Hindi na alam ni Mica kung saan siya patungo, basta ang alam lang niya ay kailangan niyang tumakbo. Humihingal na siya sa pagod, pero di niya magawang huminto. Ramdam niya--ramdam na ramdam niya na merong nakasunod. Na merong pangalawang pares ng mga paa na gumagawa ng mga yapak sa likuran niya. Na merong pangalawang humihingal na paghinga. Na merong pangalawang pares ng mga mata na nakatingin sa likuran niya. At ito ang nag udyok sa kanya na tumakbo. Nababalutan na ng luha ang sarili niyang mata, na siya ring tumutulo sa mga pisngi niya, pero di niya ito magawang punasan. Ang nasa isip lang niya ay pagod na pagod na pagod na siya pero dapat niyang itulak ang mga paa niya para gumalaw, habang pinipilit ang sarili niya na huminga.

May naramdaman siyang bagay na nahulog mula sa bulsa niya, at dito rin niya nagawang huminto. Nung napatingin siya sa ibaba, dito niya napagtanto na nahulog pala niya yung susi sa apartment niya, na nakasabit sa isang pineapple keychain na bigay sa kanya ni Drea noon. Dali-dali siyang bumaba para kunin ito, pero di niya ito naabot dahil biglang may humawak sa braso niya at hinila siya sa likod ng isang pader. Agad siyang napaisip na nahuli na siya, at by instinct sisigaw na sana siya--

"Shh!" banta ng nakahawak sa kanya, sabay takip sa kanyang bibig para di na siya mag-ingay.

Sa segundo na nakilala ni Mica yung boses, agad siyang napahinto sabay lingon.

"Aina?!"

"Tahimik ka nga! Baka makita pa tayo dito!" pabulong na pangaral ni Aina. Dahan dahan niyang sinilip yung labas, at sumunod naman si Mica.

Walang tao sa daan. Ni isang kaluluwa wala.

"Ligtas na ba?" tanong ni Mica habang humihingal.

"Hindi pa 'yan sigurado. Pero mukhang tahimik naman yung lahat sa ngayon." sagot ni Aina.

"Ains, sila Nika? Nasaan yung iba?"

"Hindi ako sure. Nung nakalabas na ako, agad na rin akong tumakbo. Pero bago pa kami nagkahiwalay, yung last kong nakita ay sila Rose at Riah na tumutungo sa kabilang street. Si Nika naman parang kumakatok sa ilang bahay para humingi ng tulong. Pero sa tingin ko walang masyadong tao rito sa subdivision na 'to. Masyado kasing tahimik." paliwanag ni Aina.

"At si Drea?" tanong ulit ni Mica, nung napagtanto niya na hindi pa na mention ni Aina yung pangalan niya.

"Hindi ko alam. Nung nakalabas ako, hindi ko na siya nakita. Baka humingi rin ng tulong tulad ni Nika."

Tumango nalang si Mica sa impormasyong naibigay sa kanya, habang sinusubukang kumalma para makapag-isip siya ng tama. Oo nga. Ngayon na nasabi na ni Aina, masyado ngang tahimik dito sa subdivision. Parang walang nakatira sa mga bahay na nakapaligid sa kanila.

"Parang nawala ata natin yung sumusunod sa'tin." sabi ni Aina habang nakasilip sa labas.

Nung unti unti nang nakahinga si Mica ng maayos, tumingin rin siya sa labas. "Mukhang okay na, tara hanapin natin yung iba."

Naka isang yapak pa lang si Mica palabas ng pinagtataguan nila, nung bigla nila ulit narinig yung tunog.

Agad hinila ni Aina si Mica pabalik, at unti unting napayuko yung dalawa dahil sa lumalaki nilang takot.

Hindi pa ito tapos.

Automatic na tinakpan ni Mica yung bibig niya gamit ang kanyang kamay para hindi marinig ang paghinga niya. Napahawak si Aina sa iba niyang kamay, at sabay silang napahinto nung biglang lumakas yung tunog.

Yung tunog na parang meron ulit na hinihilang mabigat. Halos magkapareho ito sa tunog ng isang higanteng bolo na sumasayad sa semento. Lumakas ito ng lumakas, at halos maluwa ni Mica yung puso niya dahil sa kaba.

i'm xxxxWhere stories live. Discover now