual sa ina niya, "Bilang isang ina, alam kong mauunawaan mo ako."

"Bilang isang ina rin, alam kong mauunawaan mo kung bakit hindi ko mapapalampas ang muntik nang gawin ng anak mo sa anak ko," malumanay pero may diing sagot ng ina niya.

"Ipapadala ko na lang sa Baguio si Macky, wag niyo na lang s'ya sampahan ng kaso. Sisiguraduhin kong hindi na gagambalain ng anak ko ang anak n'yo, Mr. And Mrs. Agustin," anito, may luha na sa mga mata.

Biglang bumukas ang pinto at pumasok doon ang isang lalaki. Naka-formal attire ito pero ang suot na kurbata ay magulo na, halatang hinuhubad pero hindi na nagawang alisin.

"Dad," anang ina ni Macky, biglang kinabakasan ng takot ang mukha nito.

"Anong kalokohan na naman ito, Macky?" dumadagundong ang boses na sabi nito. Tiningnan lang ni Macky ang bagong dating, tumiim ang bagang pero hindi nagsalita.

"Kailan ka ba talagang magtitinong bata ka? Hindi mo na ba talaga ako bibigyan ng kahihiyan? Wala ka nang ginawang mabuti! Lahat na lang puro gulo!" Namumula ang mukha nito sa galit.

"Dad, wag dito. Sa bahay na lang natin pag-usapan," anang asawa nito.

"Isa ka pa!" Baling nito sa asawa, itinaas ang kamay at dinuro nito si Mrs. Ritual. "Kaya tumitigas ang ulo ng anak mo, lagi mong kinakampihan! Parehas kayong mag-ina na wala ng naidulot na maganda sa pamilyang ito!"

Pumatak ng luha ni Mrs. Ritual kasabay ng panginginig ng mga labi. Lalo naming umigting ang bagang ni Macky kasabay nang pagkuyom ng kamay nito.

"Ibinibigay ko naman lahat ng gusto mo! Lahat ng luho! Gadget, mamahaling damit, pati kotse. Pero hindi ka maalam makontento!"

“Hindi iyon ang kailangan ko sa inyo,” sagot ni Macky habang direktang nakatingin sa ama.

“At sumasagot ka pa!” anang ama nito na inundayan ng suntok ang anak.

“Dad!” ani Mrs. Ritual na kaagad nayapos ang anak. Ihinarang ang katawan sa planong gawin ng asawa.

Hinigit nito palayo ang asawa at nang mabitawan ni Mrs. Ritual si Macky ay binigyan nito nang nagbababalang tingin ang asawa, “Tumigil ka. Kung hindi, parehas kayong makakatikim ng anak mo!”

Sa kabila ng pagluha ay napilitang lumayo si Mrs. Ritual.

"Katatapos lang ng huling gulong ginawa mo. Lagi ka na lang nakikipagbasag-ulo. Noong nakaraan, mga lalaki ang kaaway mo, kaaareglo ko pa lang, kababayad sa hospital bills nila kahapon! At ngayon naman, nambastos ka na nga ng babae, nakipagbasag-ulo ka na naman! Hindi ka na talaga nahiya? Hindi ka ba talaga maalam rumespeto?" Hinawakan nito ang leeg ng damit na suot ni Macky, pilit itinatayo ang anak pero nanatiling nakaupo lang ang binata, sinalubong ng galit din na tingin ang ama.

My Savory Love (COMPLETED) Where stories live. Discover now